15 Mayo 2026
Paggunita kay San Isidro, magsasaka
Mga Gawa 18, 9-18/Salmo 46/Juan 16, 20-23a
Larawan: Jusepe Leonardo (1601–), S. Isidro Labrador (c. Between circa 1625 and 1630). Museo Camon Aznar. Public Domain.
Nagmumula sa Diyos ang tunay na galak. Ang katotohanang ito ay pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito. Hindi ipinagkakait ng Diyos ang biyayang ito sa atin. Kusang-loob Niya itong idinudulot sa atin. Patunay lamang ito ng kahanga-hangang kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Bilang tugon, nararapat lamang na dakilain, purihin, at sambahin Siya nang taos-puso.
Sa Ebanghelyo, ipinahayag ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na magiging galak at tuwa ang lungkot, pighati, dalamhati, at hapis ng mga apostol. Ang pangakong ito ay Kaniyang binigkas sa kanila noong gabi bago Niya ialay sa Banal na Krus sa bundok na tinatawag na Kalbaryo ang Kaniyang buong sarili para sa lahat ng tao sa daigdig. Tinupad Niya ang pangakong ito na binigkas Niya sa kanila noong ang dakilang araw ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay ay sumapit.
Idinulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang biyaya ng tunay na galak at tuwa kay Apostol San Pablo noong nagpakita Siya sa nasabing apostol taglay ang Kaniyang kadakilaan bilang tunay na Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa isang pangitain sa unang bahagi ng salaysay na tampok sa Unang Pagbasa. Dahil dito, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala at pinatotohanan niya nang walang takot. Ang puso at loobin ni Apostol San Pablo ay puspos ng tunay na giting, galak, at tuwa. Sa pamamagitan ng pagdulot ng tunay na galak at tuwa, ang puso at loobin ni Apostol San Pablo ay pinalakas at pinatatag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na ipinakilala sa Salmong Tugunan bilang tunay na Diyos at Hari.
Dahil sa tunay na galak na kaloob ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay mayroong lakas at tibay ng puso at loobin. Ang ating mga puso at loobin ay lagi Niyang pinapanatag, pinalalakas, at pinagtitibay. Isa itong patunay ng palagiang pag-aaruga ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento