Sabado, Abril 11, 2026

HINDI NATATAKOT ANG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

17 Abril 2026
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay 
Mga Gawa 5, 34-42/Salmo 26/Juan 6, 1-15 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa paghandog ng taos-pusong pagdakila sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ang dapat nating gawin bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahang puspos ng galak at tuwa na dulot Niya sa atin sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay. Matapos Niyang ihandog sa Krus na Banal ang buo Niyang sarili, ang Poong Jesus Nazareno ay muling nabuhay nang sumapit ang ikatlong araw. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nagpakain ng limanlibong katao. Ang limang tinapay at dalawang isda na dala ng isang batang lalaki ay Kaniyang pinarami upang makakain ang limanlibong tao sa ilang. Sa Unang Pagbasa, napuspos ng galak at tuwa ang mga apostol dahil sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno na minsang nagpakain ng limanlibong katao sa ilang. Dinakila nila Siya na nagkaloob ng galak at tuwa sa kanila sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi sa Kaniya. Wala silang takot dahil sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Handa silang ihandog ang kanilang mga buhay bilang mga martir para sa Kaniya. Ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay kanilang isinabuhay. 

Dahil sa maluwalhating tagumpay ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Kaniyang Simbahan ay puspos ng galak at tuwa. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat matakot maging Kaniyang mga saksi. Taglay sa mga puso natin ang galak at tuwa na Kaniyang dulot, sumaksi tayo sa Kaniya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento