Biyernes, Abril 24, 2026

LAGING DAKILAIN ANG MABUTING PASTOL

26 Abril 2026 
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Linggo ng Mabuting Pastol 
Mga Gawa 2, 14a. 36-41/Salmo 23/1 Pedro 2, 20b-25/Juan 10, 1-10 


"Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya" (Juan 10, 10). Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpakilala sa tanan bilang Mabuting Pastol sa pamamagitan ng mga salitang ito na Kaniyang binigkas sa wakas ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Ito ang Kaniyang pasiya. Hindi pilit ang pasiyang ito ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. 

Sa kabila ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos at Hari na mananatili magpakailanman, ipinasiya pa rin ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na maging Mabuting Pastol. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang maging Mabuting Pastol ng Kaniyang Simbahan, nahayag ang Kaniyang pagiging mapagkalinga. Sa bawat sandali, lagi Niyang iingatan at kakalingain ang Kaniyang kawan. 

Hindi Siya napilitang maging Mabuting Pastol. Bukal sa Kaniyang Puso ang Kaniyang pasiyang maging Mabuting Pastol. Nais tiyakin ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno na makaranas ng tunay na pagkalinga ang Kaniyang Simbahan. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa Kaniyang kawan na walang iba kundi ang Kaniyang Simbahan, ipinasiya Niyang maging Mabuting Pastol. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng Simbahan, sa kaniyang pangaral sa Unang Pagbasa kung ano ang dapat gawin. Dapat pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Diyos. Katunayan, dahil hindi pa bininyagan ang mga taong nakikinig sa kaniya noong araw na yaon, hinimok pa nga niya silang magpabinyag sa Ngalan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa, isinalungguhit ng mismong apostol at misyonerong ito na hinirang at itinalaga ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno bilang unang Santo Papa ng tunay at nag-iisang Simbahang tanging Siya mismo ang nagtatag ang pagiging Mabuting Pastol ng Muling Nabuhay na Mesiyas na naghirang sa kaniya. Gaya ng ipinahayag nang buong linaw ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, Siya lamang ang Mabuting Pastol. Hindi magkukulang o magdarahop ang Kaniyang kawan kailanman dahil lagi Niya silang kakalingain. 

Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ang Mabuting Pastol. Hindi Siya napilitang gawin ito. Siya mismo ang nagpasiyang gawin ito nang kusang-loob dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Bilang tugon, lagi natin Siyang dakilain sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento