29 Agosto 2025
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29
Ginugunita ng Inang Simbahan sa araw na ito ang kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo. Tiyak na ilang ulit na nating napakinggan ang salaysay ng kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ang tagapagpauna ng Panginoong Jesus Nazareno na walang iba kundi ang kamag-anak Niyang si San Juan Bautista na nagbinyag sa Kaniya sa Ilog Jordan ay namatay sa kamay ni Herdoes Antipas. Dahil sa pangakong binitiwan niya sa anak na babae ni Herodias na kinakasama niya bagamat asawa siya ng kapatid niyang si Felipe sa isang piging na inihanda para sa kaniyang kaarawan, iniutos ni Herodes Antipas na ipapugot ang ulo ni San Juan Bautista, gaya ng hiniling ng dalaga.
Alam rin nating lahat kung bakit nabilanggo si San Juan Bautista. Nasasaad nga ito sa unang bahagi ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Buong tapang na ipinahayag ni San Juan Bautista kina Herodes Antipas at Herodias na isang malaking kasalanan sa paningin ng Diyos ang kanilang pagsasama. Kahit na si Herodias ay asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes Antipas, sina Herodes Antipas at Herodias ang magkasama. Sa halip na ibalik sa kaniyang kapatid na si Felipe ang babaeng kaniyang kinakasama na walang iba kundi si Herodias, ipinasiya pa rin ni Herodes Antipas na ipagpatuloy ang relasyong ito na tunay ngang imoral.
Kahit na kamatayan sa ilalim ng kapangyarihan ni Herodes Antipas ang naging kapalit ng tapat na paglingkod ni San Juan Bautista sa Diyos bilang tagapagpauna ng Poong Jesus Nazareno, nanatili pa ring tapat sa Diyos si San Juan Bautista. Ang matinding pag-uusig at kamatayan sa kamay ni Herodes Antipas ay hindi naging dahilan para sa tagapagpauna ng Poong Jesus Nazareno na si San Juan Bautista upang bawiin ang lahat ng kaniyang mga sinabi. Sa pamamagitan nito, ipinahayag ni San Juan Bautista ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso hanggang sa huli.
Sa pamamagitan ng kaniyang tapat na pagtupad sa misyong bigay sa kaniya ng Diyos bilang tagapagpauna ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, tinularan niya ang halimbawang ipinakita ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Gaya rin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, hindi siya natakot magpatotoo sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento