18 Abril 2025
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42
"Sa kahoy ng Krus na Banal ni Hesus na Poong Mahal, nalupig ang kamatayan; at sa Muling Pagkabuhay, ang pag-asa ay sumilay." Ito ang mga salitang binibigkas ng pari o diyakono sa simula ng Rito ng Pagpaparangal sa Krus na Banal. Habang tinatanggal ang lambong mula sa Krus nang paunti-unti, inaanyayahan ng pari o diyakono ang kongregasyon na parangalan ang Krus na Banal ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salitang ito. Buong linaw na isinasalungguhit ng mga salitang ito ang dahilan kung bakit ang Krus na Banal ay ating pinahahalagahan nang lubusan bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo. Katunayan, binanggit rin sa mga salitang ito ang Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Hindi nanatiling patay ang Nazarenong naghain ng buong sarili sa Krus sa bundok ng Golgota na mas kilala ng nakararami sa tawag na Kalbaryo. Bagkus, ang Nazarenong walang awang ipinako sa Krus noong unang Biyernes Santo ay mabubuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Maaaring ituring na isang buod ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito na binibigkas ng pari o ng diyakono habang ang lambong ay kaniyang tinatanggal mula sa Krus na Banal nang paunti-unti.
Ang liturhikal na pagdiriwang ng Biyernes Santo ay ang ikalawang bahagi o yugto ng pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang liturhiya ng Biyernes Santo ay nagsimula sa tahimik na pamamaraan. Walang Pambungad na Awit at wala ring Pag-Aantanda ng Krus at Pagbati sa simula ng liturhiya ng Biyernes Santo. Hindi ito isang hiwalay na pagdiriwang. Bagkus, ang sinimulan ng Inang Simbahan noong dapit-hapon o takipsilim ng Huwebes Santo ay ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan sa hapon ng Biyernes Santo. Sa bahaging ito ng mahabang pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno, ang Krus na Banal ay ang sentro ng taimtim na pagninilay.
Tampok sa Ebanghelyo ang napakahabang salaysay ng pagpapakasakit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Juan. Naglaan si San Juan ng dalawang buong kabanata mula sa kaniyang salaysay ng Ebanghelyo upang ilahad ang mga huling sandali ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kamay ng mga kaaway Niyang labis-labis ang inggit at poot laban sa Kaniya. Labis ang pagkapoot at ang pagkamuhi ng mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno laban sa Kaniya.
Kaya naman, ang tanong ng gobernador na si Poncio Pilato kay Jesus Nazareno: "Ano ba ang ginawa Mo?" (Juan 19, 35). Habang iniimbestigahan ang kaso laban kay Jesus Nazareno, ito ang unang napansin ni Pilato. Labis na kinapootan si Jesus Nazareno ng lahat ng mga nagdala sa Kaniya kay Pilato. Parang sabik na sabik silang ipapapatay si Jesus Nazareno. Umagang-umaga, dinala sa kaniya si Jesus Nazareno ng mga taong iyon at kung anu-ano pa ang kanilang ipinaratang laban sa Kaniya. Sa halip na ihip ng mga ibon at simoy ng hangin, mga paratang laban sa isang Nazarenong nakagapos ang bumungad sa kaniyang umaga. Tila mayroong nais iparating si Poncio Pilato, ang gobernador, sa nakagapos na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng nasabing tanong: "Panira Ka ng araw."
Bakit nga ba labis na kinapootan at kinamuhian ang Panginoong Jesus Nazareno? Isa lamang ang dahilan. Ang mga pintuan ng kanilang mga puso ay isinara at ipininid nila sa Kaniya. Pinatigas nila ang kanilang mga puso. Dahil dito, nagpabulag sila sa inggit, galit, at poot laban sa Kaniya. Hinayaan nilang udyukan sila ng inggit, galit, at poot na napakatindi laban sa Panginoong Jesus Nazareno na ipapatay Siya.
Dumating ang Poong Jesus Nazareno sa lupa upang idulot ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kusang-loob na pagligtas sa kanila. Iyon nga lamang, hindi ito naging madali para sa Kaniya. Ang mga inilarawan sa pahayag tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na inilahad sa aklat ni Propeta Isaias ay Kaniyang tiniis at binata. Katunayan, bago pa man dumating sa lupa ang Poong Jesus Nazareno, alam na Niyang mangyayari sa Kaniya ang mga iyon kapag ipinagpatuloy Niya ang Kaniyang planong iligtas ang sangkatauhan. Hindi Siya obligadong gawin iyon. Maaari Niya itong tanggihan. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon bilang pagsunod sa kalooban ng Amang nasa langit, gaya na lamang ng buong linaw na inilarawan sa Ikalawang Pagbasa. Patunay lamang ito na tunay nga tayong pinahahalagahan ng Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa.
Ipinakilala ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang Panginoong Diyos bilang Tagapagligtas na maaasahan. Pinatunayan ito ng Diyos sa panahong itinakda Niya sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niyang tunay nga Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, awa, kagandahang-loob, at habag, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ni Jesus Nazareno upang idulot sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya lamang. Kahit na alam Niyang itatakwil at kamumuhian Siya ng marami, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito.
Lubos tayong pinahahalagahan ng Diyos. Ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin ay tunay ngang dakila. Ito ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagligtas sa atin, kusang-loob Niyang idinulot sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento