Sabado, Setyembre 15, 2018

KAYA BANG TANGGAPIN?

16 Setyembre 2018
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 50, 5-9a/Salmo 114/Santiago 2, 14-18/Marcos 8, 27-35 



Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. Nangyari ito matapos ihayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas. Ang rebelasyon ni Hesus tungkol sa Kanyang sasapitin sa Herusalem ay iba sa inaaasahan ng mga apostol sa Mesiyas. Hindi nila lubusang maunawaan o matanggap na ang ipinangakong Mesiyas ay dadanas ng matinding pagdurusa't kamatayan sa kamay ng mga pinuno, tulad ng inihayag ni propeta Isaias sa kanyang hula sa Unang Pagbasa. Hindi nila maintindihan kung anong uri ng Mesiyas ang Panginoong Hesus. 

Napakahirap para sa mga apostol, lalung-lalo na para kay Apostol San Pedro, na tanggapin na lamang ang rebelasyong ito ng Panginoong Hesus. Ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay pinagsabihan ni Pedro tungkol dito. Hindi nila matatanggap ang inihayag ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili dahil hindi ito tumutugma sa mga inaasahan nila sa Mesiyas. Inaasahan nila na magiging isang makapangyarihang hari't pinuno ang Mesiyas. Inaasahan nila na ang Mesiyas ay magiging isang pulitikal na pinuno. Subalit, kung pagbabasehan ang ibinunyag ni Hesus, ang Mesiyas ay magiging isang lingkod na magbabata ng matinding pagdurusa na walang kalaban-laban. Ang hirap tanggapin. Hindi ito ang inaasahan. Hindi iyan ang larawan ng Mesiyas na kanilang itinanim sa kanilang isipan. 

Ibang-iba si Kristo sa inaasahan. Sa halip na gumamit ng dahas, si Kristo ay nagpakita ng kahinahunan at kahinaan. Sa pamamagitan ng Kanyang kahinaan at kahinahunan, iniligtas Niya ang sangkatauhan. Niloob ng Diyos na maligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Kahit napakasakit para sa Ama na makita ang pagbabata ng matinding hirap at kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, niloob pa rin Niya ito mangyari upang ang sangkatauhan ay maligtas. Pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus na tunay Siyang mapagmahal. Si Hesus ay dumating bilang Mesiyas na ibang-iba sa inaasahan ng lahat sa Kanya. 

Sa ikalawa't huling bahagi ng Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang mga kundisyon sa pagiging tagasunod Niya. Inihayag Niya na kinakailangang limutin ng bawat isa ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Kanya ang mga nais maging alagad Niya. Ang mga nais maging tagasunod ni Kristo ay dapat sumunod sa Kanyang atas tungkol sa pagiging Kanyang tagasunod. Sa pahayag na iyon, ipinapaalala ng Panginoong Hesukristo na hindi laging magiging maginhawa ang buhay ng bawat sumusunod sa Kanya. Ibang-iba iyon sa inaasahan ng karamihan na magiging maganda ang buhay ng bawat isa dito sa mundo kapag sila'y sumunod kay Kristo. Inaasahan ng karamihan na kapag sumunod sila kay Kristo, mawawala ang kanilang mga problema. Inaasahan nilang magiging madali ang lahat sa buhay. Subalit, kahit ang mga nananalig at sumusunod kay Kristo ay nakakaranas ng mga matitinding pagsubok sa buhay. Hindi sila ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Lagi silang nagtitiis upang manatiling tapat kay Kristo. Kung paanong si Kristo'y nagbata ng matinding pagdurusa't kamatayan sa krus, ang mga nananalig at sumusunod sa Kanya ay nagtitiis at nakikipagdigma sa mga tukso sa buhay upang ihayag ang kanilang katapatan sa Kanya. 

Ang kundisyon sa pagiging tagasunod ni Kristo na inilahad sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ang pinagtuunan ng pansin ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa, "Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa." (2, 17) Walang saysay ang pananalig kay Kristo kapag puro salita lamang ang ginagamit at walang kalakip na gawa. Kapag inihayag ng isang tao na siya'y nasa panig ni Kristo subalit hindi tumutugma ang kanyang mga gawa sa kanyang inihayag, walang saysay ang kanyang sinabi. Magkarugtong ang mga salita't gawa. Hinding-hindi ito maipaghihiwalay. Kailangang tumugma sa mga salitang binitiwan ng bawat isa ang kanilang mga gawa. At pagdating sa pagiging tagasunod ni Kristo, kinakailangang ipakita ang pananalig at katapatan sa Kanya sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Kahit mahirap ang ipinapagawa ng Panginoon sa atin, kung tunay natin Siyang iniibig, tatalima pa rin tayo sa Kanyang utos. Sa mga gawa lamang natin mapapatunayang autentiko ang ating pahayag na tayo'y tunay ngang nasa panig ng Panginoon. 

Tularan ang Panginoong Hesus. Tularan ang Kanyang pagtanggap at pagpasan sa krus patungong Kalbaryo. Iyan ang kundisyon sa pagiging tagasunod ni Hesus. Iba ito sa inaakala ng lahat na magiging madali ang buhay ng mga tumatalima't sumusunod sa Kanya dito sa mundo. Subalit, sa piling lamang ng Panginoon sa langit matatagpuan ang walang hanggang kaginhawaan. At habang naglalakbay ang bawat isa dito sa lupa, humaharap sila sa mga pagsubok sa buhay. Hindi ligtas ang mga buong pusong nananalig at sumusunod kay Kristo sa mga pagsubok sa buhay. Subalit, napapagtagumpayan ng mga banal ang mga pagsubok na ito sa buhay sa tulong ni Kristo Hesus na buong katapatan nilang iniibig, sinasamba, pinananaligan, pinaglilingkuran, at sinusundan. 

Kung nais nating maging tunay na tagasunod ni Hesus, kailangang tumalima tayo sa Kanyang atas, gaano mang kahirap ito. Hindi sapat na sabihing pinananaligan at iniibig natin ang Panginoon upang maging Kanyang tagasunod. Kinakailangang nating sumunod sa Kanyang loobin. Ang mga tunay na tagasunod ng Panginoong Hesus ay tatalima sa Kanyang kalooban nang buong pananalig at pagmamahal sa Kanya, gaano mang kahirap gawin ito. 

Ang tanong para sa bawat isa - kaya ba nating tanggapin ang mga atas ni Hesus? Kaya ba nating sundin at tanggapin ang Kanyang naisin nang buong katapatan? Handa ba tayong manatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan ng buhay natin dito sa lupang ibabaw? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento