Huwebes, Abril 10, 2025

HINDI HAPIS AT LUHA KUNDI GALAK AT PAG-ASA

22 Abril 2025 
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18 


Habang ang maringal na pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay buong galak nating ipinagpapatuloy bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan itinatag Niya, ipinapaalala sa atin kung ano ang Kaniyang dulot sa atin. Sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay, idinulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa atin. Ito ang dahilan kung bakit lagi tayong puspos ng galak at pag-asa. Ang nagdulot ng galak at pag-asang tunay sa atin ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na Muling Nabuhay. 

Buong linaw na inihayag ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa kaniyang pangaral sa mga tao na inilahad sa salaysay sa Unang Pagbasa na hindi isang karaniwang tao lamang ang Poong Jesus Nazareno. Hindi lamang isang guro na puno ng karunungan ang Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Dumating Siya sa lupa sa panahong itinakda dahil Siya mismo ay ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos. Ipinaliwanag nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit kusang-loob na ipinagkaloob ng Amang nasa langit ang Kaniyang Bugtong na Anak upang maging ating Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Pag-ibig, habag, at awa ang bukod-tanging dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan pagsapit ng takdang panahon sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo - si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay dinulutan Niya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kanya. 

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagpapakita ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kay Santa Maria Magdalena sa labas ng libingan. Dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, napawi nang tuluyan ang mga luha, sakit, lungkot, dalamhati, at hapis ni Santa Maria Magdalena. Pinawi ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga dalamhati, hapis, at luha ni Santa Maria Magdalena. Mula sa pagiging puspos ng mga sakit, luha, hapis, at dalamhati, si Santa Maria Magdalena ay napuspos ng tunay na galak at tunay na pag-asa. 

Kusang-loob na idinudulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang tunay na galak at ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Tanggapin nawa natin nang mataimtim at nang taos-puso ang tunay na galak at ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Pahintulutan nating baguhin tayo ng mga biyayang ito na dulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento