Sabado, Agosto 23, 2025

NAGING MULAT DAHIL SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

28 Agosto 2025 
Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan 
1 Tesalonica 3, 7-13/Salmo 89/Mateo 24, 42-51 

"Ako'y inilawan mula sa 'king kadiliman./ Minulat Mo [ang] aking mga mata./ Biglang luminaw tanglaw ko sa tuwina." Hango mula sa awiting "Gandang Sinauna at Sariwa" na batay sa panalangin ni San Augstin ang mga salitang ito. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ibinahagi ni San Agustin kung paano siya nagbalik-loob sa Diyos. Naging mulat si San Agustin sa kagandahan ng dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa ng Diyos. Bagamat isa siyang makasalanang matigas ang ulo at puso, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipakita pa rin ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa kay San Agustin. Dahil sa naging pasiya ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos na ipamalas kay San Agustin ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang dakila, tuluyang tinalikuran ni San Agustin ang makasalanang pamumuhay. Mula noon, sa Diyos nanalig at umasa nang taos-puso si San Agustin. 

Inilaan ng Inang Simbahan ang ika-28 ng Agosto ng bawat taon para sa liturhikal na pagdiriwang ng Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan. Patunay lamang si San Agustin na mayroong pag-asa para sa ating lahat sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Kaya nga Siya ang bukal ng tunay na pag-asa, hindi ba? Mayroong tunay na pag-asa dahil sa Diyos na nagpasiyang ibahagi ang biyayang ito sa sangkatauhan.

Tinalakay ang tunay na pag-asang dulot ng Diyos sa lahat ng tao sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa kagtiginan at lakas ng loob na idinudulot ng Diyos sa lahat ng mga taong nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli. Inilarawan naman ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang galak na kusang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Kahit kailan, hindi ipagkakait ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at biyaya sa kanila. 

Sa Ebanghelyo, nangaral ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kaniyang ikalawang pagdating. Inilarawan Niya sa pangaral na ito kung sino ang mga tunay na nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Ang mga tunay na nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso ay ang mga magpapasiyang tahakin ang landas ng kabanalan bilang paghahanda para sa Kaniyang muling pagdating. Tuluyan nilang tatalikdan ang landas ng kasalanan upang tahakin ang landas ng kabanalan. Pahihintulutan nila ang Diyos na imulat sila sa tunay na kagandahan ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa. 

Gaya ni San Agustin, buksan natin ang ating mga isipan, puso, at loobin sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Hayaan nating imulat Niya tayo sa kagandahan ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento