06 Disyembre 2026
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon [B]
Isaias 40, 1-5. 9-11/Salmo 84/2 Pedro 3, 8-14/Marcos 1, 1-8
Larawan: Nicolas Poussin (1594–1665), Saint John Baptizing in the River Jordan (c. 1630). Getty Center. Public Domain.
"Pag-ibig Mo'y ipakita, iligtas kami sa dusa" (Salmo 84, 8). Ang pagiging mapagmahal ng Diyos ay buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Dahil tunay nga Siyang mapagmahal, ipinasiya ng Diyos na ipadala sa mundo ang Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na dumating sa mundo bilang Tagapagligtas noong ang takdang panahon ay sumapit. Sa katotohanang ito nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito.
Inaanyayahan ng Simbahan ang bawat isa sa atin sa Linggong ito na pagnilayan ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang dumating bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Ang dahilan kung bakit nangyari ito noong sumapit ang takdang panahon ay walang iba kundi ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagligtas sa atin, nahayag ang Kaniyang dakilang pag-ibig.
Ang bunga ng dakilang pag-ibig ng Diyos ay ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Hindi nagdalawang-isip ang Diyos na ipagkaloob ito sa atin. Bagkus, ipinagkaloob Niya ang biyayang ito sa atin nang kusang-loob. Ito ang Kaniyang niloob noon pa man. Lubos Siyang nasaktan nang malugmok ang tao sa kasalanan. Dahil diyan, gumawa Siya ng paraan upang iligtas ang sangkatauhan.
Sa Ebanghelyo, nangaral si San Juan Bautista sa mga taong tumutungo sa Ilog Jordan upang makinig sa kaniyang mga pangaral at magpabinyag tungkol sa halaga ng taos-pusong pagbabalik-loob sa Diyos. Ang pangaral ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa ay nakatuon rin sa aral na ito. Ipinaliwanag naman sa Unang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay laging nangangaral tungkol sa halaga ng taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Kalooban ng Diyos na malaman ng lahat ang Kaniyang pagiging mapang-aliw. Laging handa ang Diyos na magbigay ng tunay na aliw, ligaya, galak, at tuwa.
Kung paanong ipinagkaloob ng Nazarenong si Kristo Hesus ang biyayang ito noong una Siyang dumating sa lupa, ipagkakaloob Niya muli ang biyayang ito sa muli Niyang pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Ang biyayang ito ay para sa lahat ng tao. Subalit, nasa tao ang pasiya kung ang biyayang ito ay taos-puso nilang tatanggapin. Mapapatunayan lamang nila ito sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Pinatutunayan ng kanilang mga salita at gawa kung ang daraanan ni Kristo Hesus na Panginoon, Hari, at Manunubos ay tunay nga nilang tinutuwid.
Lagi nating dapat tuwirin ang daraanan ng Poong Jesus Nazareno. Nararapat lamang na gawin ito bilang tugon sa Kaniya na hindi nagdalawang-isip na ibigin, kahabagan, biyayaan, at kaawaan tayo. Ang Kaniyang pasiyang iligtas tayo ay ang patunay nito.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento