Huwebes, Marso 31, 2022

HINANGAD NIYANG MAGING TAO

14 Abril 2022 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 

Artus Wolffort, Last Supper (c. 1630s), Public Domain 

Hindi lamang alkemiya at ibang uri ng agham na tumatalakay sa kalikasan o sa mga kemikal at pisikal na bagay ang tinalakay sa Fullmetal Alchemist: Brotherhood. Ang mga paksa tungkol sa moralidad ay tinalakay rin sa seryeng ito. Isa sa mga paksang binigyan ng pansin sa napakasikat na seryeng ito ay ang pagiging isang bathala o diyos. Ang Homunculus na tinatawag na Ama ng mga pitong salang nakamamatay ay naghangad na maging diyos. Iyon ang dahilan kung bakit nais niyang mapasakanya ang lahat ng mga bato ng pilosopo (philosopher's stone). Nais niyang maging isang bathalang makapangyarihan sapagkat magagawa niya ang lahat ng bagay nang hindi gumagawa ng isang transmutation circle

Ito rin ang inakala ni Edward Elric, isa sa dalawang bida ng nasabing anime. Buong kababaang-loob niyang inamin sa harapan ng Katotohanan sa pinakahuling kabanata ng anime na ito kung saan ang kanyang kapatid na si Alphonse ay kanyang iniligtas at ibinalik sa mundo. Sabi ni Edward na inakala niyang kaya niyang gawin ang lahat ng bagay sa tulong ng alkemiya. Siya nga mismo ang nagsabi sa isang babae sa isa sa mga unang kabanata ng nasabing serye, parang mga diyos na rin ang mga dalubhasa sa alkemiya. Subalit, napagtanto ni Edward na hindi iyon totoo. Katunayan, hindi nga niya mailigtas ang isang batang babae, si Nina, na naging isang chimera (pinaghalong tao at hayop) gamit ang alkemiya. Dahil diyan, ipinasiya ni Ed na isuko ang kanyang pintuan ng katotohanan upang mabawi niya ang kanyang kapatid na si Al. 

Pagsapit ng dapit-hapon ng Huwebes Santo taun-taon, sinisimulan ng Simbahan ang tinatawag na Banal na Tatlong Araw. Sa Banal na Tatlong Araw, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Misteryo Paskwal ni Kristo Hesus. Inilalarawan ng misteryong ito na binibigyan ng pansin sa tatlong araw na ito ang hangad ng Diyos na maging tao. Kung mayroong mga taong naghahangad na maging isang diyos o bathala, ang hangad ng Diyos ay maging isang tao. Tinupad Niya ang Kanyang hangrin na maging isang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Sa unang araw ng Banal na Triduo, ginugunita ng Simbahan ang Huling Hapunan. Sa isang silid, ipinagdiwang ni Hesus ang Hapunang Pampaskuwa kasama ang Kanyang mga apostol. Sa mga huling sandali na nakasama Niya ang mga apostol, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya at hinugasan ang kanilang mga paa upang ipakita sa kanila ang Kanyang hinangad noon pa mang una. Ang pagtatag ni Kristo sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya ay isinalaysay sa Ikalawang Pagbasa at ang paghugas sa paa ng mga apostol ay isinalaysay naman sa Ebanghelyo. Itinuro ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol sa pamamagitan ng dalawang gawaing ito na ginugunita sa takipsilim ng Huwebes Santo ang hangarin ng Diyos na maging isang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang iligtas ang sangkatauhan.

Noon pa mang una, hinangad na ng Panginoong Diyos na maghatid ng kaligtasan sa lahat. Ipinahiwatig ito ng Kanyang pasiyang iligtas at palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa bansang Ehipto sa Unang Pagbasa. Ipinasiya ng Diyos na tubusin at palayain ang mga Israelita mula sa mga tanikala ng pagkaalipin. Ipinasiya ng Diyos na wakasan ang mga taon ng kanilang paghihirap at pagdurusa bilang mga alipin upang makapamuhay sila nang malaya bilang Kanyang bayan. Iyan ang dahilan kung bakit itinatag ang Hapunang Pampaskuwa sa Unang Pagbasa. Sa Hapunang Pampaskuwa, ginugunita ng mga Hudyo ang pagpapalaya ng Diyos sa kanilang mga ninuno mula sa kaalipinan sa Ehipto. Pinalaya Niya sila mula sa mga tanikala ng Faraon. 

Kung paanong niloob ng Diyos na iligtas at palayain ang mga Israelita mula sa mga tanikala ng pagkaalipin sa bansang Ehipto, niloob rin Niyang iligtas ang sangkatauhan mula sa mga tanikala ng kasalanan at kamatayan. Katunayan, maaari nating ilarawan ang ginawa ng Diyos alang-alang sa ating kaligtasan gamit ang konsepto ng patas na pakikipagpalitan (equivalent exchange) na inilarawan sa Fullmetal Alchemist. Upang iligtas ang sangkatauhan, kusang-loob na ibinigay ng Panginoong Diyos ang Kanyang sarili bilang kabayaran para sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay dumating sa mundo upang ibigay ang Kanyang sarili bilang handog sa krus upang mailigtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, tinupad ng Diyos ang Kanyang hangarin maging isang tao tulad ng bawat isa sa atin, maliban sa kasalanan, alang-alang sa atin. 

Ang bawat pagdiriwang ng Banal na Misa ay isang paggunita sa pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili alang-alang sa atin. Sa tuwing ginugunita natin ang kusang-loob na pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili sa krus sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, dumarating Siya sa anyo ng tinapay at alak. Lagi Siyang dumarating sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Eukaristiya upang paulit-ulit tayong paalalahanan tungkol sa Kanyang kababaang-loob na naghatid ng kaligtasan. Sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob, ipinakita ni Hesus ang Kanyang hangad na maging tao katulad ng bawat isa sa atin, maliban sa kasalanan, upang iligtas tayo mula sa kasalanan. Pag-ibig ang dahilan kung bakit hinangad Niyang maging tao upang iligtas tayo mula sa mga tanikala ng kasalanan. Dahil rin sa pag-ibig, tinupad ng Panginoong Hesus ang hangaring ito sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob. 

Anonymous Italian Painter, Washing of the Feet (c. Beginning of the 18th Century), Public Domain

Miyerkules, Marso 23, 2022

ANG TINIG NA PIPILIIN NATING PAKINGGAN

13 Abril 2022 
Miyerkules Santo ng mga Mahal na Araw
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 

Guercino, The Betrayal of Christ (1621), Public Domain

Ang kaganapan mula sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoon na pinagninilayan sa araw na ito, Miyerkules Santo, ay walang iba kundi ang pasiya ni Hudas Iskariote na ipagkanulo ang Panginoon. Ibinasura ni Hudas Iskariote ang mga taong nakasama niya si Hesus. Si Hesus ay ipinagpalit niya sa salapi. Dahil sa salapi, nakipagsabwatan si Hudas sa mga kaaway ni Hesus. Ipinasiya niyang tulungan sila sa kanilang planong dakpin si Hesus upang makakuha ng salapi. 

Pinili ni Hudas na pakinggan ang pang-aakit ng salapi. Sa halip na pakinggan nang buong katapatan ang tinig ni Hesus, ipinasiya niyang pakinggan at sundin ang tinig ng salaping umaakit sa kanya. Kung ang Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Hesus ay nagpasiyang makinig at sundin ang kalooban ng Ama sa kabila ng mga pagdurusa, tulad ng inilarawan sa propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa, si Hudas naman ay nagpasiyang makinig sa tinig ng salapi. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito ang isa sa mga pinakamasakit na katotohanan tungkol sa ating pagkatao. Mayroon tayong mga kahinaan. Kapag nasa harap natin ang tukso, may mga sandaling magpapadaig tayo sa mga ito. Mayroong mga sandali sa ating buhay kung saan matatalo tayo ng tukso. Hindi tayo perpekto. Tanging ang Diyos lamang ang perpekto. Subalit, kahit hindi tayo perpekto katulad ng ating Diyos, binigyan pa rin Niya tayo ng kapangyarihan upang magpasiya. Niloob ng Diyos na magkaroon tayo ng pasiya para makapakinig sa Kanyang tinig at naisin. Sa gayon, tayo mismo ang magpapasiya kung susundin natin ito o hindi.

Kung pipiliin nating pakinggan at sundin ang kalooban ng Panginoong Diyos, dapat lagi tayong manalangin sa Kanya. Hingin natin ang Kanyang tulong na maging tapat sa Kanya sa gitna ng mga tukso at pagsubok sa buhay. 

Martes, Marso 22, 2022

NAKIKINIG SIYA SA SINISIGAW NG PUSO

12 Abril 2022 
Martes Santo ng mga Mahal na Araw 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 

Hieronymus Francken III - The Denial of Saint Peter (c. 1632-1661), Public Domain

Dalawang kaganapan mula sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus ang pinagtutuunan ng pansin sa Ebanghelyo tuwing sasapit ang Martes Santo taun-taon: ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pakaila ni Apostol San Pedro. Hindi isinalaysay ang dalawang kaganapang ito sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Subalit, itinampok sa Ebanghelyo ang pahayag ni Hesus tungkol sa dalawang sandaling ito. Alam ng Panginoong Hesus na mangyayari ang mga ito. 

Ipinapakita ng pahayag ni Hesus tungkol sa dalawang kaganapang ito bago pa man maganap ang mga ito na nababatid Niya kung ano ang sinisigaw ng puso. Si Hesus ay hindi malilinlang o maloloko. Hindi Siya masisilo ng mga mabulaklak na salita. Batid ni Hesus ang katotohanan, kahit subukan pa itong takpan. Malinaw ito sa Kanyang sagot kay Apostol San Pedro. Kahit na ipinangako ni Apostol San Pedro na hindi niya tatalikuran ang Panginoon, batid ni Hesus na ang mga salitang binigkas ng puso ni Apostol San Pedro ay taliwas sa mga salitang kanyang binigkas gamit ang bibig. Ito rin ang Kanyang ipinakita nang bigyan Niya ng tinapay si Hudas Iskariote. Sa kabila ng pagiging tahimik ni Hudas, alam ni Hesus kung ano ang sinasabi ng kanyang puso. 

Hindi bago ang paghirang ng Diyos sa mga lingkod. Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa paghirang ng Panginoong Diyos sa Kanyang lingkod. Sa Bagong Tipan, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay humirang ng mga apostol. Subalit, ang paghirang sa kanila ng Diyos ay hindi nangangahulugang wala na silang mga kahinaan. Mayroong mga pagkakataon kung saan binibigo nila ang Diyos. Katulad na lamang nina Apostol San Pedro at ni Hudas Iskariote sa Ebanghelyo. Binigo pa rin nila si Hesus, kahit na ipinangako nila na ibibigay nila sa Kanya ang kanilang katapatan. Nababatid ni Hesus ang katotohanang ito, kahit na subukan pa nila itong itago. 

Wala tayong maitatago kay Kristo. Hindi lamang Niya pinapakinggan at nababatid ang mga binibigkas ng ating mga labi. Bagkus, ang isinisigaw ng ating mga puso ay Kanya ring pinapakinggan at nababatid. 

Lunes, Marso 21, 2022

LAGING NAKINIG HANGGANG KAMATAYAN

11 Abril 2022 
Lunes Santo ng mga Mahal na Araw 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 

Sisto Badalocchio, The Entombment of Christ (c. 1610), Public Domain

Itinatampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagbuhos ng mamahaling pabango sa mga paa ni Hesus tuwing sasapit ang Lunes Santo. Ang nagbuhos nito ay walang iba kundi ang kapatid nina Lazaro at Marta na si Maria. Nang marinig ng Panginoon ang sinabi ni Hudas Iskariote, ipinagtanggol Niya si Maria. Sabi ng Panginoon, "Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Kahit na kasalo Niya ang Kanyang mga kaibigan sa Betania sa hapunan, ang Panginoon ay nagsalita pa rin tungkol sa Kanyang kamatayan. 

Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggo ng Palaspas, nanatiling masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama hanggang sa sandali ng Kanyang pagkamatay sa krus (Filipos 2, 8). Sa Unang Pagbasa para sa Lunes Santo, inilahad mismo ng Diyos sa Kanyang lingkod kung ano ang Kanyang kalooban para sa Kanya. Hinirang ang lingkod na ito para sa isang napakahalagang misyon. Ang misyong ito ay tinupad ni Hesus sa Bagong Tipan nang buong kababaang-loob. Pinakinggan at tinupad ni Hesus ang nais ng Ama nang buong katapatan. 

Ang aral na itinuturo ni Kristo - laging makinig sa Diyos. Buksan ang puso at isip sa kalooban ng Ama. Huwag nating isara ang ating mga puso at pandinig sa Ama. Kung tunay tayong tapat sa Ama, lagi tayong makikinig sa Kanya at lagi nating susundin nang buong kababaang-loob ang Kanyang kalooban. 

Si Hesus ay laging nakinig sa tinig ng Ama. Lagi Niyang pinakinggan at tinupad ang kalooban ng Ama. Handa ba tayong makinig sa Ama sa bawat sandali ng ating buhay tulad ni Hesus? 

Biyernes, Marso 18, 2022

ANG PALASPAS AT ANG KRUS

10 Abril 2022 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K) 
Lucas 19, 28-40 [Pagbabasbas ng mga Palaspas] 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49) 

Pieter Coecke van Aelst - Intocht in Jeruzalem (Ang Pagpasok ni Kristo sa Herusalem - Public Domain)

Tiyak na nababatid ng mga nakapanood ng Code Geass: Lelouch of the Rebellion ang mga salitang ito: "All hail Lelouch! All hail Britannia!" Ang mga salitang ito ay unang binigkas noong iniluklok ni Lelouch vi Britannia ang kanyang sarili bilang emperador ng Imperyo ng Britannia. Binibigkas ang mga salitang ito bilang tanda ng pagkilala at pagpaparangal kay Lelouch na siyang naging emperador ng Britannia. Bago naging emperador si Lelouch, "All hail Britannia!" lamang ang sinasambit. Subalit, binago ni Lelouch ang lahat noong ipinasiya niyang pamunuan ang Imperyo ng Britannia bilang isang emperador na may bakal na kamay. 

Ginugunita sa Linggong ito ang Maringal na Pagpasok ni Hesus sa Herusalem upang harapin at tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Sa Linggong ito, sinisimulan natin ang mga Mahal na Araw. Ang sanlinggong ito ay inilaan para sa paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na kilala rin sa tawag na Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal, ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa sangkatauhan ay nahayag. Tiyak na batid na natin ang katotohanang ito dahil ilang ulit na natin itong napapakinggan. 

Hindi lamang "Linggo ng Palaspas" ang tawag sa Linggong ito. Ang buong pangalan ng Linggong ito ay "Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon." Isa itong pahiwatig kung ano ang pagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito. Hindi lamang nakatutok sa mga palaspas ang Simbahan sa Linggong ito. Nakatutok rin sa Misteryo Paskwal ni Kristo ang Simbahan sa araw na ito. Katunayan, ang palaspas at ang krus ni Kristo ay magkaugnay. Sinasagisag ng palaspas ang pagdating ni Kristo bilang Haring magkakaloob ng kaligtasan. Iyan ang dahilan kung bakit may dalawang Ebanghelyo sa araw na ito. 

Dalawang sigaw ang itinampok sa dalawang Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang unang sigaw ay "Osana sa Anak ni David!" Ito'y sigaw ng pagkilala at pagtanggap. Ito ang sigaw na narinig ni Hesus noong pumasok Siya sa Herusalem na nakasakay sa isang asno. Binigyan Siya ng pugay ng mga tao sa araw na iyon. Ang ikalawang sigaw naman ay "Ipako sa krus!" Ito'y sigaw ng pagkutya, di-pagtanggap, at kapootan. Ang sigaw na ito ay narinig ni Hesus mula sa mga tao nang iharap Siya ni Poncio Pilato sa kanila. Tanda ito na isinusuka nila si Hesus at nais nilang ipapatay. 

Batid na iyan ng Panginoong Hesukristo bago Siya pumasok sa Herusalem. Subalit, ipinasiya pa rin Niya dumating na nagtataglay ng kaamuan at kababaang-loob. Hindi pumasok sa Herusalem si Kristo Hesus bilang isang haring mamumuno na may bakal na kamay. Maaari naman Niya itong gawin dahil Siya naman ang tunay na Hari, kung hinangad Niya iyon. Subalit, ipinasiya pa rin ng tunay na Haring si Hesus na pumasok sa Herusalem bilang isang lingkod na magbibigay ng buong sarili. Ang mga bunga ng kaamuan at kababaang-loob ni Kristo Hesus ay kaligtasan, tunay na kapayapaan, at tunay na kagalakan.

Sa pamamagitan ng kaamuan at kababaang-loob na ipinakita ng Panginoong Hesus mula noong pumasok Siya nang matagumpay sa Herusalem hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus sa Kalbaryo, natupad ang propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos sa Unang Pagbasa. Ang mga salitang ito ni Isaias ay ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sabi sa Ikalawang Pagbasa, tinupad ni Hesus ang Kanyang misyong ito nang may kababaang-loob. Ito ang nais ipahiwatig ng pagpasok ni Hesus. Sa kabila ng mga pagpupugay ng mga tao sa Kanya habang pumapasok sa Herusalem, nanatili pa rin Siyang maamo at mababang-loob. 

Magkaugnay ang palaspas at ang krus. Itinuturo tayo ng mga palaspas sa sagisag ng ating kaligtasan: ang krus ng Panginoong Hesukristo. Tayong lahat ay pinaalalahanan ng mga palaspas na ito na hindi tayo iniligtas ng kamay na bakal. Bagkus, iniligtas tayo ng kamay na maamo at mababaang-loob. Iyan ang Kamay ni Hesus. 

Huwebes, Marso 17, 2022

BUONG-BUO

IKAPITONG WIKA (Lucas 23, 46): 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu."

Palma il Giovane, Polish: Ukrzyżowanie (Public Domain)

Sa unang bahagi ng Platinum End, isang manga na ginawan ng anime, tinalakay ang tema ng kaligayahan. Ang kuwento ng Platinum End ay nakasentro sa isang binatang lalaking nagngangalang Mirai na binigyan ng isang anghel dela guardia na walang iba nagangalang Nasse. Nagsalita si Nasse kay Mirai tungkol sa kanyang misyon bilang anghel nang dalawang ulit o mahigit. Ang kanyang misyon bilang anghel ni Mirai ay maghatid ng pag-asa at kaligayahan sa binatang ito na may miserableng buhay. 

Ang Ikapito't Huling Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus ay mayroong ugnayan sa Kanyang Ikaanim na Wika. Katulad ng Ikaanim na Wika, inilarawan ng Panginoong Hesus sa wikang ito ang dahilan ng Kanyang pagdating. Si Hesus ay isinugo ng Ama upang iligtas ang sangkatauhan. Sabi nga sa pinakamasikat na talata sa Bibliya na mababasa sa Ebanghelyo ni San Juan, ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay hindi isinugo ng Ama sa sanlibutan upang ang sangkatauhan ay Kanyang ipahamak. Bagkus, naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan (3, 17). Ginawa Niya ito sa krus noong unang Biyernes Santo. Ibinigay ni Hesus ang buo Niyang sarili bilang handog para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. 

Napakalinaw kung ano ang nais iparating ni Hesus sa wikang ito bago Siya tuluyang malagutan ng hininga sa krus. Walang tinipid si Kristo para sa Kanyang sarili. Bagkus, ibinigay Niya nang buong-buo ang Kanyang sarili. Ang Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus noong unang Biyernes Santo ay hindi sapilitan. Bagkus, kusang-loob Niya itong ginawa. Hindi Niya ipinagdamot ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. 

Binigkas ni Hesus ang mga salitang ito upang ipahayag sa Ama na naihandog na Niya ang buong sarili. Ipinakilala Siya sa Sulat sa mga Hebreo bilang Dakilang Saserdote na nakababatid sa ating kalagayan bilang tao ngunit hindi nagkasala (4, 14-15). Ang wikang ito ni Hesus na hango sa Salmo 31, isang panalangin bago matulog, ay isang panalangin sa Ama. Ang dalangin ni Hesus sa Ama sa wikang ito bago Siya tuluyang malagutan ng hininga sa krus ay tanggapin ang Kanyang paghahandog ng sarili. Ang Dakilang Saserdoteng si Hesus ay nakiusap sa Ama alang-alang sa atin. 

Walang kulang sa pag-aalay ni Kristo ng Kanyang sarili sa krus. Ibinigay Niya nang buong-buo ang Kanyang sarili. Ang lahat ng hirap, sakit, at pagdurusa mula sa Hardin ng Hetsemani hanggang sa mamatay Siya sa krus sa Kalbaryo ay Kanyang tinanggap at tiniis nang kusang-loob alang-alang sa atin. Ang Kanyang tunay na pag-ibig ay ang dahilan nito. 

Ibinigay ni Hesus ang buo Niyang sarili sa krus bilang handog para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng kapatawaran ang lahat ng mga kasalanan. Ginawa Niya ito dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. 

Miyerkules, Marso 16, 2022

計画通り (ROMAJI: KEIKAKU DOORI)

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30): 
"Naganap na!" 

Cristo en la Cruz (Museo de Bellas Artas de la Coruña), attributed to Nicolas Borras (Public Domain)

計画通り (Hiragana: けいかくどおり; Romaji: Keikaku Doori). Ang mga salitang ito ay nasabi ni Light Yagami matapos siyang maging matagumpay sa kanyang planong linlangin si L Lawliet at ang ilan sa mga pulis na nais mahuli si "Kira." Nasabi niya ito nang mabawi niya ang Death Note, gaya ng kanyang naiplano. Ang kanyang plano ay bitiwan ang Death Note upang hindi siya masuspetsyahan siya ang mamamatay-taong si Kira. Kalaunan, ang Death Note ay nabawi ng task force mula sa isang taong gumamit nito. Nang mahawakan muli ni Light, na noo'y bahagi na ng task force, ang Death Note, bumalik ang kanyang mga alaalang bilang si Kira. Bukod pa roon, hindi siya pinagdudahan ng mga autoridad, maliban na lamang kay L. 

Ang wikang ito ng Panginoong Hesukristo mula sa krus ay maituturing na Kanyang bersyon ng 計画通り. Ang ibig sabihin ng 計画通り sa Ingles ay "Just as planned." Sa Tagalog naman, ang ibig sabihin nito ay "Gaya ng naiplano." Inihayag ng Panginoon sa wikang ito ang katuparan ng isang plano. Ang planong natupad ay ang planong binuo ng Banal na Santatlo. Sa pamamagitan ng Anak na si Hesus, tutubusin ng Diyos ang sangkatauhan. Sa kabila ng pagiging masuwayin ng sangkatauhan, ipinasiya pa rin ng Diyos na dumating sa mundo bilang Tagapagligtas sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Binalak ni Light Yagami ng Death Note na maging diyos o bathala ng tinawag niyang panibagong mundo. Ang batas na nais niyang pairalin ay ang sarili niyang batas kung saan laganap ang sindak at karahasan. Bilang si Kira, binalak ni Light na gumamit ng kapangyarihan upang pumatay ng mga kriminal. Hindi niya pinahalagahan ang buhay ng tao. Katunayan, hindi siya nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa bawat tao upang magbagong-buhay. Dahas at sindak ang nais niyang pairalin. 

Dumating si Hesus sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan. Niloob Niyang maging handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan sa krus. Batid ng Panginoon ang kasaysayan ng sangkatauhan. Batid Niya kung paanong nalugmok ang sangkatauhan mula noong nilabag nina Adan at Eba ang utos ng Diyos sa Halamanan ng Eden. Ang sangkatauhan ay laging sumusuway sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang paulit-ulit na pagkakasala laban sa Kanya. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin ni Kristo na iligtas ang sangkatauhan. Hindi Niya binalak mapahamak ang sangkatauhan. Nais Niyang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na ialay ang buo Niyang sarili sa krus. Namatay Siya alang-alang sa atin. 

May mga taong tulad ni Light Yagami na may balak maging diyos o bathala. Subalit, pinili ng tunay at kaisa-isang Diyos na maging isang tao sa pamamagitan ni Hesus alang-alang sa atin. Kung binalak ng mga katulad ni Light Yagami na pumatay ng tao, binalak naman ng Diyos na magligtas ng tao. Sa pamamagitan ni Hesus, ang planong ito ay Kanyang tinupad. 

Martes, Marso 15, 2022

ANG MOTIBASYON NI HESUS

IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako!" 

Lucas Cranach the Younger, Crucifixion (Public Domain)

"I want to change the world疾風(かぜ)を駆け抜けて 何も恐れずに いま勇気と笑顔のカケラ抱いて"* (English: I want to change the world, piercing through the gales, unafraid of anything. Now I hold my courage and pieces of my smile). Para sa mga bata noong dekada '90 at 2000, tiyak na magiging pamilyar ang mga titik at tono ng awiting ito. Ang mga salitang ito ay ang mga unang titik ng unang panimulang awit ng InuYasha, isa sa mga masisikat na seryeng anime na ipinalabas sa telebisyon sa pamamagitan ng ABS-CBN noong dekada 2000. Inilalarawan sa titik ng Hapones na kantang ito ang hangarin ng isang tao na baguhin ang mundo. Ang taong ito ay may motibasyon na baguhin ang mundo kapag kasama niya ang kanyang sinisinta. Kung siya'y kapiling ng kanyang sinisinta, naniniwala siyang marami siyang kayang gawin. 

Motibasyon. Hangarin. Ito ang inilalarawan ng mga titik ng nasabing awitin. Madalas talakayin ng maraming anime ang temang ito. Bukod sa InuYasha, tinalakay rin sa isa sa mga masisikat na anime sa kasalukuyang panahon, ang My Hero Academia at ang Kimetsu No Yaiba (Demon Slayer) ang temang ito. Ang bida ng My Hero Academia na walang iba kundi si Izuku Midoriya na kilala rin sa palayaw na Deku ay mayroong hangaring maging isang superhero. Sa Kimetsu naman, ang motibasyon ni Kamado Tanjiro ay hanapin ang halimaw na pumatay sa kanyang pamilya, liban na lamang sa isa niyang kapatid na si Nezuko na naging halimaw rin. 

Hindi lamang tayo makakakita o makakapanood ng mga taong may mga hangarin o motibasyon sa mga anime lamang. Nakikita rin ito sa totoong buhay. Hangad ng mga estudyante na makatapos sa pag-aaral. Hangad ng mga nagtatrabaho na bigyan ng isang magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Ang mga hangaring ito ng mga tao ang nagbibigay sa kanila ng motibasyon upang maging masipag at matiyaga. 

Si Hesus ay mayroon ring hangarin. Inihayag Niya sa wikang ito ang Kanyang hangad, ang nagbigay sa Kanya ng motibasyon. Nasasaad sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa Ebanghelyo ni San Juan kung bakit ang mga salitang ito ay Kanyang binigkas habang nakapako sa krus. Sabi ni San Juan na binigkas ito ni Hesus "bilang katuparan ng Kasulatan" (19, 28). Iyon ang hangarin ng Panginoong Hesus - tuparin ang mga nasasaad sa Banal na Kasulatan. Sa Banal na Kasulatan, ang Poong Diyos ay nagbitiw ng pangako sa Kanyang bayan. Ipinangako ng Panginoong Diyos na ililigtas Niya ang Kanyang bayan sa kabila ng kanilang pagsuway sa Kanya. 

Bago Siya dakipin ng mga kawal sa Halamanan ng Hetsemani, sinabi ng Panginoon kay Apostol San Pedro na binigyan Siya ng Ama ng saro ng paghihirap na kinailangan Niyang inumin (Juan 18, 11). Ang saro ng paghihirap na ito ay tumutukoy sa biyayang ipinangako ng Diyos - ang biyaya ng Kanyang pagliligtas na inihayag noon pa mang una sa mga Banal na Kasulatan. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos, natupad ang pangakong ito. 

Nasilayan naman ng Diyos mula sa langit kung paanong hindi naging tapat sa Kanya ang Kanyang bayan. Dahil sa paulit-ulit na pagsuway ng Kanyang bayan, maaaring ipawalang-bisa ng Diyos ang pangakong ito. Subalit, sa kabila nito, nanatili pa rin ang pagiging pursigido ng Panginoong Diyos. Ang Panginoong Diyos ay may motibasyon upang ituloy ang pagtupad sa pangakong ito - ang sangkatauhan. Sa kabila ng mga kasalanang nagawa ng sangkatauhan laban sa Kanya, minahal pa rin Niya sila. Kaya, dumating Siya sa pamamagitan ni Kristo upang tuparin ang pangakong ito. 

Kahit hindi tayo karapat-dapat, tayo ang nagbigay ng motibasyon ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na tiisin ang hirap, sakit, at kamatayan sa krus. Alang-alang sa atin, tinanggap Niya ang krus at kamatayan upang tayo'y maligtas sa pamamagitan ng Kanyang Kabanal-Banalang Dugo. 

Lunes, Marso 14, 2022

ANG DIYOS NA NAKAKABATID SA ATING KALAGAYAN

IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15,34):
"Diyos Ko! Diyos Ko! Bakit Mo Ako pinabayaan?" 

Hyacinthe Rigaud, Christe expiant sur la croix (French) (Public Domain)

"壊れた 壊れたよ この世界で 君が笑う 何も見えずに" (English: I'm broken, so broken - amidst this world. Yet you laugh, blind to everything). Ang mga salitang ito ay mula sa isang Hapones na awiting pinamagatang "Unravel". Ang nasabing awit ay ginamit bilang panimulang awitin sa mga unang kabanata ng seryeng pinamagatang Tokyo Ghoul. Ang nasabing serye ay isang anime na hango naman sa isang masikat na manga, tulad ng maraming anime.  Ang kuwento ng nasabing anime ay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Kaneki Ken na naging isang ghoul. Ang mga ghoul ay mga nilalang na kumakain ng mga tao nang palihim upang mabuhay. Para silang mga zombie at bampira na pinagsama. Maaari rin naman silang uminom ng kape. 

Inilarawan sa mga titik ng panimulang awit ng mga unang kabanata ng Tokyo Ghoul na pinamagatang "Unravel" ang nararamdaman ng isang taong nag-iisa sa kanyang pagdurusa. Wala siyang karamay sa mga sandali ng kadiliman at hapis. Naririnig ng taong inilalarawan sa awiting ito ang tinig ng mga tumatawa. Tila pinagtatawanan siya sa mga madidilim na sandaling ito ng kanyang buhay. Para sa taong ito, walang alam tungkol sa hirap at sakit na kanyang pinagdaanan ang mga panay tawa. Ito ang dahilan kung bakit niya tinawag na "bulag" ang mga taong ito. 

Ang ikaapat na wika ni Hesus mula sa krus ay matatagpuan sa salaysay ng dalawang manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo at San Marcos tungkol sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Sa salaysay ng mga nasabing manunulat ng Ebanghelyo, ito ang mga huling salita ng Panginoon bago Siya nalagutan ng hininga sa krus. Bago sinambit ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang ito, inilarawan ng dalawang Ebanghelistang ito ang pagdilim ng lupain. Sabi ng dalawang manunulat na ito na lumaganap ang dilim sa buong lupain mula tanghali (Mateo 27, 45; Marcos 15, 33). Sa gitna ng kadiliman, binigkas ng Panginoon ang mga salitang ito na siyang mga unang kataga ng Salmo 22. 

Kung tutuusin, ang unang Biyernes Santo ay ang pinakamadilim na araw. Ang araw na iyon ay puno ng kadiliman para sa Panginoon. Bagamat sumikat ang araw noong dinala Siya ng Kanyang mga kaaway na bumuo sa Sanedrin kina Pilato at Herodes at maging sa mga oras na pinasan Niya ang krus patungong Kalbaryo, ang araw na iyon ay puno pa rin ng kadiliman. Ang araw na iyon ay binuo ng mga madidilim na sandali tulad na lamang ng paghagupit sa Kanya sa haliging bato, pagputong ng koronang gawa sa tinik sa Kanyang ulo, pagpasan ng isang mabigat na krus mula sa pretoryo hanggang sa bundok ng Kalbaryo, pagpako sa Kanya sa krus, at ang walang sawang pagkutya ng Kanyang mga kaaway mula sa pretoryo hanggang sa nasabing bundok. Lalo pang nadagdagan ang kadiliman sa araw na ito noong dumilim nang literal ang buong lupain. Talagang puno ng kadiliman ang unang Biyernes Santo. 

Walang kalaban-laban ang Panginoon. Iyon nga lamang, ang Kanyang mga kaaway ay mga walang puso. Ipinasiya nilang magbulag-bulagan sa katotohanan tungkol kay Hesus, kutyain Siya, at pagtawanan Siya. Bago pa man ipinako sa krus si Kristo sa bundok ng Kalbaryo, basag na ang Kanyang Katawan. Tanging mga buto lamang ang nanatiling matatag. Subalit, talagang walang-wala na si Hesus sa mga sandaing iyon. Lalo lamang humina ang Katawan ni Hesus sa mga sandaling iyon. 

Sa mga madidilim na sandaling ito, naaalala ni Hesus ang Ama. Ito ang dahilan kung bakit binigkas ng Panginoong Hesus mula sa krus ang mga salitang ito na siyang mga unang linya ng Salmo 22. Naaalala Niya kung bakit Siya ipinako sa krus. Hindi Niya kinalimutan kailanman ang Amang nagsugo sa Kanya. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi lamang nanalangin sa Ama sa mga sandali ng liwanag at tuwa. Pati na rin sa mga madidilim na sandali, nanalangin Siya sa Ama. Kung paano Siya nanalangin bago dakpin ng Kanyang mga kaaway sa Halamanan ng Hetsemani, muli Siyang tumawag at nanalangin sa Ama habang nakabayubay sa krus. 

Alam ni Hesus ang pakiramdam ng mga walang-wala na. Batid Niya kung ano ang nararamdaman ng mga nag-iisa sa kanilang hapis at pagdurusa. Naranasan Niya ito sa krus. Kadiliman ang nasa Kanyang paligid. Hindi lamang ito ang literal na dilim na bumalot sa buong lupain kundi ang dilim na kaakibat ng Kanyang pagdurusa. Lalo lamang humina ang Kanyang Katawan sa mga sandaling iyon. Alam ng Panginoon kung gaano kasakit ito para sa bawat tao. 

Itinuturo ni Hesus sa wikang ito na mayroon tayong maaaring lapitan sa mga sandali ng kadiliman at hapis sa ating buhay - ang Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, ang mga sandaling ito ay hinarap, naranasan, at tiniis ng Diyos. Isa lamang itong patunay na karamay natin ang Diyos. Hindi Siya malayo sa atin. Nababatid Niya kung ano ang mga pinagdadaanan at nararanasan natin sa buhay. 

Linggo, Marso 13, 2022

WALANG HADLANG SA PAG-IBIG

IKATLONG WIKA (Juan 19, 25-27): 
"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina!" 

Albrecht Altdorfer, Christ on the Cross with Mary and John (Public Domain)

Tinalakay sa pelikulang Maquia: When the Promised Flower Blooms ang pag-ibig ng isang ina para sa kanyang anak. Ang anime na pelikulang ito ay nakasentro sa isang batang babaeng nagngangalang Maquia na nagmula sa Iorph. Sa Iorph, nakatira roon ang mga nilalang na namumuhay sa loob ng napakahabang panahon. Dahil dito, hindi sila bumubuo ng mga ugnayan sa tao. Mauunang mamamatay ang mga tao kaysa sa kanila. Sa kabila ng kanyang lahi at pagiging bata, ipinasiya ni Maquia na maging ina ng isang batang lalaking ipinangalan niyang Ariel. Maraming hinarap na pagsubok at hamon si Maquia sa kanyang buhay noong tumayo siyang ina ni Ariel. Subalit, hindi pinagsisihan ni Maquia na mahalin si Ariel bilang kanyang anak sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba (si Ariel ay tao habang si Maquia ay taga-Iorph). 

"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina" (Juan 19, 25-27). Ang mga salitang ito ay binigkas ni Hesus nang Kanyang makita ang Kanyang inang si Mariang Birhen at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Habang nakabayubay sa krus, nakita ni Hesus ang pagdurusa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tahimik na nakiisa si Maria sa pagdurusa ni Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ng Birhen ang kanyang pagmamahal para kay Hesus. Tunay na minahal ni Maria si Hesus bilang isang anak. Sa kabila ng pagiging Diyos ni Hesus at ang pagiging isang tao ni Maria, hindi ito naging hadlang para sa kanya upang ibigin ang Panginoon bilang anak. Ang Mesiyas na si Hesus ay inibig ni Maria bilang kanyang Anak nang buong katapatan.

Minahal rin ni Hesus si Maria bilang Kanyang Ina. Bagamat alam ni Hesus na Siya ang tunay na Diyos habang si Maria naman ay isang simpleng babae mula sa Nazaret, hindi ito naging hadlang para kay Hesus na mahalin si Maria bilang Kanyang Ina. Ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesus ay hindi naging hadlang para sa Kanya na ibigin ang Mahal na Birheng Maria bilang Kanyang Ina. Kung paanong si Hesus ay minahal ng Birheng Maria bilang kanyang Anak nang buong katapatan, inibig rin siya ni Hesus bilang Kanyang Ina nang buong katapatan.

Sa sandaling ito na puno ng kadiliman at hapis, pinatunayan nina Hesus at Maria na tunay ang kanilang pag-ibig para sa isa't isa. Sa mga sandaling ito, nanatili sa tabi ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria. Kung babasahin natin nang mabuti ang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus, mapapansin natin na isang lalaki lamang - ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan - ay nanatili sa Kanyang tabi sa mga sandaling iyon. Ang ibang mga nanatili sa tabi ni Kristo ay mga babae. Isa sa mga babaeng ito ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Sa pamamagitan ng pananatili sa tabi ni Hesus hanggang sa pagkamatay Niya sa krus, ipinakita ng Mahal na Birhen ang kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak. Iyan ang dahilan kung bakit siya nanatili sa tabi ni Kristo, kahit napakasakit itong makita. 

Habang nakabayubay sa krus, nakita ni Hesus si Maria sa paanan nito. Nang makita ng Panginoong Hesus mula sa krus ang Mahal na Birhen, nakita Niya kung paanong tahimik na nakiisa sa Kanyang pagdurusa ang Mahal na Birhen. Nakita ni Hesus kung paanong nanatili sa Kanyang tabi nang buong katapatan ang Mahal na Ina. Tiyak na sinariwa rin ni Hesus sa mga sandaling ito kung paanong si Maria ay inalagaan Niya matapos mamatay si San Jose. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala ni Hesus kay Apostol San Juan ang Mahal na Inang si Maria. Dahil ang Mahal na Ina ay tunay ngang inibig ni Hesus bilang Kanyang Ina, ipinagkaloob siya ni Hesus sa Kanyang Simbahan upang maging kanya ring Ina. Dahil sa pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa kanya, binigyan siya ng karangalan ni Kristo upang maging ina ng Simbahan. 

Itinuturo sa wikang ito ni Hesus kung bakit ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging Ina ng Simbahan. Walang naging hadlang para sa Mahal na Birhen na umibig bilang Ina. Hindi naging hadlang ang pagka-Diyos ni Hesus o ang mga pagkutya ng mga tao sa Kanya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Nanatili siyang tapat sa kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak na si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Mahal na Ina ay hindi pumayag na may pipigil o hahadlang sa kanya upang ibigin si Hesus bilang kanyang Anak. Katulad ni Hesus, ipinasiya ni Maria na umibig nang tapat at totoo bilang Ina. Kaya naman, ibinigay ni Hesus si Maria sa Simbahan. 

Sabado, Marso 12, 2022

HANDA SIYANG PAKINGGAN ANG ATING PAGTIKA

IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 

Jan Snellinck, The Crucifixion with the Two Thieves (Public Domain)

Isa sa mga masikat na anime na ipinalabas noong dekada '90 ay ang Rurouni Kenshin na kilala rin sa Pilipinas bilang Samurai X. Ang nasabing serye ay nakatutok sa isang dating mamamaslang na nangangalang Himura Kenshin. Noong namumuhay pa siya bilang isang kinatatakutang mamamaslang, kilala siya bilang Hitokiri Battousai. Sa tuwing inuutusan siyang pumatay ng tao, nagagawa niya ito agad noong kilala pa siya bilang Hitokiri Battousai. Subalit, noong ipinasiya niyang talikuran ang pagiging mamamaslang at magbagong-buhay, ginamit ni Kenshin ang kanyang katana hindi upang pumatay ng tao kundi upang ipagtanggol ang mga inosenteng naaapi na hindi pumapatay. Hindi na niya ginamit ang kanyang katana upang pumatay ng tao dahil labis niyang pinahalagahan ang buhay ng bawat tao. Ang masikat na seryeng ito, na hango sa isang masikat na manga, ay mayroong live-action adaptation kung saan ang mga karakter ay ginagampanan ng mga aktor. 

Tinalakay sa Rurouni Kenshin ang tema ng pagbabagong-buhay. Ang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Diyos ay ang temang binibigyan ng pansin sa Ikalawang Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus. Ang Ikalawang Wika ng Panginoon mula sa krus ay bahagi ng isang usapan. Isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo ay Kanyang nakausap. Ang salaring ito ay nagpasiyang magtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Sa tradisyon, ang salaring nagpasiyang magtika bago siya mamatay ay kilala sa pangalang Dimas. Sabi rin sa tradisyon na pagnanakaw ang sala ng salaring ito. 

Sabi sa Banal na Kasulatan na si Hesus ay ipinako sa gitna ng dalawang kriminal "- isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa" (Juan 19, 18). Narinig ni Hesus ang mga salitang namutawi mula sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya. Subalit, isa lamang sa dalawang ito ay nakausap ni Hesus. Ipinasiya ni Hesus na kausapin at ipangako sa kriminal na ito na makakapasok ito sa Kanyang kaharian sa langit - ang kriminal na buong kababaang-loob na nagtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay. 

Narinig rin ni Hesus ang mga salitang binigkas ng salaring hindi nagtika na kilala sa tradisyon bilang si Hestas. Katunayan, nagsalita lamang si Hesus matapos magsalita ang dalawang salarin. Subalit, hindi Niya kinausap si Hestas. Wala Siyang sinabi kay Hestas sapagkat ipinasiya ng salaring ito na maging matigas ang puso. Ipinasiya ng salaring ito na isara ang kanyang puso sa pag-ibig at awa ng Diyos. Malinaw naman ito kung babasahin natin nang mabuti ang salaysay ng sandaling ito. Ipinasiya niyang makisabay sa pagkutya kay Hesus. Sabi niya kay Kristo: "Iligtas Mo ang Iyong sarili at pati na rin kami, kung Ikaw talaga ang ipinangakong Mesiyas" (Lucas 23, 39). Sa mga katagang ito ni Hestas, napakalinaw na wala siyang balak magtika. Katunayan, hindi lamang isinara ang kanyang puso. Ipininid pa nga niya ito. 

Kung ipinasiya ni Hestas na isara at ipinid ang pintuan ng kanyang puso sa pag-ibig at awa ng Diyos, ibinukas naman ni Dimas ang pintuang ito. Maliwanag naman ito sa hiling niya kay Hesus: "Hesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na" (Lucas 23, 42). Sa mga salitang ito, ipinakita ni Dimas ang kanyang pagiging bukas sa biyaya ng Diyos. Dahil sa Panginoon, ang salaring si Dimas ay napukaw na ibukas ang kanyang puso at tanggapin ang biyaya ng pag-ibig at awa ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya niyang magtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo kasama si Kristo. 

Dalawang aral ang nais ituro ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito. Una, may pag-asa para sa bawat isa sa atin habang namumuhay pa tayo sa mundong ito. Habang namumuhay at naglalakbay pa tayo dito sa mundo, mayroon tayong pag-asa upang talikuran ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Habang may buhay, huwag natin aksayahin ang bawat pagkakataong ibinibigay Niya sa atin upang makipagkasundo sa Kanya. Pangalawa, ang ating taos-pusong pagtitika ay Kanyang pakikinggan. Pinakikinggan naman Niya ang lahat. Subalit, ang mga nagbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso ay mas pagtutuunan Niya ng pansin. Natutuwa nang labis-labis ang Diyos sa mga taos-pusong nagbabalik-loob sa Kanya. 

Habang namumuhay pa tayo dito sa lupa, patuloy tayong binibigyan ng Panginoon ng pagkakataong magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating sayangin ang biyayang ito na kaloob ng Diyos sa atin. Lagi Siyang handang makinig sa mga nagtitika sa Kanya nang taos-puso. Buksan natin ang ating mga puso sa Kanyang pag-ibig at awa. 

Biyernes, Marso 11, 2022

HINDI MANHID ANG DIYOS

UNANG WIKA (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 

Unidentified painter (Flemish School), The Raising of the Cross (Public Domain)

Minsang nasabi ni Hesus sa isa sa Kanyang mga pangaral sa mga tao na "kung ano ang bukambibig [ay] siyang laman ng dibdib" (Lucas 6, 45). Nasaksihan ito sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Katunayan, bago pa man Siya nakarating sa bundok ng Kalbaryo, narinig ni Hesus ang laman ng puso ng maraming tao. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, narinig Niya ang walang tigil na paglibak ng Kanyang mga kaaway. Mula sa sandali ng pagadakip sa Kanya sa Halamanan ng Hetsemani, puro paglibak at pagkutya lamang ang narinig ng Panginoong Hesukristo. Sinulit nila ang bawat pagkakataon upang saktan si Hesus. Ang kanilang pananakit kay Hesus ay 'di lamang pisikal. Bagkus, pati ang damdamin ni Hesus ay sinaktan nila.

Kung tayo ang nasa posisyon ni Hesus, hindi tayo papayag na kutyain at saktan na lamang tayo ng ating mga kaaway. Makikipaglaban tayo. Makikipagsabayan tayo sa paglibak at pananakit. Kukutyain rin natin at sasaktan ang ating mga kaaway. Handa tayong gawin ang lahat upang maipagtanggol ang ating dangal na pilit niyuyurakan ng ating mga kaaway. Hindi tayo papayag na basta na lamang ganyanin ang ating dangal bilang tao. Gagawin natin ang lahat para lamang makapaghiganti. Tiyak na mapapadali ang ating paghiganti sa kanila kung mayroon tayong Death Note tulad ni Light Yagami dahil mamamatay sila kapag naisulat natin ang kanilang mga pangalan sa nasabing kuwaderno. Kung may kani-kaniyang Death Note ang bawat isa sa atin tulad ni Light Yagami, mapapabilis ang ating paghiganti laban sa ating mga kaaway. 

Subalit, bagamat Diyos si Hesus at kaya Niyang gawin kung ano ang Kanyang naisin, wala Siyang ginawa upang mapahamak at malipol ang Kanyang mga kaaway. Hindi binalak ni Hesus na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang saktan o kaya naman lipulin ang Kanyang mga kaaway. Mayroon namang kapangyarihan ang Panginoong Hesus na gawin iyan dahil Diyos naman Siya. Subalit, ipinasiya ni Hesus na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang magpatawad. Ipinasiya Niyang ipanalangin ang Kanyang mga kaaway upang maranasan nila ang habag at kapatawaran ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway, si Hesus ay nagpasiyang magpakita ng awa sa mga kaaway. Iyan ang ganti ni Hesus. 

Huwag nating kakalimutan na si Hesus ay labis na nasaktan noong sinambit Niya ang mga salitang ito ng pananalangin sa Ama. Napakalinaw naman ng pisikal na sakit sa Kanyang Katawan. Subalit, hindi lamang Siya nasaktan dahil sa latigo, sa koronang tinik, sa bigat ng krus, at mga pako. Nasaktan rin Siya dahil sa mga salitang binigkas ng Kanyang mga kaaway. Ang mga salitang binigkas ng Kanyang mga kaaway sa mga sandaling iyon ay naghatid ng matinding sakit sa Kanyang puso. Subalit, ipinasiya pa rin ni Hesus na manalangin para sa Kanyang mga kaaway. 

Itinuro ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito na pati ang Diyos ay nasasaktan. Sa mga sandaling iyon, tiyak na nahirapan si Hesus sa pagpapatawad. Kaya, sa halip na tuluyang mapahamak ang Kanyang mga kaaway, ipinasiya Niyang manalangin para sa kanila. Patunay lamang ito na hindi manhid ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ay nakakaramdam rin ng sakit. Subalit, sa kabila ng matinding sakit dahil paulit-ulit na lamang nagkakasala laban sa Kanya ang tao, ipinasiya pa rin Niyang magpakita ng awa sa kanila. Tao na mismo ang magpapasiya kung hahayaan nilang baguhin sila ng Diyos na puspos ng awa at kapatawaran. 

Ang Diyos ay hindi manhid. Hindi porke't Diyos Siya, hindi na Siya nakakaramdam ng sakit. Alam Niya kung ano ang nararamdaman ng mga nasasaktan. Pinatunayan ito ng nakapako sa krus na si Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, niloob ng Diyos na dumanas Siya ng matinding sakit dahil sa Kanyang pag-ibig at habag para sa atin. 

Huwebes, Marso 10, 2022

さようなら (ROMAJI: SAYOUNARA)

8 Abril 2022 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
(Viernes de Dolores) 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42 

Lorenzo Lotto, Christi Abschied von Maria (Public Domain)

Sa wikang Hapones, may iba't ibang salitang ginagamit kapag magpapaalam sa mga kakilala ang isang taong aalis. Isa sa mga salitang ito ay ang salitang じゃあね (Romaji: jaa ne). Ang salitang ito ay ginagamit kapag nagpapaalam sa mga kaibigan at makakaasang muli kayong magkikita sa madaling panahon. Ang isa naman ay しつれいします (Romaji: Shitsureeshimasu). Ginagamit naman ang salitang ito kapag aalis ang isang estudyante mula sa opisina ng isang guro. Ang isang salita naman ay いってきます (Romaji: itte kimasu). Ang salitang ito ay kadalasang ginagamit kapag nagpapaalam ang mga anak sa mga magulang bago pumasok sa eskuwela o kaya kapag mayroon silang pupuntahan kasama ng kanilang mga kaibigan at kakilala. Ang pinakamasikat na salita, さようなら (Romaji: sayounara) ay bihira lamang gamitin dahil masyado itong madamdamin. Kapag ginamit ang salitang ito, ibig sabihin noon, hindi magkikita muli ang mga magkakapamilya, magkakaibigan, o magkakakilala sa loob ng mahabang panahon. Baka nga hindi na sila magkita muli. Kapag nagkita sila uli, tiyak na marami na ang nangyari. Kaya, tanging mga estudyante lamang ang mga gumagamit nito araw-araw kapag magpapaalam sa guro pagkatapos ng klase. 

Tinatawag na "Viernes de Dolores" ang Biyernes bago ang Linggo ng Palaspas. Sa araw na ito, ginugunita natin ang Hapis ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat may ibang petsang inilaan ang Simbahan para sa liturhikal na pagdiriwang ng Paggunita sa Pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria (15 Setyembre), pinahihintulutan pa rin ng Simbahan ang tradisyunal na pagdiriwang na ito sa kasalukuyan upang lalo pa nating maihanda ang ating mga sarili para sa paggunita sa mga Mahal na Araw. 

Magandang pagnilayan sa araw na ito ang pamamaalam ni Hesus sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa pamamaalam ni Hesus kay Maria. Isinalaysay ito sa isang librong isinulat ng isang misteryosong manunulat na tinawag na lamang bilang Pseudo-Buenaventura. Ang nasabing aklat ay inilaan sa pagninilay sa mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo. Isa sa mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo na pinagnilayan sa nasabing aklat ay ang Kanyang emosyonal na pamamaalam sa Mahal na Birheng Maria. 

Ang emosyonal na pamamaalam ni Hesus kay Maria bago Niya harapin ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus ay maaari nating ituring na isang uri ng さようなら. Bakit ito isang uri ng さようなら? Isang linggo naman Niya dadanasin at titiisin ang mapait na pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Kung tutuusin, isang araw lamang Niya dadanasin at titiisin ang mga ito. Bakit ito naging さようなら? Hindi naman magtatagal ito. Magkikita naman ulit sina Hesus at Maria, lalung-lalo na pagkatapos ng Kanyang pagtitiis ng hirap, pagdurusa, at kamatayan sa krus. Bakit naman ito naging isang さようなら?

Oo, isang araw lamang titiisin ng Panginoong Hesus ang mga hirap at pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus. Subalit, marami na'ng naganap mula sa sandali ng Kanyang pamamaalam sa Mahal na Ina hanggang sa sandali na muli silang magtatagpo. Ayon sa tradisyon, muling nagtagpo si Hesus at ang Mahal na Ina sa daang patungong Kalbaryo. 

Pagdurusa sa kamay ng mga kaaway ang paksang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta Jeremias tungkol sa masamang balak ng kanyang mga kaaway laban sa kanya. Hangad nilang si Propeta Jeremias ay magdusa sa ilalim ng kanilang mga kamay. Sa Ebanghelyo, binalak batuhin ng mga Hudyo si Hesus dahil sa Kanyang pagka-Diyos. Bagamat nabigo ang mga Hudyo sa kanilang balak na batuhin Siya, alam ni Hesus na darating ang panahon na papatayin Siya. Hindi Siya binato hanggang sa mamatay dahil hindi pa dumating ang panahon ng Kanyang pagkamatay sa krus.

Batid ni Hesus na nalalapit na ang sandali ng Kanyang pagkamatay sa krus bilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Dahil dito, si Hesus ay nagpaalam sa Mahal na Birheng Maria. Ang pamamaalam ni Hesus kay Maria ay naging puno ng emosyon dahil sa mangyayari sa muli nilang pagkikita. Kaya naman, ang pamamaalam na ito ni Hesus kay Maria ay maituturing na isang uri ng さようなら. 

Sabado, Marso 5, 2022

KARANASAN NG KANYANG AWA

3 Abril 2022 
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3, 8-14/Juan 8, 1-11 


Inilarawan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias ang Kanyang gagawin alang-alang sa Kanyang mga lingkod sa Unang Pagbasa. Gagawa ng isang bago at kahanga-hangang bagay ang Diyos alang-alang sa kanila. Sabi ng Diyos na magbubukas Siya ng isang landas sa gitna ng ilan at patutubigin ang disyerto (43, 20). Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang awa sa Kanyang mga hinirang. Iyan ang Panginoon. Ang Panginoon ay Diyos na may habag at awa. 

Sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang huling Linggo bago ang mga Mahal na Araw, muling pinagninilayan ng Simbahan ang misteryo ng habag ng Diyos. Kung tutuusin, lagi namang pinagninilayan ng Simbahan ang misteryong ito. Walang araw sa buong taon kung kailan hindi pinagninilayan ng Simbahan ang misteryo ng habag at awa ng Diyos. Subalit, mas lalo itong binibigyan ng pansin ng Simbahan bilang paghahanda para sa mga Mahal na Araw na ipagdiriwang at gugunitain sa Linggong kasunod nito. Ang mga Mahal na Araw ay inilaan sa paggunita sa pinakadakilang gawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang habag at awa. 

Binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang pagkahirang sa kanya ni Kristo bilang apostol at misyonero. Sa kabila ng kanyang nakaraan bilang taga-usig ng Simbahan, pinili at hinirang pa rin siya ni Kristo Hesus upang maging apostol at misyonero. Dahil dito, ang kanyang hangarin ay makilala si Kristo Hesus (3, 10). Nais ni Apostol San Pablo na si Hesus ay makilala ng lahat ng tao bilang Panginoon at Manunubos na puspos ng habag at awa. Naranasan niya ang habag at awa ni Hesus. Iyan rin ang nais ni Apostol San Pablo para sa tanan. 

Naranasan ng babaeng nahuling nakiapid ang habag at awa ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus na para sa lahat ng tao ang habag at awa ng Diyos. Gaano man kabigat o kalaki ang kasalanang nagawa ng isang tao, hindi mapapantayan o mahihigitan ng mga ito ang habag at awa ng Diyos. Habang namumuhay pa dito sa mundo ang bawat isa sa atin, may pag-asa tayong makinabang sa habag at awa ng Panginoon. Sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa mundo, patuloy tayong binibigyan ng pagkakataon upang lumapit sa Diyos at buong kababaang-loob na humingi ng habag at kapatawaran mula sa Kanya. 

Hindi ipagkakait ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag at awa sa mga nagtitika nang taos-puso. Ang biyayang ito ay kusa Niyang ipagkakaloob sa kanila. Hangad ng Diyos na maranasan ng lahat ang Kanyang habag at awa na naghahatid ng kaligtasan at kapatawaran. Iyan ang ating Diyos. 

Biyernes, Marso 4, 2022

PANANALIG AT KATAPATANG KASINGTIBAY NG ISANG BATO

2 Abril 2022  
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir
Sabado sa Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Jeremias 11, 18-20/Salmo 7/Juan 7, 40-53 


Tiyak na batid natin kung ano ang ibig sabihin ng pangalang "Pedro." Katunayan, ito ang pangalan ng Unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro. Ang ibig sabihin ng pangalang "Pedro" ay "Bato." Sabi pa nga ni Hesus noong ibinigay Niya kay Apostol San Pedro ang mga susi sa kaharian ng langit bilang tanda ng kanyang kapangyarihan kaakibat ng kanyang pagiging Santo Papa na itatatag ang Simbahan "sa ibabaw ng batong ito" (Mateo 16, 18). Ang batong tinukoy ni Hesus ay walang iba kundi si Apostol San Pedro. Sa ibabaw ni Apostol San Pedro, itatatag ni Hesus ang Kanyang Simbahan. 

Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain ang Ikalawang Pilipinong Santo na katukayo ng unang Santo Papa ng Simbahan - si San Pedro Calungsod. Pangalan lamang nila ang magkakatulad. Parehas silang nasa hanay ng mga banal. Parehas rin sila namatay bilang mga martir. Subalit, hindi naging Santo Papa ng Simbahan si San Pedro Calungsod kailanman. Katunayan, isang binata pa lamang siya sa sandali ng kanyang pagkamatay bilang isang martir ni Kristo at ng Simbahan. Subalit, katulad ng unang Santo Papa ng Simbahan na katukayo niya, pinili ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa kanyang misyon bilang saksi ng Panginoong Hesukristo. 

Sa kabila ng mga pag-uusig na kaakibat ng kanyang buhay bilang misyonero sa ibang bansa, pinili pa rin ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa Panginoong Hesus, ang pinag-usapan ng mga tao at ng mga Pariseo sa Ebanghelyo. Pinag-usapan nila si Hesus dahil maraming tao ang namangha sa Kanyang pangangaral. Sa taong ito na nagmula sa bayan ng Nazaret na Siya ring Bugtong na Anak ng Diyos na dumating sa lupa, ibinigay ni San Pedro Calungsod ang kanyang katapatan hanggang sa huli. Sa Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus lamang ibinigay ni San Pedro Calungsod ang kanyang katapatan hanggang sa kanyang huling hininga. 

Nagpakita si Propeta Jeremias ng pananalig at katapatang kasingtibay ng isang bato sa Unang Pagbasa. Ipinahiwatig ito sa kanyang panalangin sa Panginoong Diyos sa wakas ng Unang Pagbasa. Sabi niya sa huling linya ng kanyang panalangin sa Diyos matapos ihayag sa kanya ang mga pag-uusig na kanyang haharapin at dadanasin na ipinagkakatiwala niya sa Diyos ang lahat. Ang Panginoon na mismo ang bahala. Ang tungkulin ng isang Propeta ng Panginoon ay tinanggap ni Propeta Jeremias, bagamat batid niyang marami siyang haharapin at dadanasing hirap at pag-uusig, dahil ang kanyang pananalig at katapatan sa Panginoon ay kasingtibay ng isang bato. 

Ang tunay na Simbahang itinatag ni Kristo Hesus ay itinatag sa ibabaw ng isang bato na walang iba kundi si Apostol San Pedro. Katulad ng batong kinatayuan ng tunay na Simbahang tatag mismo ni Hesus na walang iba kundi si Apostol San Pedro, isang binatang Pilipino na nasa hanay ng mga banal sa langit ay nagpasiyang maging tapat kay Hesus at sa Kanyang Simbahan hanggang sa huli. Siya'y walang iba kundi si San Pedro Calungsod. 

Huwebes, Marso 3, 2022

ANG DIYOS NA NAGAGALAK

27 Marso 2022 
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
"Linggo ng Laetare" 
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-31 



Bagamat inilaan ng Simbahan ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala bilang panahon ng Kuwaresma para sa taimtim at taos-pusong pagbabalik-loob sa Diyos, ang mga Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito ay tungkol sa pagdiriwang at kagalakan. Ito ay dahil ang Linggong ito, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, ay tinatawag ring "Linggo ng Laetare." Sa Tagalog, ang ibig sabihin ng salitang "Laetare" ay "Kagalakan." Dahil diyan, maaaring gamitin ang kulay rosas sa liturhiya sa araw na ito. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ginunita ng mga Israelita sa labas ng lungsod ng Jerico kung paano sila iniligtas at pinalaya ng butihing Panginoong Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ipinagdiriwang nila ang Paskuwa. Buong galak nilang ipinagdiwang ang Paskuwa sapagkat hindi nila kinalimutan ang ginawa ng Panginoon para sa kanila. Sa pamamagitan ng pagtubos at pagpalaya sa mga Israelita noong gabi ng unang Paskuwa, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang awa para sa kanila. Ang awa ng Diyos ay naghatid ng galak sa Kanyang bayan. 

Hindi lamang ang galak na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao dahil sa Kanyang awa ang binibigyan ng pansin. Sa Linggong ito, binibigyan rin ng pansin at pinagninilayan kung paanong ang Diyos ay nagagalak. Ito ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa at sa talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Diyos ay nagagalak sa mga nagbabalik-loob sa Kanya. Kapag may mga nagtitika nang taos-puso at nang buong kababaang-loob, nagagalak ang Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pakiusap ni Apostol San Pablo ay makipagkasundo sa Diyos (5, 20). Ang mga nagbabalik-loob sa Diyos nang buong kababaang-loob ay naghahatid ng tuwa sa Kanya. 

Kung paanong ang ama sa Talinghaga ng Alibughang Anak na isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nagalak noong bumalik ang anak niyang ito, ang Diyos ay nagagalak sa mga nagbabalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay laging handang ipagkaloob sa mga taos-pusong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanyang pag-ibig at awa. Hindi Niya ipagdadamot ang Kanyang pag-ibig at awa sa mga magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Katunayan, katulad ng ama sa talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo, ang Diyos ay laging naghihintay at nakaabang sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan. Lagi Niyang hinihintay ang araw o sandali ng pagtika ng mga makasalanan. Ayaw Niya silang mapahamak. Nais Niya silang maligtas. 

Inilaan ang panahon ng Kuwaresma para sa taos-pusong pagtitika. Sa Linggong ito, ang dahilan kung bakit ay nahayag sa atin. Nagagalak ang Diyos sa mga nagpasiyang magtika. Ang Diyos ay nagagalak sa tuwing may mga nagbabalik-loob sa Kanya. Ang sandali o araw ng ating pagbabalik-loob ay lagi Niyang hinihintay. Ang Diyos ay laging handang ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig at awa sa mga nagtitika nang taos-puso bilang tanda ng Kanyang galak.