Sabado, Setyembre 8, 2018

HINDING-HINDI MAKAKALIMUTAN

14 Setyembre 2018 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos." (Salmo 77, 7k) Isinasalungguhit sa mga katagang ito ang kadakilaan ng Diyos. Nahahayag ang kadakilaan ng Diyos sa Kanyang mga gawa. Ang kadakilaan ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan. Kaya, nararapat lamang na alalahanin ng bawat isa na ang Diyos lamang ang tunay na dakila. Paulit-ulit na pinatunayan ng Diyos ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa sa simula't sapul. 

Pinagtutuunan ng pansin sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang kadakilaan ng krus ni Kristo. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, ang lahat ng tao ay naligtas. Ang krus, na dati-rati'y instrumento ng kapahamakan at kamatayan, ay ginamit ni Kristo bilang instrumento ng kaligtasan. Ginamit ni Kristo ang kahoy na krus para tubusin ang sangkatauhan. Paano Niya ginamit ang krus? Siya'y namatay sa krus. Mula sa kahoy na krus sa Kalbaryo, ibinubo ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ang lahat ng tao ay naligtas sa pamamagitan ng ginawang paghahain ng sarili ni Kristo sa krus. 

Sa Ebanghelyo, inihayag na kinailangang itampok si Hesus, ang Anak ng Tao, tulad ng ginawang pagtatampok ni Moises sa ahas doon sa ilang na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ang bawat taong tinuklaw ng makamandag na ahas ay gumaling noong sila'y tumingin sa ahas na tanso na itinampok ni Moises sa ilang. Si Moises ay iniutusan ng Diyos na gumawa ng ahas na tanso at ilagay ito sa dulo ng isang tikin upang maligtas ang lahat na tumingin dito, kahit matuklaw ng makamandag na ahas. Ipinapakita ng salaysay sa Unang Pagbasa at ng pahayag sa Ebanghelyo na pipiliin ng Diyos na sila'y iligtas kaysa ipahamak sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan. 

Kahit paulit-ulit na magkasala ang tao, kalooban pa rin Niyang maligtas silang lahat. Hindi hinahangad ng Diyos na mapahamak ang tao. Nais ng Diyos na makapamuhay nang malaya bilang Kanyang mga anak ang lahat ng tao. Nais ng Diyos na maranasan ng bawat isa ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Kaya naman, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. At sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, buong kababaang-loob na tinupad ng Panginoong Hesukristo ang ipinagawa sa Kanya ng Ama bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. 

Inihayag ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng krus ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao sa pamamagitan ni Hesus upang tayong lahat ay iligtas. Kahit karumal-dumal iyon, tinanggap pa rin ni Hesus ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Sa pamamagitan nito'y napatunayang kahanga-hanga at tunay ngang dakila ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Ang pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus ang naghayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa lahat. At hinding-hindi ito makakalimutan. 

Ang ginawang paghahain ni Hesus sa krus ay hinding-hindi makakalimutan. Ito'y sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas Niya ang lahat ng tao. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento