20 Abril 2025
Araw ng Pasko ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9
Ang pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng Simbahan ay sumapit. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang pinakamahalagang araw sa buong taon para sa Simbahan ay walang iba kundi ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroong saysay ang pananampalatayang labis na pinahahalagahan ng Simbahan. Sumasamapalataya, nananalig, at umaaasa na may galak sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Simbahan.
Isa lamang ang isinasalungguhit ng mga Pagbasa. Ang Simbahan ay laging puspos ng galak at pag-asa dahil sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Nangaral si Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Inang Simbahan, sa bahay ng isang kapitang Romanong nagngangalang Cornelio sa salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Ang paksa ng pangaral ni Apostol San Pablo sa bahay ni Cornelio na tampok sa Unang Pagbasa para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ay walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Nakasentro naman sa bagong buhay na kaloob ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ng dakilang apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo sa lahat ng mga taga-Colosas sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, nakasentro rin sa paksang ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga taga-Corinto na itinampok at inilahad sa alternatibong Ikalawang Pagbasa. Tampok sa Ebanghelyo para sa pinakadakilang araw na ito ng bawat taon para sa Simbahan sa buong daigdig ang salaysay ni San Juan tungkol sa pagkatuklas sa libingang walang laman. Walang laman ang libingan dahil ang inilibing roon - ang Panginoong Jesus Nazareno - ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Hindi Siya nanatiling patay. Bagkus, muli Siyang nabuhay.
Gaya ng buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang!" (Salmo 117, 24). Tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahan ay puspos ng galak at pag-asa dahil ang Poong Jesus Nazareno ay muling nabuhay. Hindi patay ang nagtatag sa Simbahang ating kinabibilangan na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, muli nga Siyang nabuhay, gaya ng paulit-ulit Niyang ipinangako. Sa halip na manatiling isang bangkay na nabubulok sa loob ng libingan matapos mamatay sa Krus na Banal, nabuhay Siyang mag-uli.
Sa pamamagitan ng Kaniyang Muling Pagkabuhay, idinulot ng Poong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa atin. Kusang-loob Niyang idinudulot sa atin ang dakilang biyayang ito. Ito ang dahilan kung bakit tayong lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan ay laging puspos ng pag-asa. Laging puspos ng pag-asa ang Simbahan dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno.
Pinatunayan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na ang pag-asa ay hindi nagdudulot ng kabiguan. Bilang bukal ng tunay na pag-asa, nagtagumpay at nagwagi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno laban sa kasamaan at kasalanan. Ang tunay na pag-asa ay nagtagumpay at nagwagi nang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit. Dahil dito, ang tagumpay na kinamit ng Poong Jesus Nazareno ay tagumpay rin ng tunay na pag-asa.
Dahil sa dakilang tagumpay ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng galak at pag-asa. Buong galak natin Siyang ipagmalaki at ipagbunyi. Kaisa natin sa taos-pusong pagmamalaki at pagbubunyi sa Kaniya na nagkamit ng dakilang tagumpay ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. "Aleluya" ang ating awitin bilang isang Simbahang buong galak na sumasampalataya, nananalig, at umaaasa sa Panginoong Muling Nabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento