Sabado, Abril 12, 2025

KUSANG-LOOB NIYANG IBINABAHAGI ANG TUNAY NA PAG-ASA

25 Abril 2025 
Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14 


"Ang Panginoon iyon!" (Juan 21, 7). Sa mga salitang ito na buong galak na binigkas ng minamahal na alagad ng Poong Jesus Nazareno kay Apostol San Pedro sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Habang patuloy na ipinagdiriwang ng Simbahan ang maluwalhating tagumpay na kinamtan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay, muli tayong pinaalalahanan sa araw na ito na tanging sa Kaniya lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Bilang mga bumubuo sa Simbahan, napupuno ng tunay na pag-asa ang ating mga puso at loobin dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Siya lamang at wala nang iba. 

Buong linaw na ipinakilala ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na ipagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan nang kusang-loob sa panahong itinakda Niya bilang batong saligan sa kabila ng pagtanggi sa Kaniya. Kahit na tunay na pag-asa ang Kaniyang dulot, buong lakas Siyang tinanggihan at itinakwil ng nakararami. Subalit, sa kabila nito, dinakila pa rin Siya ng Diyos. Natupad ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, hindi natakot ang Kaniyang dalawang apostol na sina Apostol San Pedro at San Juan na magpatotoo tungkol sa Kaniya, kahit sa harap ng Sanedrin, gaya ng nasasaad sa Unang Pagbasa. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na pinatotohanan ng dalawang apostol na ito sa harap ng Sanedrin nang buong kagitingan ay nagpakita sa mga apostol sa laot ng Lawa ng Tiberias upang muling idulot sa kanila ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.

Laging idinudulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Buong puso nating tanggapin ang dakilang biyayang ito. Sa pamamagitan nito, ating pinagmamalaki na Siya lamang ang ating maawain, mahabagin, at mapagmahal na Panginoon at Manunubos na kusang-loob na nagdudulot ng tunay na pag-asang galing lamang sa Kaniya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento