Biyernes, Agosto 15, 2025

NANANALIG AT UMAAASA NANG TAOS-PUSO, KAHIT NA HINDI ITO GINAGAWA NG MARAMI

17 Agosto 2025 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 


Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon sa katotohanan tungkol sa mga nananalig at umaaasa sa Panginoong Diyos nang taos-puso. Napakahirap manalig at umasa sa Panginoong Diyos nang taos-puso sa bawat oras at sandali ng ating buhay sa lupa. Bukod sa mga pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay dito sa lupa na hindi mabilang dahil sa dami ng mga ito, iilan lamang sa lipunang ating kinabibilangan ay taos-pusong nananalig at umaaasa sa Panginoon. Hindi lahat ng mga tao sa lipunang kinabibilangan natin ay taos-pusong nananalig at umaaasa sa Panginoon. Kahit na sa panahong kasalukuyan ay igagalang ng lahat ang ating mga paniniwala, nandoon pa rin ang posibilidad na mag-iiba ang kanilang pananaw. Maweweirduhan sila. 

Buong linaw na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na hindi tatanggapin ng nakararami sa lipunan ang Kaniyang mga tagasunod. Dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, magkakahati-hati ang lipunan. Nakakalungkot ring isiping hindi ligtas ang mga pamilya. Magkakahati-hati ang lahat ng tao dahil sa Prinsipe ng Kapayapaan na kusang-loob na dumating upang idulot sa lahat ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng pagligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kabanal-Banalan Niyang Krus at Muling Pagkabuhay na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gaya ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa, hindi tatanggapin ng marami sa lipunan ang mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos. 

Sa Ikalawang Pagbasa, ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nakiusap sa mga tagasunod ng Poong Jesus Nazareno, hindi lamang ang mga kapwa niyang Hebreo na nagpasiyang sumunod sa Poong Jesus Nazareno nang taos-puso bilang patunay ng kanilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso, na huwag magpatalo at magpadala sa pagtakwil ng lipunan sa kanila. Hindi nila dapat atrasan ang taos-pusong pagsunod sa Poong Jesus Nazareno upang ipahayag ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Bagkus, kailangan nila itong panindigan hanggang sa huli. 

Ipinapahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Ang mga salitang ipinahayag niya nang buong linaw ay isang panalanging nagpapahayag ng kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Nananalig siya nang taos-puso sa bukal ng tunay na pag-asa na hindi nagpapabaya kailanman na walang iba kundi ang Diyos. 

Kung tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso, susundin at paglilingkuran natin Siya nang buong katapatan. Hindi tayo magpapa-impluwensya o magpapadala sa pasiya ng nakararami sa lipunan na huwag gawin ito. Bagkus, ito ay buong puso at kagitingan natin itong paninindigan at gagawin hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento