Sabado, Mayo 9, 2026

PATUNAY NG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

22 Mayo 2026 
Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 25, 13b-21/Salmo 102/Juan 21, 15-19 


Ang kahanga-hangang kadakilaan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, iniligtas ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, nagtagumpay Siya laban sa kasalanan at kamatayan. Pinatunayan ng Kaniyang tagumpay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ibinalita ng gobernador ng Judea na si Festo kay Haring Agripa na nakabilanggo si Apostol San Pablo dahil sa kaniyang pagsaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang pinatotohanan ni Apostol San Pablo nang buong galak at giting sa mga tao na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay tatlong beses na nagbigay ng atas at utos sa unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro na pakainin at ingatan ang Kaniyang kawan sa lupa na walang iba kundi ang Simbahang Kaniyang tatag matapos Niyang bigyan ng tatlong pagkakataon ang apostol na ito na ipahayag ang kaniyang tapat na pag-ibig bilang pagbawi sa tatlong ulit na pagkakailang ng nasabing apostol sa Ebanghelyo. 

Nakasentro sa kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ito ang nakita ng mga apostol noong nagpakita sa kanila nang paulit-ulit ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno bago Siya umakyat sa langit. Ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos na bumaba sa lupa upang tuparin ang mga pangakong binigkas Niya sa Lumang Tipan. 

Hindi nagdalawang-isip na ipamalas ng Diyos ang Kaniyang kadakilaang tunay ngang kahanga-hanga sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil alam Niyang maliligtas ang sangkatauhan kapag ipinasiya Niyang gawin ito. Bilang tugon, lagi natin Siyang purihin, dakilain, at sambahin nang taos-puso.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento