26 Abril 2025
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15
Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay hindi nagsasawa sa pagdudulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa lahat. Sa kabila ng mga salang nagawa ng sangkatauhan laban sa Kaniya, hindi tumitigil sa pagdudulot ng biyayang ito na nagdudulot ng pagbabago ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Isa lamang ang dahilan kung bakit patuloy Niya itong ginagawa, kahit na sa paningin at pananaw ng tao ay mukhang malabong tanggapin ng ilan ang biyayang ito kung ang biyayang ito ay una nilang tinanggihan. Tunay Niyang iniibig ang lahat. Mahal tayo ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa.
"Hindi maaaring di naman ipahayag ang aming nakita't narinig" (Mga Gawa 4, 20). Ito ang mga salitang buong lakas na binigkas ng dalawang apostol na sina Apostol San Pedro at San Juan bilang tugon sa babala sa kanila ng Sanedrin, gaya ng nasasaad sa salaysay na itinampok sa Unang Pagbasa. Matapos tanggapin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo noong Pentekostes, buong kagitingan silang nagpatotoo sa lahat ng tao tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Kahit na nangangahulugang malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay, hindi sila tumigil sa pagpapatotoo sa lahat ng mga tao tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang halimbawang ipinakita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay buong buhay na tinularan ng mga apostol. Inihayag ng mga apostol sa pamamagitan ng taos-pusong pagpapatotoo sa lahat ng mga tao sa lupa tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang kanilang tapat at taos-pusong pag-ibig para sa kanila.
Inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo ang ilan sa mga pagpapakita ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga pagpapakita sa Kaniyang mga apostol at iba pang mga tagasunod, ang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula ay Kaniyang idinulot sa kanila. Bagamat ang mga apostol ay hindi naniwala sa balita tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno noong una, kusang-loob pa rin Niyang ibinahagi sa kanila ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Pati na rin sa kasalukuyang panahon, lagi Niya itong ginagawa para sa atin.
Bilang bukal ng tunay na pag-asa, hindi nawawalan ng pag-asa para sa atin ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ay kusang-loob pa rin Niyang ipinagkakaloob sa ating lahat. Patunay lamang ito ng Kaniyang tapat at wagas na pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila para sa ating lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento