5 Setyembre 2025
Biyernes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Colosas 1, 15-20/Salmo 99/Lucas 5, 33-39
Buong linaw na ipinaliwanag ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pahayag na nahahati sa dalawang bahagi na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit Siya naparito sa lupa. Dumating Siya sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos nang sumapit ang takdang panahon upang ang lahat ng tao ay baguhin sa pamamagitan ng pagdulot sa kanila ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo na nangyari ang lahat ng bagay sa pamamagitan mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pati ang pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay naganap sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nahayag sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos na nagdudulot ng tunay na pag-asa.
Kaya naman, inaanyayahan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na mag-alay ng taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, kusang-loob na idinulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Ang bawat isa sa atin ay Kaniyang binibigyan ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang idulot sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.
Nais ng Diyos na baguhin tayo. Ito ang tanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang idulot sa bawat isa sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kung tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso, kusang-loob nating bubuksan ang ating mga loobin at puso sa pagbabagong dulot ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento