8 Mayo 2026
Biyernes ng Ikalimang Linggo sa Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 15, 22-31/Salmo 56/Juan 15, 12-17
Larawan: Federico Zuccaro, La Resurrección de Cristo (c. 16th century). Museo del Prado. Public Domain.
Ang pag-aalay ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ay isang pasiyang kailangan nating isabuhay araw-araw. Ito ang paksang pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, ipinapakilala natin sa tanan ang Diyos. Ipinagmamalaki natin Siya sa tanan. Hinihikayat rin natin ang iba na dakilain Siya nang taos-puso dahil ito ang nararapat gawin. Dapat natin itong gawin bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Inihayag nang buong linaw ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Sa gitna ng mga bansa sabihing 'D'yos ay Dakila!'" (Salmo 56, 10a). Buong galak at giting itong ginawa nina Apostol San Pablo at San Bernabe at ng kanilang mga sinugo na sina Judas na tinatawag na Barsabas at Silas sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, ang mga apostol ay tinuruan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kung paano nga ba sila makakapag-alay ng taos-pusong pagdakila sa Diyos araw-araw sa Ebanghelyo. Dapat mag-ibigan ang bawat isa sa kanila, gaya ng ginawa Niya para sa kanila. Hindi lamang ito para sa mga apostol. Ang utos na ito ay para rin sa ating lahat. Magmahal katulad Niya. Sa pamamagitan nito, ipinapalaganap natin ang Kaniyang pag-ibig na tunay ngang dakila. Makikilala Siya ng lahat bilang Diyos na tunay ngang maawain at mapagmahal kapag ipinasiya natin itong gawin araw-araw.
Dapat nating ibahagi at ipalaganap sa tanan ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay ating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat na gawin.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento