19 Abril 2026
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/1 Pedro 1, 17-21/Lucas 24, 13-35
Larawan: Gebhard Fugel (1863–1939), Jesus and the walk to Emmaus (c. Turn of the 19th/20th century). Public Domain.
Sa Unang Pagbasa, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay buong linaw na ipinakilala ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa mga tao na nagkatipon sa labas ng silid na kanilang pinagtitipunan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Tinupad Niya ang lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinakilala rin Siya ng dakilang apostol na ito na Kaniyang hinirang at itinalaga bilang unang Santo Papa ng tunay na Simbahang Kaniyang itinatag bilang Kordero ng Diyos. Ang lahat ng tao ay Kaniyang iniligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay.
Pinatunayan ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na totoo ang mga salitang ginamit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan upang ipakilala ang Diyos. Lagi tayong iniingatan, pinapatnubayan, ipinagsasanggalang, at kinakalinga ng Diyos. Isa lamang patunay na tunay nga Niya tayong kinahahabagan, kinaawaan, at iniibig.
Bilang tugon sa pag-ibig, kagahandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na Kaniyang inihayag sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, dapat nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. Ito ang nararapat na tugon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento