Miyerkules, Setyembre 26, 2018

MGA DAPAT IWASAN

30 Setyembre 2018 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Bilang 11, 25-29/Salmo 18/Santiago 5, 1-6/Marcos 9, 38-43. 45. 47-48 



Sinabi ni Moises kay Josue sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na hindi siya nangangambang mabawasan ng karangalan dahil sa ginawang pagbabahagi ng espiritu ng Panginoon kina Eldad at Medad kahit na hindi sila kasama sa pitumpung matatanda. Sila'y nagpapahayag kahit hindi sila sumama sa pitumpung matatanda. Subalit, hindi sila sinawayan ni Moises. Hindi niya pinairal ang inggit dahil sa ginawa ng dalawang matatandang lalaki. Natuwa pa nga si Moises dahil mayroon ring nagpapahayag sa Ngalan ng Panginoong Diyos bukod sa kanya at sa pitumpung matatandang hinirang upang maging pinuno. Sabi pa nga ni Moises sa bahaging yaon na mas nanaisin pa niyang maging propeta at mapuspos ng espiritu ng Diyos ang lahat ng mga Israelita (11, 29). 

Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ngayong Linggo ang mga dapat iwasan ng bawat isa. Tulad ni Moises na umiwas sa inggit sa Unang Pagbasa, nararapat lamang na iwasan natin ang mga dapat iwasan. At iyon ang punto ng Panginoong Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo - umiwas sa kasalanan. Ang bawat isa'y tinatawag ng Panginoong Hesukristo upang maging Kanyang mga tagasunod at saksi. Kung nais nating maging tunay na saksi at tagasunod ni Kristo, kinakailangan nating iwasan ang kasalanan, tulad ng Kanyang iniuutos. 

Gumamit ng matitinding eksaherasyon si Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo upang isalungguhit ang punto ng pag-iwas sa kasalanan. Noong sinabi Niyang putulin ang kamay at paa o dukitin ang mata kapag iyon ang naging dahilan kung bakit nagkasala ang isang tao, hindi Niya ito sinasabi nang literal. Hindi dapat maging literal ang pagsunod at pag-unawa sa mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Iisa lang ang nais sabihin ni Hesus sa paggamit ng eksaherasyon - iwasan ang lahat ng bagay na mag-uudyok sa atin na magkasala. Tutulan ang mga pang-aakit ng tukso sa ating buhay at manatiling tapat kay Kristo. 

Nagbigay ng babala si Apostol Santiago sa mga sakim at kumakapit sa kanilang mga kayamanan sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagiging sakim at uhaw sa mga yaman sa mundo ang aakay sa bawat isa tungo sa kapahamakan. Sa halip na piliin at unahin ang Diyos, inuuna ang kayamanan dito sa mundo. Hinahayaan ang kanilang mga sarili na mabulag sa mga makamundong kayamanan. Uunahin ang ambisyon, ang pagkauhaw sa makamundong kayamanan at kapangyarihan. At sa halip na gamitin ang mga iyon para sa kabutihan, ginagamit nila iyon para mang-api ng mga mahihirap at walang kalaban-laban. Ito ang babala ni Apostol Santiago - may araw din sila. Darating rin ang panahon kung kailan magwawakas ang kanilang pang-aapi sa mga mahihirap at ito ang ikapapahamak nila. Ang mga salitang ito sa Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago ay isang babala para sa lahat laban sa kasakiman at kamunduhan. 

Ang bawat isa'y pinagpapala ng Diyos. Ang mga pagpapalang tinanggap ng bawat isa mula sa Diyos ay hindi gamitin sa kasamaan. Bagkus, ang mga ito'y dapat gamitin para sa kabutihan. Sinasayang lamang natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Diyos kung gagamitin natin ang mga ito sa kasamaan. Kaya tayo binababalaan na iwasan ang kasamaan upang hindi natin magamit dito ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. 

Bilang mga tagasunod ng Panginoon, may mga dapat tayong iwasan. Ang mga dapat nating iwasan ay ang mga aakay sa atin tungo sa kapahamakan. Inuutusan tayong itakwil at umiwas sa kasamaan na aakay sa atin tungo sa kapahamakan. Ang landas na dapat nating tahakin at sundin ay ang landas ng kabanalan. Ang landas ng kabanalan ang aakay sa atin tungo sa kaligtasan. Kung hinahangad nating maging tunay na tagasunod ni Kristo, tatahakin natin ang landas ng kabanalan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento