Sabado, Nobyembre 7, 2026

ILAAN SA PAGHAHANDOG NG TAOS-PUSONG PAGDAKILA SA DIYOS ANG BAWAT SANDALI NG ATING PAGLALAKBAY SA MUNDO

27 Nobyembre 2026 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Medalya Milagrosa 
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Pahayag 20, 1-4. 11-21, 2/Salmo 83/Lucas 21, 29-33 


Habang papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang katotohanan tungkol sa buhay sa mundo. Ang buhay sa mundo ay pansamantala lamang. Darating din ang panahon kung kailan ang mga gusali sa iba't ibang bahagi ng mundo ay tuluyan na ngang guguho. Mawawala ang lahat sa mundo. Walang makapagsasabing mananatili siya sa mundo magpakailanman. 

Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa kung ano ang kinakailangan nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala. Ang pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay nakasentro sa mga magaganap sa wakas ng panahon. Sa Unang Pagbasa, ang maluwalhating tagumpay ng Diyos na Kataas-taasan laban sa demonyo ay nakita ni Apostol San Juan sa isang pangitain. 

Ano ang aral mula sa mga Pagbasa? Habang patuloy na naglalakbay sa mundo nang pansamantala, ang landas ng kabanalan ay dapat tahakin. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at loobin ng Diyos. Ito ang nararapat na gawin. Lagi natin Siya dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan nito. 

Dahil pansamantala lamang ang ating paglalakbay sa mundo, ilaan natin ang bawat sandali nito sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Gaano man kahirap gawin ito dahil sa mga hirap, pagsubok, tukso, sakit, at pag-uusig sa mundo, dapat pa rin nating piliin ang Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ng Medalya Milagrosa ay lagi rin nating kasama upang tulungan at gabayan tayo sa paggamit ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos bilang mga lingkod na Kaniyang hinirang. Hinirang at itinalaga tayo ng Panginoong Diyos upang maging mga daluyan at patunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan.

Biyernes, Nobyembre 6, 2026

DAKILAIN NAWA SIYA NG LAHAT NG TAO

25 Nobyembre 2026 
Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Pulang Miyerkules (Red Wednesday)
Pahayag 15, 1-4/Salmo 97/Lucas 21, 12-19 

Hindi kaila sa Simbahan ang pag-uusig. Mula noon hanggang ngayon, ang Simbahan ay nakakaranas ng pag-uusig. Dahil sa kaniyang katapatan sa Poong Jesus Nazareno, inuusig ang Simbahan. Kahit sa kasalukuyang panahon, inuusig pa rin ang Simbahan. Subalit, dahil pinili ng Simbahan na mahalin, paglingkuran, dakilain, sampalatayanan, panaligan, at sambahin ang tunay na Hari na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, handa siyang harapin, tiisin, at batain ang mga pag-uusig na ito. 

Inilaan ng Simbahan sa Republika ng Pilipinas para sa pag-aalay ng mga taimtim na panalangin para sa mga Kristiyanong inuusig sa kasalukuyang panahon ang araw ng Miyerkules kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan. Kailangan ng ating mga kapatid ng mga panalangin upang lumakas at tumibay ang kanilang mga puso at loobin. Mahirap isabuhay ang pananampalataya, lalo na sa mga lugar kung saan hindi laganap ang Kristiyanismo. Dahil dito, kailangan ng ating mga kapatid sa mga nasabing pook ang ating mga panalangin. 

Bukod sa pag-aalay ng mga taimtim na panalangin para sa mga Kristiyianong inuusig sa iba't ibang bahagi ng daigdig sa kasalukuyang panahon, nananalangin rin tayo sa Diyos na nawa'y huminto na ang karahasan at pagmamalupit sa mga kapatid nating minamahal sa mga nasabing bahagi ng daigdig. Makilala nawa ang Diyos ng lahat ng tao. Harinawa, mamulat ang lahat sa kagandahan ng kahanga-hangang kadakilaan ng tunay na Hari na walang iba kundi ang Panginoon nang sa gayon ay makapag-alay rin sila ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya.

Nakasentro sa paghahandog ng nararapat sa Diyos ang mga Pagbasa. Ang Diyos ay hinandugan ng taos-pusong pagdakila sa Unang Pagbasa. Pinatotohanan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan na sinasagisag ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa. Sa Ebanghelyo, nangaral ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya, kahit napakahirap itong gawin dala ng mga matitinding pagsubok at pag-uusig. Hindi man madaling gawin ito, ito ang nararapat gawin bilang tugon sa Kaniya na walang tigil na nagpamalas ng Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa. 

Dakilain nawa ng lahat ng tao sa daigdig ang Diyos. Mamulat nawa ang lahat ng tao sa katotohanang Siya lamang ang dakila. Buksan nawa ng lahat ng tao ang kanilang mga puso, isipan, at kaluluwa sa Kaniyang walang maliw na pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. 

Huwebes, Nobyembre 5, 2026

SA TUNAY NA HARI DAPAT IHANDOG ANG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

22 Nobyembre 2026 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A) 
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46 


Noong ika-11 araw ng Disyembre ng taong 1925, ang insikal ng Santo Papa noon na walang iba kundi si Papa Pio XI na pinamagatang "Quas Primas" (TAG: "Sa Simula") ay inilabas. Sa pamamagitan ng nasabing insiklikal, pormal na itinatag ni Papa Pio XI ang Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan. Mula sa simula hanggang sa wakas ng nasabing insiklikal, isinalungguhit ni Papa Pio XI nang buong linaw na hindi isang teorya o konsepto lamang ang pagkahari ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Bagkus, isa itong katotohanang dapat nating tandaan. 

Inilaan ng Simbahan ang huling Linggo ng Liturhikal na Kalendaryo para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo, ang Señor Nazareno, sa Sanlibutan. Sa pamamagitan ng Dakilang Kapistahang ito, tayong lahat ay pinaalalahanan ng Simbahan na ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tunay na Hari. Wala Siyang dapat maging kaagaw o karibal sa ating mga puso. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag Niya, Siya lamang ang dapat maging hari ng ating mga puso at kaluluwa. Kailangan nating magpasakop sa Kaniya. 

Ang mga katangian ng tunay na Hari na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay buong linaw na inilarawan sa mga Pagbasa. Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa na unawain kung anong uri ng Hari si Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na Siya mismo ang magpapastol at mag-aaruga sa Kaniyang kawan. Puno Siya ng pag-ibig, habag, at awa para sa Kaniyang kawan. Nakatuon sa Kaniyang pasiyang maging pastol at tagapag-alaga ng Kaniyang kawan na nagpapatunay ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa ang mga salita sa papuring awiting itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na niloob ng Diyos na maghari sa lahat si Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Hindi rin ikinubli ni Jesus Nazareno ang katotohanan tungkol sa Kaniyang pagiging hari sa mga apostol, gaya ng Kaniyang ginawa sa Ebanghelyo. Kung tutuusin, sa pangaral na tampok sa Ebanghelyo, inilarawan ni Jesus Nazareno kung ano ang dapat gawin ng lahat ng tao upang makasama Siya sa Kaniyang kaharian sa langit magpakailanman. Habang ang daigdig ay pansamantala nating nilalakbay, dapat nating ipakilala si Jesus Nazareno bilang ating Panginoon at Hari sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Dapat nating isabuhay ang ating pasiyang dakilain Siya, ang tunay na Hari, nang taos-puso.

Hindi isang teorya o konsepto lamang ang pagkahari ng Poong Jesus Nazareno. Isa itong katotohanang kinakailangan nating tandaan bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Kaya naman, dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo na pansamantala lamang. 

Walang ibang dapat maghari sa ating mga puso at kaluluwa kundi si Kristong Hari. Sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang, kailangan nating tiyaking dinarakila natin Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang itong gawin dahil si Kristong Hari ay ang tunay na Hari. Ito ang katotohanan. 

VIVA CRISTO REY! 
MABUHAY ANG KRISTONG HARI!

Sabado, Oktubre 31, 2026

NARARAPAT LAMANG DAKILAIN SIYA

20 Nobyembre 2026 
Biyernes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Pahayag 10, 8-11/Salmo 118/Lucas 19, 45-48 

Ang ating mga pansin ay itinutuon ng Simbahan sa halaga ng paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundong ito. Lagi nating dapat tandaang pansamantala lamang ang ating pananatili at paglalakbay sa mundo. Oo, mayroong mga taong biniyayaan ng Diyos ng mahabang buhay, subalit hindi ito nangangahulugang mananatili sila sa mundong ito magpakailanman. Walang taong ipinanganak sa mundong ito na mananatili sa nasabing planeta magpakailanman. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan si Apostol San Juan na magpahayag sa mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, bayan, at bansa. Kahit na si Apostol San Juan ay natapon sa Patmos dahil hindi siya mapatay ng mga tauhan ng Emperador, inutusan pa rin ang nasabing apostol na magpahayag tungkol sa kaniyang mga nakita sa mga tao, pati na rin sa mga hari at iba pang mga pinuno, tungkol sa kaniyang mga nakita't narinig. Ang halaga ng pakikinig at pagtupad sa utos ng Diyos ay buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ni San Lucas tungkol sa paglilinis ng Poong Jesus Nazareno sa Templo. Ang presensya ng Diyos ay dapat pahalagahan. Subalit, hindi inihandog sa Diyos ang nararapat noong araw na yaon. Kaya naman, labis na nagalit ang Poong Jesus Nazareno. 

Ibigay natin sa Panginoong Diyos ang nararapat. Lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Biyernes, Oktubre 30, 2026

BUHAY NA DUMARAKILA SA DIYOS

15 Nobyembre 2026 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31/Salmo 127/1 Tesalonica 5, 1-6/Mateo 25, 14-30 (o kaya: 25, 14-15. 19-21)


Ang Diyos ay dapat laging dakilain nang taos-puso sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Ito ang aral na nais isalungguhit ng mga Pagbasa. Walang taong mananatili sa mundong ito magpakailanman. Darating din ang panahong ang mundong ito ay ating lilisanin. Sa kabilang buhay matatagpuan ang magpakailanman. Maaaring mamuhay sa piling ng Diyos o maparusahan sa impyerno ang bawat isa sa atin. Nasa ating mga kamay ang pasiya kung mamumuhay tayo sa piling ng Diyos magpakailanman o kaya naman itataboy tayo sa impyerno kung saan walang hanggan din ang kaparusahan.

Inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D'yos" (Salmo 127, 1a). Bilang mga bumubuo sa Simbahang si Kristo Hesus na ating Panginoon, Manunubos, at Hari ang nagtatag, lagi nating dapat gawin ito sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Lagi nating hinahandugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. Ang ating mga salita at gawa araw-araw ang magiging patunay nito. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan nang buong linaw kung ano ang dapat laging gawin ng bayang hinirang at itinalaga ng Diyos bilang Kaniya. Ang larawan ng isang magiting at masipag na babae ay ginamit sa mga nasabing talata upang ilarawan kung bakit ang Diyos ay dapat laging handugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng salita at gawa. Nakasentro sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom ang pangaral ni Apostol San Pablo na inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Pati ang talinghaga tungkol sa mga aliping pinagkatiwalaan ng salapi sa Mabuting Balita rin sa nasabing tema. Bilang mga bahagi ng tunay na Simbahang tatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat nating tiyaking dinarakila natin ang Diyos nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa na pansamantala lamang. Marapat lamang gawin ito bilang paghahanda para sa Kaniyang pagdating sa ating buhay at maging sa wakas ng panahon. 

Habang namumuhay at naglalakbay tayo sa lupa nang pansamantala, dapat nating dakilain ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Gaano man kahirap gawin ito dahil sa mga hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pagsubok sa buhay sa lupa, ito ay kailangan pa rin nating gawin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang ang Poong Jesus Nazareno mismo ang nagtatag. Kapag ito ang ipinasiya nating gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit ay ating matatamasa. Sasalubungin at tatanggapin tayo ng Poong Jesus Nazareno. 

Huwebes, Oktubre 29, 2026

GAWAIN NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

13 Nobyembre 2026 
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Juan 4-9/Salmo 118/Lucas 17, 26-37 

"Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos" (Salmo 118, 1b). Ang taimtim na pagninilay ng Simbahan para sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan. Ipinapaalala sa atin muli ng Simbahan na walang mananatili sa daigdig magpakailanman. Pansamantala lamang ang buhay sa daigdig. Lilisanin natin ang daigdig na ito pagdating ng takdang panahon. Kaya naman, habang namumuhay tayo sa daigdig na ito nang pansamantala, kailangan nating paghandaan ang kabilang buhay sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos nang taos-puso gamit ang ating mga labi at mga kamay (mga salita at gawa). 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Juan na kinakailangan nating manatili sa turo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga mananatili sa mga turo ng Poong Jesus Nazareno ay dumarakila sa Diyos nang taos-puso dahil pinahihintulutan nilang manatili sa kanilang mga puso at loobin ang Diyos. Ito ang dapat lagi nating tandaan habang ang pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno ay ating pinaghahandaan nang buong kataimtiman. Gaya ng Kaniyang inihayag sa Ebanghelyo, darating Siya muli sa panahong hindi inaaasahan ng lahat. 

Ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig ay dapat ilaan sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Nararapat lamang ito gawin bilang tugon sa Kaniya na laging nagpapakita ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa na tunay ngang dakila sa pamamagitan ng mga kahanga-hanga Niyang gawa. Dapat Siyang maging hari ng buhay natin. Ibigay natin ang nararapat sa Kaniya. 

Sabado, Oktubre 24, 2026

SIMBAHANG DUMARAKILA SA KANIYA

9 Nobyembre 2026 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 

Larawan: anonymous, Follower of Hieronymus Bosch (circa 1450–1516), Christ driving the money-changers from the Temple (c. Between 1550 and 1575). Kumu. Public Domain.

Nakasentro sa mga salita sa wakas ng pangaral ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito. Buong linaw niyang inihayag sa nasabing bahagi ang Templo ng Diyos na tunay ngang banal ay binubuo ng bawat Kristiyano (1 Corinto 3, 17). Ipinasiya Niyang manahan sa Templo. Dahil sa presensya ng Panginoon, banal ang Templo. Ang bawat gusaling itinayo at itinalaga bilang mga bahay-dalanginan ay mga paalala nito. 

Banal ang Templo dahil sa presensya ng Diyos. Tayong lahat ang bumubuo sa Templo ng Diyos. Kaya naman, lagi tayong pinaalalahanan ng Simbahan tungkol sa halaga ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Hindi tayo ang may-ari ng mga katawan at buhay natin. Ipinahiram lamang sa atin ng Diyos ang mga biyayang ito. 

Kaya naman, ang salaysay ng paglilinis ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Templo ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng paglilinis sa Templo, ang pagiging sagrado ng Templo ay isinalungguhit ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang Templo ay banal dahil sa presensya ng Diyos. Lagi nating dapat alalahanin ang aral na ito bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kaniyang itinatag.

Sa pangitaing itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, inilarawan ang Templo bilang isang daluyan. Ang pagiging sagrado ng Templo ay isinalungguhit sa pamamagitan ng nasabing pangitain. Ito ang aral na nais ipaalala ng mga gusaling itinayo at itinalaga bilang Simbahan. Kung ang mga gusaling itinayo at itinalaga bilang bahay-dalanginan o Simbahan ay ating ginagalang dahil sa presensya ng Diyos, dapat rin nating igalang at pahalagahan ang kapwa dahil tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan.

Hindi tayo ang may-ari ng ating mga katawan. Bagkus, ang tunay na may-ari ng ating mga katawan at buhay ay walang iba kundi ang Diyos. Kaya naman, kailangan nating buksan ang ating mga puso at loobin sa Kaniya. Bigyan natin ng pahintulot ang Diyos na gawin Niya ang bawat isa sa atin mga daluyan ng Kaniyang walang hanggan at dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Ito ang lagi nating dapat gawin bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahang dumarakila sa Kaniya. 

Biyernes, Oktubre 23, 2026

WALANG DAPAT PUMALIT SA PINAKADAKILA

8 Nobyembre 2026
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 6, 12-16/Salmo 62/1 Tesalonica 4, 13-18 (o kaya: 4, 13-14)/Mateo 25, 1-13 

Ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga - limang matatalino at limang hangal - ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, itinuro ng Poong Jesus Nazareno na ang Diyos ay ang pinakamahalaga sa lahat. Dahil diyan, lagi nating dapat unahin ang Diyos. Gaya ng limang matalinong dalaga na naghanda para sa pagdating ng lalaking ikakasal sa pamamagitan ng kanilang pasiyang magbaon ng langis para sa mga ilawang dinala nila sa talinghagang isinaysay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, ang Diyos ay dapat nating dakilain nang taos-puso sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng mga salita at gawa.

Isinasabuhay ng mga nagpapasiyang maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa mundo gaya ng limang matalinong dalaga sa talinghagang isinaysay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Aking kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang" (Salmo 62, 2b). Kung tatanungin sila, hindi mapapantayan o mahihigitan ang halaga ng Diyos sa kanilang buhay. Para sa kanila, ang Diyos ay ang pinakamahalaga. Lagi nilang tinitiyak na dinarakila nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Ang kanilang prioridad ay ang Diyos. 

Nakasentro sa paghahanap ng Karunungan ang mga salita sa Unang Pagbasa. Kung hahanapin nang buong sigasig ang Karunungan, ang Karunungan ay matatagpuan at masusumpungan. Inihayag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa na dadakilain rin ang mga maghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Dadakilain sila ng Diyos pagsapit ng panahong Kaniyang itinakda. Pagkakalooban Niya sila ng buhay na walang hanggan. Makakapiling nila Siya sa tunay na Paraiso na walang iba kundi ang langit na Kaniyang maluwalhating kaharian. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, lagi nating dapat pahalagahan ang Diyos. Siya lamang ang dapat maging pinakamahalaga sa lahat. Wala dapat maging karibal o kaagaw ang Diyos. Kaya naman, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa mundo na pansamantala lamang sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya gamit ang mga salita at gawa. 

Huwebes, Oktubre 22, 2026

ILAAN ANG BAWAT SANDALI NG ATING BUHAY SA LUPA SA PAGDAKILA SA KANIYA

6 Nobyembre 2026 
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Filipos 3, 17-4, 1/Salmo 121/Lucas 16, 1-8 

Larawan: Jakub Mertens (–1609), Polski: Upadek pod krzyżem (c. 1600). Bazylika Wniebowzięcia Najświętszej Marii Panny w Krakowie. Public Domain. 

Itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa tusong katiwala. Ang aral na itinuro ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng talinghagang ito ay ang halaga ng bawat oras at sandali ng ating paglalakbay sa mundo. Hindi mananatili ang bawat isa sa atin sa mundo magpakailanman. May hangganan o wakas ang buhay sa mundo. Katunayan, magwawakas rin ang mundong ito pagdating ng panahon. Dahil dito, kinakailangan nating tiyaking inilalaan natin ang bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundo sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Nakatuon sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Bilang mga bumubuo sa Simbahan, ito ang lagi nating dapat paghandaan. Habang nagpapatuloy ang ating paglalakbay sa daigdig nang pansamantala, kinakailangan nating tiyaking dinarakila natin Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, ang maluwalhating pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang dakilang Hari at Hukom ay buong sigasig nating pinaghahandaan. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay lagi nating dapat tandaan upang hindi nating makalimutan ang halaga ng paghahanda para sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gaya ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, mapuspos nawa ng tuwa, galak, at sigla ang bawat isa sa atin habang ang Panginoong Jesus Nazareno ay dinarakila natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Dapat na ikagalak ang pasiya ng Poong Jesus Nazareno na biyayaan tayo ng pagkakataong paghandaan ang sarili para sa Kaniyang maluwalhating pagdating. 

Hindi dapat sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoon upang dakilain Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Lagi Niyang binibigyan ng pagkakataon ang bawat isa sa atin na dakilain Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa dahil nais Niya tayong isama sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Kaya naman, ngayon pa lamang, paghandaan natin ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit. 

Sabado, Oktubre 17, 2026

HANGAD NG ATING DINARAKILA

2 Nobyembre 2026 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
Karunungan 3, 1-9/Salmo 115/Roma 6, 3-4. 8-9/Juan 6, 37-40 

Inilaan ng Simbahan ang ikalawang araw ng buwan Nobyembre para sa taimtim na pananalangin para sa mga kapatid nating yumao. Nananalangin tayo na ipakita nawa sa kanila ng Panginoon ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. Walang ibang hangad ang mga kapatid nating yumao kundi ang makapiling ang Panginoon sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit kung saan matatamasa nila ang biyaya ng buhay na walang hanggan. 

Nais ng Diyos na makasama Niya tayong lahat sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit sa wakas ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Hinangad ito ng lahat ng mga banal sa langit noong namuhay sila sa daigdig nang pansamantala. Ito rin ang hangad ng mga kaluluwa sa Purgatoryo. Dapat rin nating hangarin ito bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na kasalukuyang naglalakbay sa daigdig nang pansamantala. 

Gaya ng mga banal sa langit at ng mga kaluluwa sa Purgatoryo, hangarin natin ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Habang naglalakbay tayo sa lupa nang pansamantala, dapat lagi nating piliing dakilain ang Diyos nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Biyernes, Oktubre 16, 2026

TAGUMPAY NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

1 Nobyembre 2026 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 


Ang lahat ng mga banal sa piling ng Diyos sa Kaniyang kaharian sa langit ay kilala sa tawag na Simbahang Nagtagumpay. Noong namuhay sila sa daigdig na ito, lagi nilang ipinasiyang tahakin ang landas ng kabanalan bilang pagpapahayag ng kanilang taos-pusong katapatan sa Diyos. Lagi nila itong ginawa sa pamamagitan ng kanilang mga gawa at salita. Dahil dito, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit ay ipinagkaloob sa kanila.

Noong naglalakbay sa daigdig na ito ang lahat ng mga banal sa langit na kilala rin sa tawag na Simbahang Nagtagumpay, lagi nilang piniling dakilain ang Diyos. Lagi nilang isinabuhay ang mga salita sa pangaral ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa mga tunay na mapapalad sa paningin ng Diyos na itinampok at inilahad sa Mabuting Balita. Katunayan, buong linaw na inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pangaral tungkol sa mga tunay na mapalad na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo kung ano ang dapat maging tugon ng bawat isa sa atin sa Diyos na hindi nagsasawang pagkalooban tayo ng pagkakataong makasama Siya sa langit na Kaniyang maluwalhating kaharian. Dapat nating buksan ang ating mga puso sa Kaniya. Pahintulutan natin Siyang maging hari natin. Ang landas ng kabanalan ay tahakin. Sa pamamagitan nito, lagi nating dinarakila Siya nang taos-puso. Lagi itong ginawa ng mga banal na kapiling ng Diyos sa langit noong naglalakbay sila sa daigdig. Kaya naman, bilang tugon sa kanilang katapatang tunay ngang taos-puso, noong ang wakas ng kanilang paglalakbay sa daigdig na ito ay sumapit, nakapasok sila sa langit. Hindi nauwi sa wala o nasayang ang kanilang pasiyang manatiling tapat sa Diyos. 

Kaisa ng mga anghel sa langit, buong galak at tuwang hinahandugan ng lahat ng mga banal sa langit ng taos-pusong pagdakila ang Diyos magpakailanman, gaya ng nakita ni Apostol San Juan sa pangitain sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Apostol San Juan sa pangaral na tampok sa Ikalawang Pagbasa na ibinilang ng Diyos bilang Kaniyang mga anak ang bawat isa sa atin. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin, tayong lahat ay iniligtas at pinalaya Niya sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagligtas sa atin, tayong lahat ay binigyan Niya ng pagkakataong makasama Siya sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman. Ganyan Niya tayo kamahal. 

Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, dakilain natin ang Diyos. Dapat maging taos-puso ang ating pagdakila sa Diyos na hindi nagsasawang anyayahan ang bawat isa sa atin na makapiling Siya sa Kaniyang kaharian sa langit magpakailanman. Ilaan natin ang bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Lagi itong ginawa ng mga banal sa langit noong naglalakbay sila sa daigdig na ito. Kailangan rin natin itong gawin.

Huwebes, Oktubre 15, 2026

PATUNAY NG KANIYANG KADAKILAAN

30 Oktubre 2026 
Biyernes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Filipos 1, 1-11/Salmo 110/Lucas 14, 1-6 


Ang sentro ng taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan para sa araw na ito ay ang pagiging mga salamin ng kadakilaan ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Hindi lamang pananagutan ng mga pari at mga relihiyoso ang pagpapalaganap ng pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kadakilaan. Bagkus, tayong lahat ay inatasang ibahagi at ipalaganap ito sa lahat. Ito ang ating tungkulin, misyon, at pananagutan bilang mga bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ng Panginoong Jesus Nazareno kung gaano kahalaga ang pagpapakita ng kabutihan, pag-ibig, habag, at awa sa mga nangangailangan. Ito ang Kaniyang tugon sa mga Pariseong nagbabantay ng Kaniyang mga kilos. Walang ibang hangad ang mga Pariseo kundi ang mahuli nila ang Panginoong Jesus Nazareno na gumagawa ng masama o lumalabag ng batas. Nais nilang dakpin, hulihin, at patayin ang Panginoong Jesus Nazareno. 

Ibinahagi ni Apostol San Pablo ang kaniyang taimtim at taos-pusong panalangin para sa mga Kristiyano sa Filipos sa Ikalawang Pagbasa. Dalangin ni Apostol San Pablo na maging huwaran ng taos-pusong pagpili sa Diyos ang mga Kristiyano sa Filipos. Nais ni Apostol San Pablo na mahayag ng lahat ng tao ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ito rin ang dapat maging panalangin ng bawat isa sa atin bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno. Mahayag nawa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. 

Nais ng Poong Jesus Nazareno na mahayag ang Kaniyang kadakilaan na tunay ngang kahanga-hanga sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Kung pipiliin ng bawat isa sa atin na maging Kaniyang mga tagapagpalaganap ng Kaniyang kadakilaan, ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya na galing sa puso ay ating ipinapahayag.

Sabado, Oktubre 10, 2026

TUMATALIMA SA POONG JESUS NAZARENO ANG MGA DEBOTONG DUMARAKILA SA KANIYA

25 Oktubre 2026
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)  
Exodo 22, 20-26/Salmo 17/1 Tesalonica 1, 5k-10/Mateo 22, 34-40 

Larawan: Ricardo do Pilar (1635–1700), Man of Sorrows (detail) (c. 1690). Mosteiro de Sao Bento. Public Domain.

Ang pinakamahalagang utos ay binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno bilang tugon sa isang dalubhasa sa Kautusan na nagtanong sa Kaniya kung ano ito sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Isinalungguhit sa pinakamahalagang utos ang halaga ng pag-ibig para sa Diyos at kapwa. Kinakailangang maging taos-puso ang pag-ibig para sa Diyos at kapwa-tao. Hindi ito dapat maging pilit. Mapapatunayan ang pagiging taos-puso ng pag-ibig para sa Diyos at kapwa-tao sa pamamagitan ng mga salita at gawa.

Sa Unang Pagbasa, iniutos ng Diyos ang Kaniyang bayan na huwag maging mapang-api sa mga taga-ibang bayan. Kahit na hinirang at itinalaga ng Diyos ang Israel bilang Kaniyang bayan, hindi ito nangangahulugang walang halaga para sa Kaniya ang ibang bayan at bansa. Anuman ang wika, lipi, lahi, bayan, o bansang kinabibilangan ng isang tao, pinahahalagahan at minamahal pa rin siya ng Panginoon. Nakasentro sa kusang-loob na pagtalikod at pagtakwil ng mga taga-Tesalonica sa mga diyus-diyusan upang paglingkuran ang tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Lubusan siyang nagalak at natuwa dahil hindi nila isinara at ipininid ang pintuan ng kanilang mga puso sa awa, habag, at pag-ibig ng Diyos na ibinahagi ng Simbahan. Ipinasiya nilang ibahagi ang nasabing biyaya, gaya ng ginawa ni Apostol San Pablo noong tumungo siya sa kanilang bayan bilang misyonero at apostol na hinirang at itinalaga ni Jesus Nazareno. Hinandugan nila ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan nito. 

Maging panalangin nawa ng bawat isa sa atin na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Isabuhay natin ang mga salitang ito sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Kaniya na hindi nagsasawang ipamalas sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. 

Dakilain natin nang taos-puso ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipahayag natin ang pasiyang ito na bukal sa ating mga puso at loobin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Mamuhay tayo ayon sa Kaniyang mga utos at loobin.

Biyernes, Oktubre 9, 2026

SA LOOB AT LABAS NG SIMBAHAN, DAKILAIN NATIN SIYA NANG TAOS-PUSO

23 Oktubre 2026 
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Efeso 4,1-6/Salmo 23/Lucas 12, 54-59 

Larawan: Quinten Metsys (1456/1466–1530), Ecce Homo (c. 1520). Doge's Palace. Public Domain.

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa pagpili sa Diyos. Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno na bumubuo sa Simbahang Kaniyang itinatag, ang bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa na pansamantala lamang ay dapat nating ilaan sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Ito ay ating magagawa sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Marapat lamang itong gawin bilang tugon sa Kaniya na laging nagpapasiyang ipamalas sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

"Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid?" (Lucas 12, 57). Ito ang tanong ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Hindi lamang ito para sa mga taong nakikinig sa Kaniya noong una Siyang dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Para rin sa ating lahat ang tanong na ito. Kahit na tayong lahat ang bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, gaya ng buong linaw na isinalungguhit sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa, parang hirap na hirap pa rin tayong piliin Siya. Sa halip na dakilain ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ang mga pumapatay nang walang awa, mga magnanakaw, mga tiwali, at mga mapang-api ay dinarakila ng marami. Pilit na inihihiwalay ng marami ang debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno sa pang-araw-araw na pamumuhay. Iniiwan na lamang ito sa loob ng Simbahan. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito kung ano ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay lagi nating dapat dakilain sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Hindi dapat manatili lamang sa loob ng mga gusaling itinayo at itinalaga bilang mga Simbahan ang ating taos-pusong debosyon at pamamanata sa Kaniya. Bagkus, dapat nating isabuhay ito. 

Huwebes, Oktubre 8, 2026

HUWAG MATAKOT DAKILAIN ANG DIYOS

21 Oktubre 2026 
Kapistahan ni San Pedro Calungsod 
Sirak 51, 1-12 (gr. 1-8)/Salmo 123/2 Corinto 6, 4-10/Juan 12, 24-26 


Inilaan ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas (CBCP) ang araw na ito upang parangalan at ipagdiwang ang kagitingan ng Ikalawang Pilipinong Santo na si San Pedro Caungsod. Gaya ng unang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz, isa ring martir si San Pedro Calungsod. Namatay siya bilang martir ni Kristo at ng Simbahang tanging Siya mismo ang nagtatag. Sa harap ng matinding panganib sa ibang bansa, si Jesus Nazareno ay pinili niyang dakilain nang taos-puso. Kahit kamatayan ang kapalit ng kaniyang pasiyang dakilain si Jesus Nazareno, ipinasiya pa rin niyang gawin ito. 

Ang dahilan kung bakit ang mga martir gaya na lamang ni San Pedro Calungsod ay hindi takot mamatay para sa Panginoong Jesus Nazareno at ng Simbahang Kaniyang itinatag ay inilarawan sa Unang Pagbasa. Hindi sila pinababayaan ng Panginoon. Lagi silang sinasamahan, tinutulungan, pinapatnubayan, ginagabayan, at sinasaklolohan ng Panginoon. Kaya naman, panatag ang kanilang loob, kahit na humarap sila sa mga pagsubok, sakit, panganib, hirap, at pag-uusig. Sa katotohanan ring ito nakatuon ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagpatotoo siya nang buong linaw at giting tungkol sa walang tigil na pagkalinga at pagtulong ng Diyos. Dahil dito, walang takot niyang isinakatuparan ang misyon at tungkuling ibinigay ng Panginoong Jesus Nazareno sa kaniya. Pati ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay buong giting na nagpatotoo tungkol sa walang maliw na katapatan ng Diyos. 

Sa wakas ng Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na ang mga maglilingkod sa Kaniya nang taos-puso ay pararangalan ng Ama. Ginawa ito ng mga banal, lalung-lalo na ang mga banal na namatay bilang mga martir gaya ni San Pedro Calungsod. Hindi sila naging takot maglingkod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa kailanman. Bagkus, buong giting nilang inihayag ang kanilang taos-pusong pasiyang dakilain Siya bilang Kaniyang mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. 

Wala tayong dapat ikatakot bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno. Lagi Niya tayong sinasamahan, kinakalinga, pinapatnubayan, ginagabayan, at tinutulungan. Sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig, ang ating mga puso at loobin ay lagi Niyang pinalalakas at pinapanatag. Dahil dito, nararapat lamang na lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila nang buong giting at katapatan sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Sabado, Oktubre 3, 2026

DAPAT SIYANG DAKILAIN

18 Oktubre 2026 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 45, 1.4-6/Salmo 95/1Tesalonica 1, 1-5b/Mateo 22, 15-21 


Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito kung sino nga ba ang dapat dakilain nang taos-puso. Ang Diyos lamang ang dapat nating dakilain nang taos-puso sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang. Oo, dapat nating igalang ang mga pinuno. Subalit, hindi natin dapat limutin kailanman na mga tao lamang sila. Gaya ng winika ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo: "Ibigay kay Cesar ang para kay Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos" (Mateo 22, 21). 

Ang dahilan kung bakit si Ciro ay naging hari ay inilahad sa Unang Pagbasa. Si Ciro ay hinirang at itinalaga ng Diyos upang maging hari. Bilang hari, tutulungan ni Ciro ang bayang hinirang at itinalaga ng Diyos bilang Kaniya na walang iba kundi ang Israel. Sa pamamagitan nito, mahahayag sa lahat ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Nakatuon sa taos-pusong pagtanggap ng mga taga-Tesalonica sa Mabuting Balitang ibinahagi sa kanila ni Apostol San Pablo at ng mga kasama niyang sina San Silas at San Timoteo ang kaniyang mga salita sa Ikalawang Pagbasa. Si Apostol San Pablo ay lubusang natuwa sa pagtanggap ng mga taga-Tesalonica sa Salita ng Diyos. Ang mga taga-Tesalonica ay nagpasiyang buksan ang kanilang mga puso, isipan, at loobin sa Mabuting Balitang pinatotohanan nina Apostol San Pablo, San Silas, at San Timoteo.

Buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan kung ano ang dapat lagi nating gawin sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang: "Dakilang kapangyarihan ng Panginoo'y idangal" (Salmo 95, 7b). Isa lamang ang dapat nating handugan ng taos-pusong pagdakila - ang Panginoong Diyos. Nararapat lamang ito gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito. 

Nakakalungkot lamang isipin na ipinagpapalit ng marami ang Diyos, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. Masasabi nga nating lantaran na ang pagpapalit ng marami sa Diyos. Ang Diyos ay ipinagpapalit sa mga masisikat na personalidad, lalung-lalo na yaong mga nasa pamahalaan. Kahit na mga tao lamang sila, dinarakila pa rin sila ng maraming tao sa kasalukuyang panahon. Dinarakila sila ng nakararami. Sa halip na ihandog sa Diyos ang taos-pusong pagdakila, inihahandog ito ng marami sa kanila. 

Huwag nating ipagpalit ang Diyos kailanman. Pinahalagahan Niya tayo nang lubusan, kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanang hindi na mabilang sa dami ng mga ito. Bagkus, ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundong ito ay dapat ilaan sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. 

Biyernes, Oktubre 2, 2026

SAGOT TAYO NG PINAKADAKILA SA LAHAT

16 Oktubre 2026 
Biyernes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Efeso 1, 11-14/Salmo 32/Lucas 12, 1-7 

Larawan: Marco Benefial. La visión de santa Catalina Fieschi Adorno (c. 1747). Public Domain.


Ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat mabalisa o mabahala. Lagi tayong sagot ng Diyos. Kasama natin Siya. Nasa likod natin Siya. Dahil dito, wala tayong dapat ikabahala. Ang Diyos ay lagi nating kasama upang tulungan, patnubayan, gabayan, at ipagsanggalang tayo. Ganyan tayo kahalaga sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa pagkalinga, pagtulong, pamamatnubay, paggabay, at pagsasanggalang ng Diyos sa mga hinirang Niya. Dahil hindi Niya pinababayaan ang Kaniyang mga hinirang, mayroong lakas at tibay ng loob ang Kaniyang mga hinirang. Kahit na maraming hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig ang kanilang hinaharap sa buhay, panatag ang kanilang loob dahil sa kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos. Ito ang isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na tampok sa Ebanghelyo. Wala tayong dapat ikapangamba dahil lagi tayong sinasamahan, inaaruga, kinakalinga, pinapatnubayan, ginagabayan, at tinutulungan ng Diyos. 

Huwag tayong mangamba, mabalisa, o mabahala. Lagi tayong sagot ng Diyos. Ito ang patunay na pinahahalagahan Niya tayo nang taos-puso. 

Huwebes, Oktubre 1, 2026

NARARAPAT SIYANG DAKILAIN NANG TAOS-PUSO

11 Oktubre 2026 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10) 

Larawan: Francisco Goya (1746–1828), Español: La parábola de los convidados a la boda (c. 1796-1797). Public Domain.


Isa lamang ang nais isalungguhit ng Poong Jesus Nazareno noong isinaysay Niya ang talinghaga tungkol sa kasalan sa mga tao sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Lagi nating dapat dakilain ang Diyos nang taos-puso. Nararapat lamang na handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa daigdig na pansamantala lamang bilang tugon sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila. Walang sawa Niya itong ginagawa para sa atin.

Sa Unang Pagbasa, inihayag na aanyayahan ng Diyos ang lahat ng bayan at bansa sa daigdig sa isang piging. Ang mga tatanggap sa paanyaya ng Diyos sa nasabing piging nang taos-puso ay mapupuspos ng tunay na galak at tuwa. Nakasentro sa pasiya ng apostol at misyonero sa mga Hentil na si Apostol San Pablo na laging handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng kaniyang tapat at magiting na pagsaksi sa Poong Jesus Nazareno ang kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Pinatotohanan niya kung gaano kahirap ang pasiyang ito. Hindi tumigil ang mga pagdurusa, hirap, sakit, at pag-uusig. Subalit, sa kabila ng mga sakit, hirap, at pag-uusig sa buhay sa daigdig na ito, nanatiling tapat si Apostol San Pablo. Ginawa niya ang nararapat gawin. 

Bilang tugon sa Diyos na hindi nagsasawang ipakita at ipadama sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. 

Sabado, Setyembre 26, 2026

PATUNAY NG KADAKILAAN NG KANIYANG PAG-IBIG, KAGANDAHANG-LOOB, HABAG, AT AWA

9 Oktubre 2026 
Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Galacia 3, 7-14/Salmo 110/Lucas 11, 15-26 

Larawan: James Tissot (1836–1902), The Blind and Mute Man Possessed by Devils (c. Between 1886 and 1894). Brooklyn Museum. Public Domain.

Hindi na mabilang kung ilang ulit na inanyayahan tayo ng Simbahan na pagtuunan ng pansin at pagnilayan ang kadakilaan ng pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Tila lagi natin itong ginagawa bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno. Subalit, isa itong katotohanang lagi nating dapat tandaan bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Mahabagin, maawain, at mapagmahal ang Diyos. Ang katotohanang ito ay hindi dapat limutin kailanman. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa dahilan kung bakit mayroon Siyang kapangyarihang magpalayas ng demonyo. Bilang tugon sa bintang o paratang ng mga nagsasabing nagmula kay Beelzebul ang Kaniyang kapangyarihang gawin ito. Inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno na nakakapagpalayas Siya ng mga demonyo dahil ito ay niloob ng Diyos. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob,  habag, at awa na tunay ngang dakila, niloob ng Diyos na iligtas at palayain ang lahat ng tao sa lupa mula sa demonyo. Ang demonyo ay pinalalayas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa mga taong sinasapian nito dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ipinasilip ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kung ano ang mangyayari sa bundok ng Kalbaryo sa pamamagitan ng himalang ito. 

Nakasentro sa bunga ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay, naligtas ang sangkatauhan. Bilang tugon, dapat lagi nating handugan Siya ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ang magiging patunay na hindi natin ibinabaon sa limot ang awa, habag, pag-ibig, at kagandahang-loob ng Diyos na tunay nga namang dakila, gaya ng ginawa ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. 

Ang Diyos ay laging gumagawa ng mga bagay na tunay ngang kahanga-hanga hindi upang ipamukha sa atin na Siya ang pinakadakila sa lahat at walang makahihigit at makakapantay sa Kaniya kailanman. Bagkus, lagi Niya ginagawa ang mga ito dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila.

Biyernes, Setyembre 25, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA MULA SA KANIYANG MGA KATIWALA

4 Oktubre 2026 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 

Larawan: anonymous, Slovak: Stigmatizácia sv. Františka (c. 1606). Slovak Art Gallery. Public Domain.

Isinaysay ng Poong Jesus Nazareno ang talinghaga tungkol sa mga kasama sa isang ubasan bilang bahagi ng Kaniyang pangaral tungkol sa pagiging mga tapat, banal, at mabuting katiwala ng Diyos sa lupa. Sa katotohanang ito na isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Inang Simbahan. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, mayroong misyon at tungkulin ang bawat isa sa atin. Ang misyon at tungkuling ito ay ang pagiging mga banal at mabuting katiwala. Lagi natin Siya hinahandugan ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng pagtupad sa nasabing misyon at tungkulin. 

Ang Diyos ay ipinakilala sa Salmong Tugunan bilang may-ari ng ubasan. Nakatuon rin sa katotohanang ito ang mga salita sa Unang Pagbasa. Katunayan, buong linaw na isinalungguhit sa Unang Pagbasa na tanging Siya mismo ang nagtanim sa nasabing ubasan. Isang katotohanan lamang ang isinasalungguhit nito -  nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay na nakikita at hindi nakikita. Dahil diyan, inihayag ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa na dapat lagi nating handugan ang Diyos ng taos-pusong pagdakila sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa. 

Lubos tayong iniibig at kinahahabagan ng Diyos. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, itinalaga Niya tayo bilang Kaniyang mga katiwala. Bilang tugon sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, dapat nating gawin ang nararapat sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Kinakailangan nating maging mga banal at mabuting katiwala ng Diyos na humirang at nagtalaga sa atin bilang Kaniyang mga katiwala. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay lagi nating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila.