PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30):
"Naganap na!"
Larawan: Lodewijk de Deyster (–1711), Crucifixion (c. 1694), St. James Church, Bruges, Belgium. Belgian Art Links and Tools. Public Domain.
Walang obligasyon ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa buong sangkatauhan. Hindi naman Niya kinailangang magpakasakit at mag-alay ng Kaniyang buong sarili sa Krus alang-alang sa sangkatauhan. Kung niloob lamang Niya, nanatili na lamang Siya sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit kung saan maaari Siyang magpakasarap. Ang kapahamakan ng lahat ng tao ay maaari na lamang Niya pagmasdan habang buong ginhawa Siyang nakaluklok sa Kaniyang maringal na trono sa langit.
Subalit, kahit na hindi tayo dapat pahalagahan dahil sa ating pagiging makasalanan, tayong lahat ay pinahalagahan pa rin ng Poong Jesus Nazareno. Bagamat hindi Niya kailangang gawin iyon, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin. Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang gawin ito, kahit hindi naman Siya obligadong isagawa iyon, ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Niloob Niyang pahalagahan tayo.
Ang Ikaanim na Wika ni Jesus Nazareno mula sa Krus na Banal ay isang malinaw na pahayag ng Kaniyang taos-pusong pasiya. Pinahahalagahan tayo ni Jesus Nazareno. Bagamat mga makasalanan tayo, lubos pa rin Niya tayong pinahahalagahan. Ito ang dahilan kung bakit kusang-loob Siyang nagpakasakit at namatay sa Krus na Banal upang tayong lahat ay maligtas. Sa pamamagitan nito, dinulutan Niya tayo ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Pinahalagahan tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. Huwag natin itong balewalain.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento