Sabado, Nobyembre 21, 2026

BAKIT KAILANGANG TUWIRIN ANG KANIYANG DARAANAN?

10 Disyembre 2026
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22 


Nakasentro sa dahilan kung bakit kailangang tuwirin ang daraanan ng Panginoon ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila. Ang biyaya ng Panginoon ay bubuhos sa Kaniyang pagdating. Dahil dito, lagi nating dapat tuwirin ang Kaniyang daraanan. Lagi nating dapat piliin ang Diyos. Buksan natin ang ating mga puso, isipan, at kaluluwa sa Kaniya. Pahintulutan natin Siya na gawin ang Kaniyang kalooban. Magpasakop tayo sa Kaniya.

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang panalangin ni Haring Solomon noong ang Templo ay itinalaga. Buong linaw niyang isinalungguhit ang katotohanang ipinasiya ng Diyos na manahan sa piling ng mga tao. Nais ng Diyos na makapiling tayo. Ito ang mensahe at aral na nais ipaalala ng Inang Simbahan sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng mga gusaling itinayo at itinalaga bilang mga bahay-dalanginan katulad ng makasaysayang Katedral ng Maynila. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, grasya, habag, at awa, ipinasiya Niyang manahan sa piling natin. Ang mga gusaling itinalaga bilang mga bahay-dalanginan ay sumasagisag sa pasiyang ito ng Diyos. 

Ipinasiya ng  Diyos na manahan sa piling natin dahil nais Niyang ibuhos ang Kaniyang mga biyaya sa atin. Subalit, nakakalungkot, may mga pagkakataon kung kailan ang presensya ng Diyos ay hindi pinahalagahan. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagalit nang lubos sa Ebanghelyo dahil nakita Niya kung paanong ang presensya ng Diyos ay hindi pinahalagahan ng mga tao. Hindi nila inihandog sa Diyos ang nararapat sapagkat iba ang kanilang prioridad. 

Hindi nakita ng Poong Jesus Nazareno sa mga tao sa Templo ang pag-ibig ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan para sa Templo. Buong linaw na isinalungguhit sa papuring awitin sa Salmong Tugunan na pinababanal ng presensya ng Diyos ang lahat. Ang Templo ay banal dahil sa presensya ng Diyos. Subalit, noong dumating ang Poong Jesus Nazareno sa Templo sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo, wala Siyang nakitang pag-ibig at pagpapahalaga para sa presensya ng Diyos mula sa mga tao na tumungo roon para sa Pista ng Paskuwa. Nakita Niya kung paano nila ipinagpalit ang Diyos. Kaya gayon na lamang ang Kaniyang galit sa Ebanghelyo. 

Kinakailangan nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundo sa pagtutuwid ng daraanan ng Panginoon. Nais Niya tayong italaga bilang mga daluyan ng Kaniyang mga biyaya. Sa pamamagitan ng pagtutuwid ng Kaniyang daraanan, pinatutunayan nating pinahahalagahan natin ang Kaniyang presensya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento