Biyernes, Mayo 8, 2026

KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

17 Mayo 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon (A) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20 


Isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Matapos Niya tuparin ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kusang-loob na ipinagkaloob ng Amang nasa langit para sa ikatutubos ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, si Kristo Hesus, ang Nazareno, ay umakyat sa langit na taglay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos. Sa pamamagitan, pinatunayan Niyang totoo ang langit. 

Ang salaysay ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Jesus Nazareno ay itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Nakasentro naman sa naganap sa sandaling naka-akyat sa langit ang Panginoong Jesus Nazareno na taglay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos na nabubuhay at naghahari magpakailanman ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa sandaling nakabalik Siya sa langit, iniluklok Siya bilang tunay na Hari sa kanan ng Ama (Efeso 1, 21). Inilahad ang dakilang pangakong binitiwan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol bago Siya umakyat sa langit sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Ang tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtayo at nagtatag ay lagi Niyang sasamahan hanggang sa wakas ng panahon (Mateo 28, 20). Kahit na nakaluklok na Siya sa kanan ng Ama, hindi Niya pababayaan ang Kaniyang Simbahan. Ito ang ating dinarakila. 

Buong galak tayong inaanyayahan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na dakilain ang Diyos nang may galak at tuwa. Ito ang nararapat na tugon sa habag, awa, pag-ibig, at kagandahang-loob na kusang-loob na ipinakita ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na umakyat sa langit. Sa halip na pabayaan tayo, ipinasiya Niya tayong iligtas, ingatan, at samahan. Kaya nga ipinagkaloob Niya sa atin ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang ating Mesiyas at Manunubos, hindi ba? 

Hindi tayo iiwanan at pababayaan ng ating dinarakila nang taos-puso na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Lagi Niya tayong sasamahan at ipagsasanggalang. Iyan ang kahanga-hangang kadakilaan ng tunay na Diyos. Walang maliw ang dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Mananatili Siya sa trono bilang tunay na Hari magpakailanman. Dakilain natin Siya nang may galak. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento