Huwebes, Abril 9, 2026

WALANG IKINATATAKOT ANG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

11 Abril 2026 
Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15


Nakatuon sa pagsaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno nang may giting at galak ang mga Pagbasa. Ito ang misyon ng Simbahan. Ang misyong ito ay buong katapatang tinutupad ng Simbahan mula noon hanggang ngayon. Walang lumipas na oras, sandali, araw, sanlinggo, buwan, taon, at panahon kung kailan ang Simbahan ay tumigil o huminto sa pagtupad sa misyong ito. Hinahandugan ng Simbahan ng taos-pusong pagdakila ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng misyong ito na buong katapatan nilang tinutupad. 

Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo, ibinigay ng Muling Nabuhay na Mesiyas sa mga apostol ang misyong patuloy na isinakatuparan ng Simbahan sa kasalukuyan. Ito ang misyong tinukoy nina Apostol San Pedro at San Juan sa Unang Pagbasa. Wala silang ikinatatakot, kahit ang Sanedrin. Ang misyong bigay ng Muling Nabuhay na Mesiyas na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay patuloy nilang tutupdin nang may galak at giting. Gaya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, pinupuri at dinarakila nila taglay sa kanilang mga puso ang tunay na galak at giting ang Muling Nabuhay na Mesiyas na si Jesus Nazareno. 

Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, wala tayong dapat ikatakot. Dapat natin Siyang ipakilala at ipagmalaki sa lahat taglay sa ating mga puso at loobin ang tunay na galak at giting na dulot Niya. Sumaksi tayo sa Kaniya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang magpapatunay na dinarakila nga natin Siya nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento