5 Hunyo 2026
Biyernes ng Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno
2 Timoteo 3, 10-17/Salmo 118/Marcos 12, 35-37
Larawan: Corrado Giaquinto (1703–1766), La Santisima Trinidad (c. 1754). Museo del Prado. Public Domain.
Ang ating dinarakila nang taos-puso bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan ay mayroong kababaang-loob. Ito ang katotohanang buong kataimtimang tinatalakay at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Nais ng Simbahan na imulat tayong lahat sa kababaang-loob ng Diyos. Bagamat ang kadakilaan ng Diyos ay hindi mahihigitan o mapapantayan man lamang kailanman, ipinasiya pa rin Niyang maging mababang-loob. Kababaang-loob ang ipinasiya Niyang pairalin at ipamalas.
Nakasentro sa kababaang-loob ng Diyos ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang tunay na Diyos ay napabilang sa angkan ni Haring David. Kahit na walang kapantay o katapat ang Diyos, ipinasiya pa rin Niyang maging anak ni Haring David na Kaniyang lingkod sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas.
Inilarawan nang buong linaw sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan kung paano nating maisasabuhay ang ating pasiyang dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Mamuhay nang may kababaang-loob. Ang Diyos ay nalulugod sa mga mababang-loob. Dinarakila Siya nang taos-puso ng mga mababang-loob.
Kung ang Diyos ay mababang-loob, kailangan rin nating maging mababang-loob. Lagi nating hinahandugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. Ang Diyos ay lubos na nasisiyahan sa taos-pusong pagdakila ng mga mababang-loob.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento