Biyernes, Abril 11, 2025

TUNAY NA PAG-ASANG NAGDUDULOT NG TUNAY NA GALAK

23 Abril 2025 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 


Buong galak na ipinagpapatuloy ng Simbahan ang maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil sa halaga ng kaganapang ito sa kasaysayan ng Simbahan. Ang Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kusang-loob na ibinigay ng Amang nasa langit sa lahat ng tao, ay ang pinakamahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan. Dahil sa Kaniyang Muling Pagkabuhay, may kabuluhan ang ating pananampalataya bilang Simbahan. 

Habang patuloy nating ipinagdiriwang ang Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang ating mga pansin ay nakatuon sa tunay na pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, nagtagumpay ang tunay na pag-asa. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang tunay na pag-asa ay nagtagumpay nang mabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno. Ang bukal ng tunay na pag-asa ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Kaya, ang tagumpay ng Poong Jesus Nazareno ay tagumpay rin ng tunay na pag-asa. 

Iminulat ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang mga puso at isipan ng dalawa sa Kaniyang mga alagad na Kaniyang sinamahan sa kanilang paglalakbay patungong Emaus. Nang mamulat ang dalawang alagad na ito sa dakilang biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, buong galak nila itong tinanggap agad. Hindi na sila puno ng hapis, dalamhati, at kabiguan. Bagkus, ang kanilang mga puso at isipan ay napuno ng tunay na galak at pag-asa. Sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa, ibinahagi nina Apostol San Pedro at San Juan ang dakilang biyayang ito sa isang lalaking ipinanganak na lumpo sa pamamagitan ng pagiging mga instrumento ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay kumilos sa pamamagitan nila. Dahil dito, ang lalaking ipinanganak na lumpo ay gumaling at nakakalakad. 

Tayong lahat ay pinaalalahanan ngmang-aawit sa Salmong Tugunan tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin bilang Simbahan. Ang Diyos ay purihin nang buong galak. Sa Diyos lamang nagmumula ang ating galak at pag-asa. Ipagmalaki natin ito. 

Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ating mga puso at isipan ay puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa. Idinulot Niya ang mga ito sa atin nang kusang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento