21 Abril 2025
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15
Larawan: Dieric Bouts (circa 1420–1475), The Resurrection of Christ (c. 1455). Norton Simon Museum. Public Domain.
"D'yos ko, ang aking dalangi'y ako'y Iyong tangkilikin" (Salmo 15, 1). Nakatuon sa mga salitang ito na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan sa araw na ito. Buong galak na ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan sa araw na ito ang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, buong linaw na isinasalungguhit ng Inang Simbahan kung gaano kahalaga ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, sa ating pananampalataya. Dahil napakahalaga para sa ating lahat na bumubuo sa Simbahan ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, hindi lamang isang araw ang inilaan upang pagnilayan at ipagdiwang ito nang buong galak. Bagkus, isang panahon ang inilaan para sa nasabing pagdiriwang. Ang Oktaba o ang Walong Araw na Pagdiriwang ay bahagi lamang ng panahong ito.
Kung ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, hindi tayo magkakatipon-tipon bilang Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan ay walang iba kundi ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mayroong saysay at kabuluhan ang ating pananampalataya bilang Simbahan dahil nabuhay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, gaya ng Kaniyang sinabi.
Ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay mga salita ng isang taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos. Pinatunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay na tunay nga natin Siya maaasahan. Siya mismo ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Lagi natin Siyang maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay. Hindi Niya tayo bibiguin o sisiphayuin kailanman. Bilang tunay na Diyos, ipinagkakaloob Niya sa ating lahat ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Nangaral ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa mga tao sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa tungkol sa kusang-loob na pagkakaloob ng Diyos ng biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang biyayang ito ay kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, nagpakita sa mga babaeng nagtungo sa Kaniyang libingan ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula ay idinulot Niya sa kanila nang magpakita Siya sa kanila. Dahil dito, puspos sila ng galak at pag-asa.
Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa dahil sa Kaniyang Muling Pagkabuhay. Lagi tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya nang may galak dahil hindi Niya tayo bibiguin kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento