Biyernes, Mayo 1, 2026

TAGUMPAY NG ATING DINARAKILA

10 Mayo 2026 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21 


Nakasentro sa pagiging mapagkalinga ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan para sa Linggong ito. Buong linaw na inihayag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang dakilang tagumpay ang Kaniyang pagiging mapagkalinga. Katunayan, ito ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang iligtas tayong lahat sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay na nagpahayag ng Kaniyang dakilang tagumpay. Tayong lahat ay hindi Niya iiwanan at pababayaan kailanman. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagiging mapagkalinga sa mga apostol. Ang Espiritu Santo ay ipagkakaloob sa kanila bilang kanilang Patnubay. Bukod pa roon, ipinangako Niyang babalik Siya sa kanila na lubos Niyang iniibig matapos mahayag sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ang Kaniyang dakilang tagumpay (Juan 14, 16-18). Hindi Siya nagpapabaya. Lagi Niyang aarugain at ipagsasanggalang ang Kaniyang kawan. Dahil dito, ang dakilang tagumpay ay nakamtan Niya sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang pagkalinga ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ibinahagi at ipinalaganap ng mga apostol sa salaysay sa Unang Pagbasa. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral ang unang Santo Papa ng Inang Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro tungkol sa dakilang tagumpay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno na nahayag sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang natatanging dahilan kung bakit tayong lahat na bumubuo sa Simbahang Kaniyang tatag ay buong galak nating dakilain Siya, gaya ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. 

Hindi tayo pababayaan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Lagi Niya tayong kakalingain at aarugain. Pinahahalagahan Niya tayo. Ito ang tanging dahilan kung bakit Niya nakamit ang dakilang tagumpay sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento