Martes, Mayo 19, 2026

HINAHANAP NG ATING DINARAKILA

29 Mayo 2026 
Biyernes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Pedro 4, 7-13/Salmo 95/Marcos 11, 11-26 

Tatlong kaganapan ang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ang unang kaganapang inilahad sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo ay ang pagsumpa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa isang puno ng igos, bagamat hindi pa panahon ng igos noong mga sandaling yaon. Ang ikalawang kaganapang itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo ay ang paglinis ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Templo. Ang pagkatuklas sa patay na puno ng igos ay ang ikatlo at huling kaganapan sa Ebanghelyo. 

Magkaiba man ang mga kaganapang itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, isa lamang ang itinuturo ng mga nasabing kaganapan sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig, dapat nating ialay sa Poong Jesus Nazareno ang nararapat. Taos-pusong pagdakila ang dapat nating ialay sa Kaniya. Lagi nating dakilain Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang taos-pusong pasiyang ito ay dapat nating isabuhay. 

Nakasentro sa paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Panginoong Jesus Nazareno ang pangaral ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila bilang tugon sa Kaniyang pasiyang ibigin tayo. 

Ano ang makikita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung ang ating mga puso at loobin ay Kaniyang titingnan? Makita nawa Niya ang mga pusong naghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan kapag ang ating mga puso at loobin ay Kaniyang tiningnan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento