Biyernes, Agosto 22, 2025

HANGAD NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

27 Agosto 2025 
Paggunita kay Santa Monica 
1 Tesalonica 2, 9-13/Salmo 138/Mateo 23, 27-32 


Ang Ebanghelyo ay isang bahagi ng mahabang orakulo ng Poong Jesus Nazareno. Sa nasabing orakulo, ang mga Pariseo at mga eskriba na tinitingalaan ng mga tao noong kapanahunang yaon ay tahasan Niyang tinuligsa. Hindi nila mailihim ang tunay nilang pagkatao mula sa Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, buong linaw Niyang tinawag na mga mapagpaimbabaw ang mga Pariseo at mga eskriba. Isa lamang palabas at hindi taos-puso ang pamamanata ng mga Pariseo at mga eskriba. Nababatid ito ng Poong Jesus Nazareno. Kaya naman, hindi Siya natakot na tuligsain ang mga Pariseo at mga eskriba na walang ibang hinangad kundi siluin Siya.  

Tiyak na taliwas ang pagtuligsa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga Pariseo at mga eskriba na itinampok at inilahad sa Mabuting Balita sa pagdiriwang ng Inang Simbahan sa araw na ito sa paningin ng nakararami. Ang araw na ito (27 Agosto) ay inilaan para sa pagdiriwang ng Paggunita kay Santa Monica. Marahil ay pamilyar ang kuwento ni Santa Monica para sa marami. Siya ang ina ni San Agustin. Bilang ina ng dakilang santong si San Agustin, walang sawang nanalangin si Santa Monica para sa minamahal niyang anak bago siya nagbalik-loob sa Diyos. Lagi siyang umasa sa awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos. Kaya naman, maitatanong ng marami sa atin kung paano nating maiuugnay ang pasiya ni Santa Monica na manalig at umasa sa Diyos sa mga malalakas na salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, laban sa mga Pariseo at mga eskriba sa Ebanghelyo. 

Pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pagtuligsa sa mga Pariseo at mga eskriba na itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito na Siya mismo ay ang tunay na Diyos na tinutukoy ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Walang maililihim ang lahat ng tao mula sa Kaniya. Ang laman ng mga puso at loobin ng bawat tao ay Kaniyang nababatid. 

Dahil batid ng Poong Jesus Nazareno ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo at mga eskriba, tahasan Niya silang tinuligsa sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Subalit, ang tunay na dahilan kung bakit Niya silang tinuligsa nang buong tapang at lakas ay walang iba kundi ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Nais Niya silang maligtas mula sa kasalanan. Kahit may balak ang mga Pariseo at mga eskriba na patayin ang Poong Jesus Nazareno, nais pa rin Niya silang maligtas. Ayaw Niyang mapahamak ang mga Pariseo at mga eskriba. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo nang buong linaw sa kaniyang pangaral na tampok sa Unang Pagbasa kung bakit walang tigil siyang sumasaksi sa Mabuting Balita. Ang mga apostol, katulad ni Apostol San Pablo, ay nagsisilbing mga salamin at daluyan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Poong Jesus Nazareno. Buong giting nila itong ipinapalaganap sa lahat dahil ito ang hangad ng Poong Jesus Nazareno. 

Walang ibang hangad ang Poong Jesus Nazareno kundi ang ating kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit tayong lahat ay iniligtas Niya sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Huwag nating sayangin ang dakilang biyayang ito na bigay Niya sa atin nang kusang-loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento