Linggo, Abril 26, 2026

WALA TAYONG DAPAT IKAPANGAMBA DAHIL SA DAAN, KATOTOHANAN, AT BUHAY NA ATING DINARAKILA

3 Mayo 2026 
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 6, 1-7/Salmo 32/1 Pedro 2, 4-9/Juan 14, 1-12 


Ang kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo ay naganap bago dakpin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, dahil nalalapit na nang paunti-unti ang wakas ng panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, minabuti ng Simbahan na pagnilayan ang mga pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol bago Niya tuparin ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Katunayan, ang kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo ay ang simula ng bahaging tinatawag na pamamaalam ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Habang patuloy nating ipinagdiriwang nang buong galak at tuwa ang maluwalhating tagumpay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na kinamit Niya sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw, marapat lamang na pagnilayan natin ang Kaniyang mga huling pangaral sa mga apostol bago Siya dakpin dahil sa mga nasabing pangaral ay Kaniyang ibinunyag ang katotohanan tungkol sa misyon at tungkuling Kaniyang ginampanan bilang Mesiyas at Manunubos. 

Nagsimula ang pangaral ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga alagad sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapanatag ng kanilang mga puso at loobin. Sa mga sandaling yaon, alam ng mga alagad na hindi na nila makakapiling ang dakilang Guro at Panginoong nakasama nila sa loob ng tatlong taon dahil tutuparin Niya ang dakila Niyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang mga alagad ay Kaniyang sinabihan sa simula ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo: "Huwag kayong mabalisa" (Juan 14, 1). Matapos sabihan ang mga alagad na huwag mabalisa, ipinakilala ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili sa mga alagad na nakikinig sa Kaniya nang may taos-pusong kataimtiman bilang Daan, Katotohanan, at Buhay (Juan 14, 6). Dahil sa katotohanang ito na ipinangaral ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, walang dapat ikatakot, ikapangamba, o ikabalisa ang Simbahan. 

Buong giting na sumaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Simbahan sa Unang Pagbasa. Mula noong sinimulan ng mga apostol ang tapat at taos-pusong pagtupad sa misyon at tungkuling bigay sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, hindi tumigil ang Simbahan sa pagsaksi sa Kaniya nang buong giting. Kung ano ang ginagawa ng mga apostol at ng mga sinaunang Kristiyano nang buong tuwa, galak, at giting sa Unang Pagbasa, ipinagpapatuloy ito ng Simbahan sa kasalukuyan. Hindi titigil ang Simbahan sa pagsaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kailanman. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, na ipinakilala nang buong linaw ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro bilang hinirang ng Diyos sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ay dapat ipagmalaki nang buong tuwa, galak, at giting. Dagdag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na pag-asa na puno ng pag-ibig na dakila para sa atin (Salmo 32, 22). Lagi Niya tayong kinakalinga (Salmo 32, 18).

Lagi nating dakilain nang taos-puso ang Daan, Katotohanan, at Buhay na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Huwag natin Siyang ikahiya o ilihim. Bagkus, dapat natin Siyang ipagmalaki at ipakilala sa lahat. Dahil sa Kaniya, wala tayong dapat ikapangamba, ikatakot, at ikabalisa kailanman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento