13 Mayo 2026
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima
Mga Gawa 17, 15. 22-18, 1/Salmo 148/Juan 16, 12-15
Screenshot: Our Lady of Fatima HD (2019/11/26). Uploaded by Catholic Online. YouTube.
Laging pinakiusapan ng Mahal na Birheng Maria ang tatlong batang pastol sa Fatima sa tuwing magpapakita siya sa kanila na dasalin ang Santo Rosaryo. Isa lamang ang pakay ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng nasabing pakiusap. Ang tanan ay akayin patungo sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Nais niyang ilapit ang tanan sa kaniyang Anak na iniibig niya nang lubusan. Hindi ito tungkol sa Mahal na Birheng Maria. Bagkus, ito ay tungkol sa kaniyang Anak na minamahal. Walang ibang makapagdudulot ng ligaya sa Mahal na Birheng Maria kundi ang maihandog sa kaniyang Anak ang nararapat.
Nakatuon sa pangaral ni Apostol San Pablo tungkol sa tunay na Diyos ang tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Buong giting niyang ipinakilala sa mga taga-Atenas ang tunay na Diyos nang sa gayon ay maihandog nila sa Kaniya ang nararapat. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ng mga salitang binigkas ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo. Ang Espiritu Santo ay darating upang maging Patnubay ng mga apostol sa kanilang pagsaksi sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Banal na Santatlo - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo - sa tanan. Buong linaw na mahahayag sa pamamagitan ang kadakilaan ng Diyos na inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan.
Kasama ang Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Fatima, lagi nating ihandog ang nararapat sa Diyos. Lagi nating dakilain at sambahin nang may taos-pusong galak at tuwa ang tunay na Diyos.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento