Huwebes, Agosto 14, 2025

ANG DAKILANG MANGGAGAMOT AY ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

16 Agosto 2025 
Paggunita kay San Roque, nagpapagaling 
Josue 24, 14-29/Salmo 15/Mateo 19, 13-15 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain si San Roque. Kilala si San Roque bilang Pintakasi laban sa mga salot at peste. Subalit, ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagbabas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga bata. Pinagsabihan pa nga Niya ang mga alagad matapos nilang pagbawalan ang mga bata na lumapit sa Kaniya. Ano naman ang ugnayan ng kaganapang ito sa buhay at ministeryo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa buhay ng Santong itinatampok, pinararangalan, at ginugunita ng tunay na Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa araw na ito? 

Sa tuwing mayroong mga salot at peste, o di kaya naman sa tuwing mayroon tayong mga sakit at karamdaman, isa sa mga Santo sa langit na taos-puso nating nilalapitan at hinihingan ng tulong ay walang iba kundi si San Roque. Bilang isa sa mga Santong nilalapitan at hinihingan natin ng tulong sa tuwing may mga salot at peste o kaya sa tuwing nagkakaroon tayo ng sakit at karamdaman, tayong lahat ay tinutulungan ng dakilang Santong ito na si San Roque sa pamamagitan ng kaniyang mga panalangin. Hindi tayo nananalangin na mag-isa. Kasama natin si San Roque. 

Itinuturo sa atin ni San Roque sa pamamagitan ng kaniyang mga panalangin para sa atin na dumudulog sa kaniya upang hingin ang kaniyang tulong at panalangin kapag mayroong mga salot at peste o di kaya naman mayroon tayong mga karamdaman at sakit na dapat manalig at umasa tayo nang taos-puso sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ang Diyos ay ang dakilang manggagamot. Hindi Niya tayo pababayaan sa mga sandali ng mga peste, salot, at karamdaman. Darating din ang panahong Kaniyang itinakda upang hilumin ang bawat isa sa atin. 

Ang pangalan ng liturhikal na pagdiriwang para sa araw na ito sa Aklat ng Pagmimisa sa Roma ay "Paggunita kay San Roque, nagpapagaling." Subalit, ang kapangyarihang tinaglay ni San Roque bilang isang tagapagpagaling ay nagmula lamang sa dakilang manggagamot na Siya ring bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Hinirang at itinalaga ng Diyos si San Roque upang ipalaganap ang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagiging isang instrumento sa pagpapagaling sa mga may mga karamdaman at sakit. 

Nakasentro sa taos-pusong pananalig at pag-asa sa Diyos ang mga Pagbasa. Buong linaw na inihayag ng humalili kay Moises na walang iba kundi si Josue ang kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos sa pamamagitan ng paglingkod sa Kaniya bilang Kaniyang tapat na lingkod sa Unang Pagbasa. Ito rin ang ipinahayag ng mga Israelita sa Unang Pagbasa. Sa Salmong Tugunan, ang mang-aawit na tampok ay buong linaw na nagpahayag ng kaniyang taos-pusong pasiyang ipagkatiwala ang lahat ng bagay ng nauukol sa kaniya sa Diyos bilang tanda ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. 

Hindi tayo pababayaan ng dakilang manggagamot. Ito ay dahil Siya rin mismo ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Sa Kaniya tayo manalig at umasa nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento