Huwebes, Agosto 28, 2025

HINDI MAPAGMATAAS ANG MGA TAOS-PUSONG NANANALIG AT UMAAASA SA DIYOS

31 Agosto 2025 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14 




Ang kahalagahan ng kababaang-loob ay tinalakay sa mga Pagbasa. Nalulugod ngang tunay sa mga may kababaang-loob ang Diyos. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kababaang-loob, pinatutunayan ng lahat ang kanilang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Hindi nila nililimot kung paano sila tinulungan, pinatnubayan, ipinagsanggalang, sinamahan, dinamayan, ginabayan at pinagpala ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ito ay kanilang ipinapahayag nang buong linaw sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang halaga ng kababaang-loob. Pati ang lahat ng mga malapit sa Diyos ay malulugod sa mga may kababaang-loob. Ang kababaang-loob ay isang katangiang lubos na pinahahalagahan ng mga nananalig at umaaasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, ang mga Kristiyano ay pinaalalahanan tungkol sa dapat lapitan. Ang dapat lapitan ng lahat ay walang iba kundi ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Magagawa lamang natin ito kung mayroon tayong kababaang-loob dahil ipinahahayag natin sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob ang ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Ito ang aral na buong linaw na isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo.

Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang taos-puso niyang manalig at umasa sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Ang kaniyang kababaang-loob ay buong linaw niyang ipinahayag sa lahat ng mga taludtod ng kaniyang papuring awit na itinampok at inilahad sa Salmo. Sa pamamagitan nito, buong linaw niyang itinuro sa lahat kung ano ang dapat gawin upang maipahayag ang taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos. 

Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob. Nagmumula sa puso ng mga may kababaang-loob ang taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, nahahayag ang tapat at taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento