24 Abril 2025
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48
Larawan: Juan Correa de Vivar (1510–1566), The Resurrection of Christ (c.1500s). Sothebys Auctions. Public Domain.
Itinampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Herusalem. Ang dalawang alagad na tumungo sa Emaus kasama ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay naglakbay pabalik sa banal na lungsod ng Herusalem upang ibalita sa kanilang mga kasama roon kung ano ang nangyari habang naglalakbay sila patungo sa bayan ng Emaus. Buong galak nilang ibinalita sa mga kasama nila sa Herusalem na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno. Habang isinasaysay ng nasabing dalawang alagad sa kanilang mga kasama sa Herusalem ang tagpong ito, nagpakita sa kanilang lahat sa mismong silid na kung saan sila nagkakatipon ang Muling Nabuhay na Poon.
Nang magpakita sa mga apostol ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa silid na kanilang pinagtitipunan, hindi Siya nagpakita ng matinding poot at galit bilang ganti sa kanila. Hindi Niya sila tinakot o sinindak upang makaganti sa kanila. Bagkus, pinawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang kanilang mga takot, sindak, at pangamba. Ibinahagi Niya sa kanila nang kusang-loob ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang dulot ng biyayang ito na mula lamang sa Kaniya ay tunay na galak at tunay na kapayapaan. Ito ang bukod tanging dahilan kung bakit ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro at si Apostol San Juan ay hindi natakot, nasindak, o natinag sa presensya ng Sanedrin sa Unang Pagbasa. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay ang dahilan ng galak, kapayapaan, lakas, kagitingan, at pag-asa ng lahat ng mga tagasunod Niya.
Gaya ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, walang takot na nagpatotoo tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa at ng dalawang alagad na Kaniyang sinamahan sa kanilang paglalakbay patungong Emaus sa Ebanghelyo. Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ating mga puso at isipan ay puspos ng tunay na galak, kapayapaan, at kagitingan.
Sa pamamagitan ng pagdulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, ang lahat ng takot at sindak sa ating mga puso ay pinapawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang ating mga puso at loobin ay mapupuno ng tunay na galak, tunay na kapayapaan, at tunay na kagitingan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento