24 Agosto 2025
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30
Larawan: Francesco Vanni (1564–1610), German: Christus an der Geisselsäule (c. 1596). Kunsthistorisches Museum. Public Domain.
"Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi Ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok" (Lucas 13, 24). Ito ang tugon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa nagtanong sa Kaniya tungkol sa bilang ng mga maliligtas sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Buong linaw Niyang ipinahiwatig na hindi maliligtas ang lahat ng tao sa lupa dahil dito.
Kahit na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi maliligtas ang lahat, buong linaw Niyang isinalungguhit na hindi ito dapat maging problema para sa mga sumusunod, nananalig, at umaaasa sa Kaniya nang buong katapatan. Dapat ituon at ibuhos ng lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Poong Jesus Nazareno nang taos-puso ang kanilang lakas at pansin sa kanilang tapat na pagsunod sa Kaniya, gaano mang kahirap itong gawin dahil sa mga tukso, pagsubok, at hirap sa buhay sa lupa.
Buong linaw na isinalungguhit ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa pangaral na tampok sa Ikalawang Pagbasa ang halaga ng tapat na pagsunod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Nakiusap siya sa lahat ng mga Kristiyano na sundin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lahat ng oras at sandali, gaano mang kahirap gawin ito dulot ng mga tukso, pagsubok, hirap, at sakit sa buhay dito sa lupa. Ito ang magpapatunay na tapat at taos-puso ang pasiya ng bawat isa na manalig at umasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na mahahayag ang Kaniyang kadakilaan sa lahat. Buong linaw namang nagpatotoo ang mang-aawit sa Salmong Tugunan tungkol sa kahanga-hangang kadakilaan ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng tapat at taos-pusong pagsunod sa Panginoong Diyos hanggang sa huli bilang patunay ng ating pasiyang manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso sa bawat oras at sandali ng ating buhay sa lupa, ating ipinapahayag na tunay nga Siyang dakila sa lahat. Ang ating pinananaligan at inaaasahan ay ang pinakadakila sa lahat.
Kung tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Poong Jesus Nazareno nang taos-puso hanggang sa huli, dadaan tayo sa makipot na pintuan. Pakikinggan at susundan natin Siya nang taos-puso hanggang sa huli, gaano mang kahirap itong gawin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento