19 Abril 2025
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12
Larawan: Janez Wolf (1825–1884), The Resurrection (c. 1878). St. Stephen's Parish Church, Ribnica. Public Domain.
Hindi nagwakas sa kamatayan ang lahat para sa Poong Jesus Nazareno. Nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno matapos ang Kaniyang pagpapakasakit. Matapos batain ang lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusa hanggang sa sandaling malagutan Siya ng hininga sa Krus na Banal, ang Poong Jesus Nazareno ay muling nabuhay. Sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw, ang lahat ng mga nasabi ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol tungkol sa Kaniyang tungkulin at misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay natupad. Ito ang dahilan kung bakit buong galak na nagdiriwang ang Simbahan sa gabi ng Sabado de Gloria. Tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno.
Ang liturhikal na pagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria o Sabado Santo ay ang pinakamahabang pagdiriwang ng Simbahan. Katunayan, ang pagdiriwang na ito na ginaganap ng Simbahan sa gabi ng Sabado de Gloria taun-taon ay ang ikatlo at huling bahagi o yugto ng mahabang pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus na Banal, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa tatlong bahagi o yugto ng nasabing pagdiriwang, ang bahagi o yugtong ito ay ang pinakamahaba. Isa lamang ang dahilan - ito ang simula ng panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Gaya ng mahabang pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng Poong Jesus Nazareno na nahahati sa tatlong yugto (ang bawat yugto ng nasabing pagdiriwang ay nahahati sa tatlong araw), ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na isinasagawa sa gabi ng Sabado de Gloria taun-taon ay mayroong apat na yugto. Sa unang bahagi ng nasabing liturhikal na pagdiriwang, ang Bagong Ilaw ng Kandilang Pampaskuwa na sumasagisag ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay binigyan ng parangal. Ang ikalawang yugto ay ang Pagpapahayag sa Salita ng Diyos kung saan pitong Pagbasa mula sa Lumang Tipan, pitong Salmo, at isang Pagbasa mula sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma na sinundan ng pagbabalik ng "Aleluya" sa huling Salmo bago ipahayag ang salaysay ng pagtuklas ng mga babae sa libingang walang laman sa Mabuting Balita o Ebanghelyo. Tampok sa Ebanghelyo sa taong ito, taon K, ang salaysay ni San Lucas tungkol sa pagtuklas ng tatlong babaeng dumalaw sa libingan ng Poong Jesus Nazareno, ang tatlong Maria, na walang laman ang nasabing libingan. Ipinaliwanag ng mga anghel kung bakit - muling nabuhay ang Poong Jesus Nazareno. Kaya nga, ang tanong ng mga anghel sa kanila: "Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?" (Lucas 24, 5). Isasagawa sa kasunod na yugto, ang ikatlong yugto ng maringal na pagdiriwang na ito, ang Pagdiriwang ng Pagbibinyag kung saan ang mga bagong kaanib ng Inang Simbahan ay bibinyagan at kukumpilan (kung mayroon man) bago muling sariwain ng buong sambayanan ang mga pangako sa Binyag. Bilang pagwawakas sa nasabing maringal na pagdiriwang, sa ikaapat at huling bahagi o yugto nito ay ipagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya kung saan darating ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak sa piling natin upang idulot muli ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa ilang mga Simbahan, kasunod ng Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay isasagawa agad ang tradisyunal na Salubong (bagamat mayroon pa ring ilang mga Simbahang kung saan ang tradisyunal na Salubong ay nagaganap sa bukang-liwayway o madaling-araw ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay).
Sabi nga sa Maringal na Pagpapahayag na Ngayo'y Pasko ng Muling Pagkabuhay na tiyak na kilala rin nating mga bumubuo sa Simbahan bilang Exultet: "Magalak nang lubos ang buong sambayanan. Sa kaluwalhatian lahat tayo'y magdiwang. Sa ningning ni Hesukristo . . . Siya'y muling nabuhay, tunay na Manunubos!" Ito ang dahilan kung bakit buong galak tayong nagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria. Hindi nanatiling isang bangkay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, nabuhay Siyang mag-uli. Nagtagumpay ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tayo ay Kaniyang dinulutan ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay.
Buong linaw na isinasalungguhit ng Simbahan na sa Muling Nabuhay na Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Siya mismo ay ang tunay at tanging dahilan kung bakit laging mayroong pag-asa. Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kaniyang itinatag ay puspos ng tunay na galak at pag-asa dahil lamang sa Kaniya.
Kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay buong galak na nagdiriwang at nagbubunyi dahil sa dakila Niyang tagumpay. Dahil sa tagumpay ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa. Ito ang Kaniyang dulot sa ating lahat.
MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!
Pinacoteca Civica "il Guercino" via Web Gallery of Art. Public Domain.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento