9 Hunyo 2026
Martes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Puso ni Jesus Nazareno
1 Hari 17, 7-16/Salmo 4/Mateo 5, 13-16
Larawan: Abraham van Dijck (1635/1636–1680), The Prophet Elijah with the Widow of Zarephath and her Son (c. Between 1650 and 1672). Statens Museum for Kunst. Public Domain.
Nakasentro ang mga Pagbasa sa katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos. Walang sinuman sa daigdig ang makapagsasabing mayroon siyang kapangyarihan upang ang anumang kaniyang naisin at loobin ay mapangyarihin. Tanging ang Diyos lamang at wala nang iba pa ang mayroong kapangyarihang upang ang anumang Kaniyang nais, loobin, at hangarin ay mapangyayari. Ito ang aral na nais ipaalala ng Simbahan.
Sa Unang Pagbasa, ang babaeng balo ay hindi naubusan ng harina. Nakapagluto ang babaeng balo mula sa Sarepta ng tinapay para sa kaniyang sarili, sa kaniyang anak, at kay propeta Elias. Isa lamang ang dahilan kung bakit - niloob ito ng Diyos. Kahit na sa unang tingin ay hindi sapat para sa tatlong tao ang harinang dala ng babaeng balo, niloob ng Diyos na magiging sapat para makapagluto ng tinapay para sa tatlong tao ang nasabing harina. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na ang Kaniyang mga tagasunod ay ang asin at ilaw ng sanlibutan. Ito ay dahil niloob Niyang mangyari ito. Sa Salmong Tugunan, ang mang-aawit na tampok ay nagsumamo sa Diyos na loobin Niyang pasikatin sa Kaniyang mga lingkod ang Kaniyang liwanag.
Isa lamang ang nais ipaalala ng Simbahan sa araw na ito. Ang lahat ng mga maganda, mabuti, at banal ay mapangyayari dahil sa kalooban ng Diyos. Patunay lamang ito na tanging Siya lamang ang pinakadakila. Kaya naman, walang sinuman ang dapat mag-ambisyong makipagkumpetensya sa Kaniya. Bagkus, dapat handugan Siya ng taos-pusong pagdakila dahil ito ang nararapat.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento