Lunes, Setyembre 24, 2018

SAN LORENZO RUIZ: MATAPAT HANGGANG WAKAS

28 Setyembre 2018 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25 (Maaring laktawan)/Mateo 5, 1-12 


"...talikdan na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa espiritu." (2, 11) Ito ang mga salita ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na hango mula sa kanyang unang sulat. Para kay Apostol San Pedro, ang mga tunay na Kristiyano ay tumututol sa mga pita ng laman. Nilalabanan at itinatakwil ang mga tukso ng laman. Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi naghahangad at nagpapatalo sa kamunduhan. Bagkus, ang mga tunay na Kristiyano ay yaong mga naghahangad ng tunay na kayamanan na matatagpuan lamang sa piling ng Diyos sa langit. Sila ang mga mananatiling tapat sa Diyos hanggang wakas. Hindi nila ipagpapalit ang Diyos sa kung anumang yaman dito sa mundo na pansamantala lamang.

Ang temang ito ng pagtatakwil sa kamunduhan ay siya ring pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Itinuro sa Unang Pagbasa ang kahalagahan ng pagtitiis. Sa pagtitiis lamang masusukat ang katapatan. Sa pagtitiis lamang makikita ang pananalig at pagmamahal sa Diyos. Kung ang bawat tao ay magtitiis sa mga panahon ng pagsubok sa buhay, kung ang mga tukso't pita ng laman ay itatakwil ng bawat tao, makakamit nila ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit bilang gantimpala para sa kanilang katapatan hanggang sa wakas. At sa Ebanghelyo, itinuro ng Panginoong Hesus sa mga Beatitudo kung sinu-sino ang mga maituturing na mapapalad. Kabilang na rito ay ang mga inuusig dahil sa kanilang pagtalima't pagsunod sa kalooban ng Diyos. Dahil sa katapatan nila sa Diyos, mas mamatamisin pa nilang mamatay alang-alang sa Kanya kaysa talikuran Siya para lamang sa mga yaman dito sa sanlibutan na pansamantala lamang. 

Si San Lorenzo Ruiz ay huwaran ng pagiging matapat sa Diyos hanggang wakas. Kahit na inalok sa kanya ang pamumuhay nang malaya at ligtas kung itatakwil niya ang kanyang pananampalataya sa Diyos, pinili pa rin niyang manatiling tapat hanggang kamatayan. Tinutulan niya ang tukso't pita ng laman. Buong katatagan niyang inihayag ang kanyang katapatan sa Panginoon hanggang kamatayan. Inihayag niyang hinding-hindi niya ipagpapalit ang Panginoong Diyos. Mas mamatamisin pa niyang mamatay bilang martir ng Panginoon kaysa ipagpalit Siya para sa kanyang sariling kaligtasan at kalayaan sa ibang bansa. Pinili niyang itakwil ang tukso ng laman at manatiling tapat sa Panginoon hanggang kamatayan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento