Sabado, Agosto 16, 2025

REYNANG NANANALIG AT UMAAASA NANG TAOS-PUSO

22 Agosto 2025 
Paggunita sa Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria 
Isaias 9, 1-6/Salmo 112/Lucas 1, 26-38 


Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay ating pinararangalan bilang Reyna dahil sa pagkahirang at pagkatalaga sa kaniya ng Diyos upang maging Ina ng tunay na Haring walang hanggan - ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bilang Reyna ng walang hanggang Hari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaniyang Anak, inilalapit niya tayo sa kaniyang Anak. Itinuturo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ating lahat kung kanino tayo dapat manalig at umasa nang taos-puso hanggang sa huli - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa na darating ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos bilang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa buong sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, ipagkakaloob ng Diyos sa buong sangkatauhan ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ipinakilala naman sa Ebanghelyo kung sino ang babaeng hinirang at itinalaga ng Kataas-taasang Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Ang babaeng ipinasiyang hirangin at italaga ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay walang iba kundi ang dalagang anak nina San Joaquin at Santa Ana na si Maria na taga-Nazaret. Tinanggap naman ni Maria nang bukal sa kaniyang kalooban ang misyong ito na bigay ng Diyos. 

Isinabuhay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ang taos-pusong pagtanggap ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa pagkahirang at pagkatalaga sa kaniya ng Diyos bilang ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay isang malinaw na pahiwatig nito. Kahit mahirap itong gawin sa bawat oras at sandali, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na idangal ang Ngalan ng Diyos bilang patunay ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya. Kahit na nakaluklok na siya sa langit bilang Reyna ni Kristo, ginagawa pa rin ito ni Maria. 

Kanino tayo dapat manalig at umasa? Itinuturo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Reyna ng Langit, kung kanino tayo dapat manalig at umasa. Sa tunay na Hari at bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno tayo dapat manalig at umasa nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento