Kaya’t tinanong ni Hesus ang Labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6, 67-68)
Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas, ang kanyang pinsang si Hesus. Ang panawagan niya sa mga nakikinig sa kanya ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Bahagi ng paghihintay ay ang paghahanda. Halimbawa, kapag uuwi dito sa Pilipinas ang isa o mga kamag-anak sa abroad, may mga paghahanda na dapat gawin, hindi po ba? Kinakailangang linisin ang bahay para hindi mukhang kakahiya. Kailangang paghandaan natin sila ng pagkain upang kung sakaling magutom sila, may makakain sila. Maraming paghahanda na kinakailangang gawin. Gayon din ang ginagawa ni San Juan Bautista sa ating Ebanghelyo. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas - si Hesus, ang ating Panginoon. Ang tinuturo ni San Juan Bautista sa mga tao ay ang pagsisisi. Espiritwal ang ating paghahanda, kaya pansinin rin natin ito. Hindi lamang pisikal ang pinaghahandaan natin; kinakailangang ihanda natin ang ating buhay-espiritwal. Bakit tungkol sa pagsisisi ang itinuturo ni Juan Bautista? Ito ay dahil sa kabutihan at awa ng Diyos. Ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng sugo niyang si San Juan Bautista. Pinapaalala ni San Juan Bautista ang mga tao na dapat silang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ginigising tayo ni San Juan Bautista mula sa ating pagkatulog. Hindi literal na tulog kung saan kinakailangang magpahinga ang tinutukoy ko. Ang tinutukoy ko ay isa pang uri ng pagkatulog. Sumasaksi si Juan Bautista sa liwanag mula sa Diyos. Pagbigyan natin ng diin ang ating buhay-espiritwal. Maaaring natutulog na palagi ang ating kaluluwa. Hindi natin pinapansin ang ating espiritwal na buhay. Mas binibigyan natin ng pansin kasi yung pisikal na bahagi ng ating sarili. Katulad na lamang ng pagandahan, pangpormahan, at marami pang iba. Mabuti naman ang paggawa ng gayon, pero pansinin po natin ang ating espiritwal na buhay. Tayo ba'y namumuhay sa liwanag ng Diyos, o namumuhay ba tayo sa kadiliman ng kasalanan? Huwag mag-alala kung tayo'y namumuhay sa kasalanan. Si San Juan Bautista po ay sumasaksi kay Kristo. Si Kristo ay isang mapagmahal at maawaing Tagapagligtas. Tayo ay gumising mula sa ating pagkatulog, pagnilayan ang ating buhay, at humingi ng kapatawaran mula kay Kristong Panginoon mula sa ating mga nagawang kasalanan. Papatawarin tayo ng Panginoon kung ito'y ating hihingin. Walang hanggan, walang limitasyon, ang pag-ibig at pagpapatawad ni Kristo. Ang pagtawag ni San Juan Bautista na magsisi at magbalik-loob ay hindi dapat pagbalewalaan. Dapat bigyan natin ng pansin at diin ang panawagang ito. Tayong lahat ay mga makasalanan, kaya dapat magsisi tayo at magbalik loob sa Diyos. Ito'y isang uri ng paghahanda para kay Hesus. Ang ating Panginoong Hesukristo ay mas higit pa kay Juan Bautista, Papa Francisco, Kardinal Tagle, Daniel Padilla, at ang lahat ng mga tao dito sa mundo, masikat man o hindi. Kaya, dapat nating paghandaang mabuti ang Kanyang pagdating. Nararapat lamang paghandaang mabuti, pagluhuran, sambahin, at sundan ang ating Panginoong Hesus. Tunay na dakila ang ating Panginoon. Dapat nating bigyang-diin ang panahon ng Adbiyento. Huwag nating kakalimutan ang panahong ito, lalung-lalo na ngayon. Kinakailangan natin ito para sa ating kabutihan. Ibinigay sa atin ng Simbahan ang Adbiyento bago ang Pasko upang maghanda para sa paggunita sa Pagsilang ni Hesus. Kaya, gamitin ng mabuti ang panahon ng Adbiyento at huwag nating balewalaan. Importante po ang panahon ng Adbiyento. Huwag tayong magmadali para sa Pasko. Hinay-hinay lang. Gamitin natin ng tama ang lahat ng mga araw sa panahon ng Adbiyento upang maghanda para sa kaarawan ng ating Panginoong Hesukristo.
Disyembre 9, 2013 Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Nuestra Senora de la Inmaculada Concepcion), Punong Patronesa ng Bansang Pilipinas Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
Ang Pilipinas po ay kilala bilang isang Pueblo Amante de Maria (Bayang sumisinta kay Maria). Ito ay dahil sa debosyon ng maraming Pilipino sa Mahal na Ina. Napakalalim ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanilang debosyon sa kanya sa ilalim ng ilang mga titulo ni Maria. Marami po ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Guadalupe (na ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Disyembre), Mahal na Birhen ng La Naval de Manila (tuwing Oktubre), Mahal na Birhen ng Antipolo, at marami pang iba. Pero, ang punong patronesa ng Pilipinas ay ang Mahal na Ina sa ilalim ng titulong Nuestra Senora de la Inmaculada Concepcion o ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. May dalawang maling akala tungkol sa Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria. Ang unang akala ay ito ang kapanganakan sa Mahal na Ina. Ang pangalawa naman ay noong ipinaglihi ni Maria si Kristo sa kanyang sinapupunan. Hindi na po iyon ang Immaculada Concepcion; ibang usapan na iyon. Ang Immaculada Concepcion ay ang paglilihi sa Mahal na Birheng Maria sa sinapupunan ni Santa Ana. May isa pong mahahalintulad sa Immaculada Concepcion. Ilarawan nating may dalawang tao na nahulog sa putikan. Nadapa at nahulog sa putikan ang una. Siya'y tinulungan ng isang taong upang makabangon at makatayo mula sa putikan. Nakabangon at nakaligtas siya, pero, may dungis na nananatili dahilan sa kanyang pagkahulog. Mabuti naman na ang lalaking nagligtas sa kanya ay may dalang tubig upang linisin niya ang kanyang sarili. Ngayon, ang pangalawa naman ay mahuhulog na sa putikan. Malapit na siyang bumagsak sa putikan, bigla na lang siya iniligtas ng taong nakaligtas sa iyo. Nailigtas ang pangalawa, pero may pagkakaiba. Ang una ay naligtas pagkatapos na siya'y madapa. Ang pangalawa naman ay nailigtas bago pa siya nadapa sa putikan. Wala siyang dungis at hindi na siya kailangang maglinis. Ganyan din po ang nangyari kay Maria. Iniligtas siya ng Diyos sa kakaibang paraan. Bago pa man siya isinilang sa mundo, siya'y niligtas na ng Diyos mula sa kasalanang mana. Wala siyang dungis ng kasalanang mana. Ang dungis ng kasalanang mana ay tinanggal sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, pero hindi na kinailangan pang dumaan sa prosesyong iyon ang Mahal na Ina. Hindi niya pinayagang madungisan ang Mahal na Ina. Bago pa man siya ipinanganak ni Santa Ana, iniligtas at nilinis na siya ng Panginoong Diyos upang magampanan niya ang isang malaking responsibilidad mula sa Diyos - ang maging ina ng Mesiyas, ang Panginoong Hesukristo. Kaya noong binati siya ng Arkanghel Gabriel, nagulumihanan siya sa ganong pagbati. Hindi niya sukat akalain na siya'y napaka-espesyal at napakahalaga sa mata ng Diyos. Dahil sa pagbati ng Arkanghel sa kanya, siya'y nagpakumbaba. At noong binati siya ng anghel, sinabi sa kanya ng anghel na makinig, sapagkat imporante ang kanyang sasabihin. Si Maria'y nakinig sa mga sinasabi ng arkanghel. Sinabi ng anghel ang lahat ng mga detalye ng mga pangyayaring magaganap, lalung-lalo na kay Maria. Sinabi ng anghel na pinili siya ng Diyos na maging ina ni Hesus, ang ipinangakong Mesiyas. Napakabigat ng pananagutang ito. Malaking responsibilidad ito. Siguro may iba siyang plano sa buhay bago nagpakita sa kanya ang Arkanghel Gabriel. Hindi niya akalain na malaki ang magiging pananagutan niya sa buhay. Naintindihan ba ni Maria sa mga sinabi ng arkanghel? Hindi! Kahit na nakinig si Maria, hindi niya lubusang naintindihan ang mga sinabi ng Arkanghel si Gabriel. Kaya nagtanong siya sa Arkanghel Gabriel kung papaanong mangyayari na siya'y magiging ina ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Alam ni Maria ang lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa ipinangakong Mesiyas. Ang hindi lang niya maintindihan ang kung bakit at paano mangyayari ito sa kanya. Pagkatapos ipaliwanag kay Maria ng Arkanghel Gabriel ang lahat, tinanggap niya ang pananagutang ito mula sa Diyos. Sinabi niyang siya'y alipin ng Panginoon, at mangyari nawa ang mga sinabi sa kanya. Tinanggap ni Maria ang pananagutang ito. Kahit ang ibig sabihin na may mga pagsubok na kailangan niyang pagdaanan sa kanyang buhay, siya'y mananalig sa Diyos at hahayaang mangyari ang kalooban ng Diyos. Ito ang kanyang "oo" sa kalooban ng Diyos. Ang kanyang "oo" ay ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap at sinundan ang kalooban ng Diyos, katulad ng isang alipin. Sa Mateo 23:12 at Lucas 14:11, binigyang diin ni Kristo ang pagpapakababa. Ang sinabi Niya, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." Si Maria ay nagpakababa sa harapan ng Diyos, kaya siya'y pinalad ng Diyos. Itinaas siya ng Diyos sa lahat ng mga nilalang. Dahil sa pagpapakababa ni Maria, nalugod sa kanya ang Diyos at siya'y pinili na maging ina ng Anak ng Diyos, ang Mesiyas, si Hesus. Tunay na pinagpala ang tapat na alipin ng Diyos na si Maria. Kahit hindi niya naintindihan ang mga pangyayari sa kanyang buhay, lalung-lalo na sa buhay ng kanyang anak na si Hesus, siya'y sumunod at tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi siya naging hadlang sa mga plano ng pagliligtas ng Diyos sa sanlibutan. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap ang pananagutan niya sa Diyos, at tumalima sa kalooban ng Diyos. VIVA LA VIRGEN!!
Unang Linggo ng Adbiyento (A) Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44
Isang bagong kalendaryo ang sinisimulan ng Santa Iglesia sa araw na ito. Sapagkat ngayon po ang Unang Linggo ng Adbiyento. Ang panahon ng Adbiyento ay binigay sa atin ng Santa Iglesia upang ipaghanda ang ating mga sarili, pisikal at espiritwal, para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Apat na linggo sa panahon ng Adbiyento ang ibinigay sa atin ng Simbahan upang tayo'y maging handa para sa panahon ng Kapaskuhan. Tanungin po natin ang ating sarili. Ano ang paghihintay para sa atin? Malaking bagay ba ito para sa atin o maliit lamang? Ano ang mga pakiramdam kapag tayo ay naghihintay para sa isang bagay o okasyon? Ano nga ba ang tingin natin sa paghihintay? Nakakabuti ba ito para sa atin, o kaya nagsasayang lang tayo ng oras? Bahagi ng ating buhay ay ang paghihintay. Sa una, para bang pasiyente tayo kapag tayo ay naghihintay. Pero, kapag lumipas na ang panahon, para bang nakakainip. Nakakasawa na ang paghihintay. Kahit na dumating sa atin ang ating hinihintay o ang ating hinihingi, kapag matagal na nating hinintay, para bang nawalan na tayo ng interesado doon. Marami po sa atin ay hindi mahilig maghintay. Nakakaiinip at parang matagal ang paghihintay. Pakiramdam natin ay para bang masyadong matagal dumating o mangyari ang isang bagay. Gusto natin mangyari na ang isang pangyayari. Nagmamadali na tayo. Katulad na lamang noong lumaban si Manny Pacquiao kay Brandon Rios noong nakaraang linggo. Marami ang hindi makapaghintay sa pagbabalik ng Pambansang Kamao ng Pilipinas sa ring. Mag-iisang taon na siyang wala sa pagboboksing, at simula ng taong 2013, marami ang nagtataka kung babalik pa ba siya. Noong sinabi ng balita na babalik siya sa Nobyembre, marami tuloy ang sabik na sabik na para sa araw na iyon. Hinihintay na ang araw ng laban ni Pacquiao upang manatiling nakatutok at panoorin muli ang ating idolong si Manny Pacquiao. Marami pong tinuro ang ating Panginoong Hesukristo tungkol sa paghihintay. Kabilang na doon ang ating Ebanghelyo ngayon. Alam po ninyo, matagal na tayong naghihintay kung kailan muling babalik ang Panginoon dito sa lupa. Ipinangako Niya na Siya'y babalik muli sa katapusan ng panahon. Ilang taon na, hindi pa rin Siya bumabalik dito sa lupa. Maaaring pinagpapaliban muna ni Kristo ang muling pagparito Niya bilang Haring Hukom. Pero, sabi nga ni Kristo, walang nakakaalam kung kailan Siya babalik. Hindi natin malalaman o maasahan kung kailan darating si Hesus. Pinapaalala tayo ni Hesus na maging handa para sa Kanyang pagdating. Hindi natin alam kung kailan magaganap ang muling pagparito Niya. Kaya, katulad ng mga sinasabi ng boy scout at girl scout dito sa Pilipinas, dapat laging handa. Ganyan rin ang sinasabi ni Hesus ngayon. Dapat tayong maging handa para sa mga pangyayaring hindi natin inaasahan. Anong klaseng paghahanda? Espiritwal at pisikal na paghahanda. Hindi sapat ang pisikal na paghahanda. Upang maging sapat ang ating paghahanda, kinakailangan natin ng espiritwal na paghahanda? Paano tayo makakapaghanda ng espiritwal sa ating paghihintay sa Panginoong Hesus? Unang-una, magdasal sa Diyos. Mahirap para sa atin ang maghanap ng oras na manalangin sapagkat para bang wala nang oras. Inaaksaya natin ang oras natin. Marami tayong ginagawa. Kinakailangang kausapin natin ang Panginoon, kahit sandali lamang. Magkaroon ng oras na makipag-ugnay sa Diyos. Hindi na kinakailangang ipakita sa mga tao na tayo ay nananalangin. Pangalawa, magbalik-loob sa Diyos. Ibinibigay ng mga panahon ng Adbiyento at Kuwaresma na pagnilayan kung ano ang naging takbo ng ating buhay. Saan nga ba patungo ang buhay natin? Kung tayo ay naliligaw, huwag mawalan ng pag-asa. Pwedeng mag-u-turn. Pwedeng umikot. May pag-asa pang magbago ang buhay natin. Paano natin babaguhin ang ating buhay? Una, humingi ng kapatawaran sa Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Pangalawa, iwasan na gawin uli ang mga kasalanang nagawa natin. Ang Adbiyento ay hindi nag-aaksaya ng panahon. Problema na po para sa atin ay nakakalimutan na natin ang panahon ng Adbiyento, lalung-lalo na sa ating bansang Pilipinas. Anong nangyari? Setyembre pa lamang, may napapakinggan na tayong mga tugtuging pampasko?! Bakit na nating nakakalimutan ang kahalagahan ng panahon ng Adbiyento? Bakit nagmamadali tayong lahat? Bakit minamadali natin ang Pasko? Binabalewalaan na natin sa panahon ngayon ang kapanahunan ng Adbiyento. Isang aral na makukuha natin sa panahong ito ay huwag magmadali. Ang paghihintay ay mukhang pag-aaksaya ng panahon, pero mahalaga ito. Napakahalaga ng panahon ng Adbiyento para sa ating lahat. Binibigyan tayo ng panahon na maghanda at maghintay para sa araw ng kapanganakan ni Kristo. Gamitin nawa natin ang lahat ng oras sa Adbiyento na paghandaan ang pisikal at espiritwal na sarili ng ating buhay. Huwag tayong magmadali. Gamitin natin ng tama sa paghihintay at paghahanda ang panahon ng Adbiyento. Pagsapit ng Pasko, ano ang makikita ng Panginoong Hesus sa ating puso? Habang may panahon pa, magbalik-loob na tayo sa Diyos upang maipaghanda natin ang ating sarili para sa kaarawan ni Hesus.
Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon/Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) 2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43
Ano ang pangkaraniwang kahulugan ng salitang, “Hari?” Paano mo mailalarawan ang isang hari? Ano ang mga katangian ng isang hari? Ang hari, dapat may korona. Siya’y makapangyarihan. Ang hari ay sumusuot ng mga magagarang damit. Napakaganda ang kanilang mga damit. Sila’y matatapang; hindi susuko sa laban. Iilan lamang po ito sa mga pangkaraniwang paglalarawan sa isang hari.
Ang ating Panginoong Hesukristo ay isang hari rin. Pero, sa Ebanghelyong narinig, parang hindi naman Siya hari. Bakit? Nakapako Siya sa krus! Sinong hari ang nakapako sa krus? Unang tingin pa lang, hindi na nararapat ang Panginoon na maging hari. Walang haring mahina. Walang haring nakapako sa krus. Hindi lang iyan, nilalapastangan Siya. Hindi ba ang isang hari, ginagalang ng mga tao? Ang koronang sinusuot ni Hesus, napansin ba ninyo? Hindi gawa sa ginto, kundi gawa sa tinik! Si Hesukristo, nilalapastangan, pinagtatawanan ng mga tao. Mukha Siyang mahina, mukhang hindi talagang hari ang Panginoon.
Kung ating suriing mabuti ang Mabuting Balita, may ginagawa si Kristo sa Krus upang patunayan na Siya’y isang Hari. Ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit nga naparito si Kristo sa lupa? Hindi ba ang misyon Niya ay iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan (espiritwal at pisikal). Isa na itong katangian ng isang hari. Ang isang hari, inililigtas Niya ang mga tao. Inuuna Niya ang mga taong sinasakupan Niya. Kahit na mukhang mahina si Kristo at hindi inililigtas ang Kanyang sarili, mayroon Siyang ililigtas – ang sangkatauhan.
Isa ring katangian ng isang hari ay ang pagiging handa sa paglilingkod sa kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga sinasakupan niya. Servant leadership ang tawag dito. Kahit na ang isang tao ay ang pinuno, siya’y laging handa na maglingkod sa kanyang mga tagasunod. Kahit mas mataas pa ang ranko ng isang lider kaysa sa iba, maglilingkod pa rin siya. Hindi lamang niya iniisip ang sarili niyang kapakanan. Iniisip rin niya ang kapakanan ng mga tagasunod niya. Iniisip niya ang mga ikabubuti sa kanila. Siya’y laging handang maglingkod.
Si Hesus ay isang mabuting huwaran ng steward leadership. Kahit na Siya ang hari ng langit at lupa, iniisip rin Niya ang mga ikabubuti sa atin. Inuunahan at pinaglilingkuran Niya ang mga tao Niya. Kahit na Siya’y Diyos, Siya’y nagpakumbaba at naging taong tulad natin. Namuhay Siya bilang alipin. Pinaglingkuran Niya tayo sa pamamagitan ng pagtuturo ng Mabuting Balita sa lahat ng tao, lalung-lalo na ang mga makasalanan. Nagkaroon rin ng isang pagkakataong kung saan pwedeng takasan ng Panginoong Hesus ang Kanyang pagkamatay sa Krus. Pero, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama. Ang Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani, “Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod.” Maaari Niyang takasan ang maglingkod. Kahit may tukso na huwag nang mamatay sa krus, pinagtagumpayan Niya ito alang-alang sa ating lahat. Pinili ng Panginoon ang mamatay alang-alang sa kaligtasan ng lahat ng tao. Isang haring mag-aalay ng buhay upang iligtas ang mga tao. Hindi plano Niya ang sinunod. Plano ng Ama ang Kanyang sinunod. Dahil sa desisyong ginawa Niya, pinaglilingkuran Niya ang Ama at ang tao. Hindi sarili ang iniisip ni Hesus, iniisip Niya tayo na mga nabihag ng kasamaan at kasalanan. Misyon Niya ay ang iligtas tayo upang tayo’y makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit.
Noong ipagtatanggol sana ng mga apostol si Hesus sa Halamanan mula sa mga autoridad (lalung-lalo na si San Pedro), pinigil Niya. Pinigilan Niya ang Kanyang mga alagad. Kahit nagkaroon uli Siya ng pagkakataon ng takasan ang Kanyang kamatayan, kahit na nagkaroon ng pagkakataon upang hindi Siya madakip, hinayaan Niyang mangyari iyon. Kalooban ito ng Ama, Siya’y nagiging masunurin sa kalooban ng Ama. Si Hesus ay isa ngang hari na mag-aalay ng buhay alang-alang sa mga pinaghaharian Niya.
Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa Krus, pinaglingkuran ni Hesus nang buong pagpapakumbaba ang Ama at ang kapwa-tao. Wala Siyang hinahanap na kapalit. Nagpakababa Siya at kusang naglingkod hanggang kamatayan. Isang halimbawa ang binibigay sa atin ni Hesus – pagpapakababa. Tayong lahat ay dapat ring magpakababa at gumawa ng mabuti para sa ating kapwa, tulad ni Hesus. Anu-ano ang mga paraan ng paggawa ng mabuti sa kapwa? Kahit ang mga maliliit na bagay lamang. Hindi naman kinakailangang mali. Sinasabi nga ng isang kasabihan, “Ang isang maliit na bagay ay makakagawa ng malaking diperensya.” Basta, ang mahalaga ay kung naggaling ang ating paggawa ng mabuti sa ating puso.
Si Hesus ay babalik sa wakas ng panahon bilang Hukom nating lahat. Hindi Niya tatanungin kung magkaano ang pera o ilan ang ating mga sasakyan. Bagkus, kung tatanungin Niya tayo, tatanungin Niya kung ilang beses na nating pinaglingkuran at gumawa ng mabuti para sa kapwa. Sinasabi ni Hesus na anuman ang ginagawa natin sa ating kapwa, ito ay ginagawa natin sa Kanya. Ito’y para bang isang paanyaya mula kay Hesus na makapasok sa langit. Ito’y para bang RSVP. Hindi tayo pipilitin ni Hesus. Tayo ang gagawa ng desisyon. Nasa ating mga kamay ang ating desisyon.
Inaanyayahan tayo ni Kristo na makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit. Nawa’y tanggapin natin ang paanyayang ito, katulad ng pagtanggap nito ni Dimas. Si Hestas, inalipusta si Kristo sa krus. Nabulag siya sa maling akala na dahil hindi nagrereklamo o anuman si Kristo sa krus, mahina na Siya. Ngunit, binuksan ni Dimas ang kanyang isip at mga mata kay Kristo at naniwalang wala siyang kasalanan. Naniwala rin siya na isang tunay na hari ang Panginoong Hesukristo at hindi ito mula sa mundong ito. Huwag tayo magpapabulag sa pag-aakalang mahina si Hesus. Di porke’t nakapako si Hesus sa krus, mahina na Siya. Hindi totoo ‘yan! Makapangyarihan si Hesus, kahit na nakapako sa krus. Ang Krus ay simbolo ng Kanyang tagumpay, pagpapakababa, at paglilingkod sa atin.
Tularan natin si Kristong Hari sa paglilingkod sa kapwa-tao. Gaano man kataas ang posisyon ng isang tao sa kanyang buhay, siya’y dapat maglingkod rin sa kapwa. Sapagkat anuman ang ginagawa natin bilang paglilingkod sa kapwa natin, ginagawa natin ito kay Kristong Hari. Sa katapusan ng panahon, tayo’y gagantimpalaan ng Panginoong Hesukristo para sa mga mabubuting gawa sa ating kapwa. Paano Niya tayo gagantimpalaan? Isasama Niya tayo sa Kanyang kaharian sa langit – tulad ng pagsama Niya kay Dimas.
VIVA CRISTO REY!! VIVE CRISTUS REX!! MABUHAY ANG KRISTONG HARI!!
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19
Tayong lahat ay hindi mahilig sa mga katapusan, lalung-lalo na kapag magtatapos na ang mga programa sa telebisyon. Halimbawa lamang po nito ay ang programang Be Careful With My Heart sa ABS-CBN Channel 2. Siguro, marami na po ang nasawa sa panonood ng programang ito dahil sa sobrang haba nito. Pero, nang mabalitaan nila na ikakasal na sina Maya at Ser Chief sa Nobyembre 15, siguro nagulat sila. Kaya, marami ang nakatutok sa ABS-CBN sa araw ng kasal. Ang ibig sabihin ng kasal, malapit na magtapos ang Be Careful With My Heart. Kung kailan matatapos na ang programa, ayaw na nilang bumitaw. Nakakakilig much ang kwento nina Maya at Ser Chief, aaminin ko po. Papalapit na po tayo sa pagwawakas ng Taon K sa Kalendaryo Panliturhiya. Ang Taon ng Pananampalataya ay magwawakas rin po sa susunod na Linggo - ang Kapistahan ng Kristong Hari. Kaya, binibigyan tayo ng pagkakataon ng mga Pagbasa ngayon na pagnilayan ang katapusan ng panahon. Sa katapusan ng panahon, babalik ang Panginoong Hesukristo bilang Hari at Hukom ng lahat ng nabubuhay at nangamatay na tao. Hindi po permanente ang mga buhay natin dito sa lupa. Pansamantala lamang po ang mga buhay natin sa daigdig na ito. Balang araw, tayo'y mamamatay rin. Mahirap lang po sa atin siguro ay masakit itong tanggapin. Hindi natin kayang tanggapin ang masasakit na pananalitang ito. Ayaw natin pakawalan ang ating buhay. Napakahirap po para sa atin ang pakawalan ang mga bagay sa ating buhay, lalung-lalo na ang mga tagumpay, parangal, atbp. Natatakot tayong mamatay at mahirap para sa lahat ng tao ang huwag matakot sa kamatayan. Maraming kinakatakutan ang lahat ng tao, pero, mas natatakot tayo sa kamatayan. Maraming pangyayari dito sa mundo ang hinula ni Hesus. Una, may mga huwad na propeta na maghahanap ng atensyon. Ipagkakalat niya na siya ang Mesiyas at dumating na ang panahon. Lolokohin lamang ng mga propetang ito ang lahat ng mga makikinig sa kanya. Hindi galing sa Diyos ang mga sinasabi nila. Walang katotohanan sa mga sinasabi niya. Naghahanap lamang siya ng atensyon. Para bang tsismis. Napakahirap ang hindi mag-tsismis. Binababalaan tayo ng Panginoon na huwag magpahulog sa bitag ng kasinungalingan. Pangalawa, maraming mga kalamidad ang mangyayari. Maging lindol, bagyo, at marami pang iba, ito'y mangyayari. Ang ating bansang Pilipinas ay naging biktima ng dalawang kalamidad ngayong taong ito. Una, ang lindol sa Gitnang Kabisayaan,, lalung-lalo na po sa Bohol at Cebu. Nakita po natin sa mga larawan mula sa internet at telebisyon ang mga gusaling nawasak dahil sa lindol na ito. Pangalawa, ang bagsik ng bagyong Yolanda sa Silangang Kabisayaan, lalung-lalo na po sa Tacloban. Ito na ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayon. Kitang-kita sa mga larawan sa internet at sa telebisyon ang bagsik ng bagyong ito. Ilang araw na silang nagutom at hindi naligo, pero tiniis pa nila ang lahat ng iyon. Pero, tiniis nila iyon. Sila'y nagkaroon ng lakas upang tiisin ang paghihirap na iyon. Ngayon, kung itatanong ninyo kung malapit na ang pagwawakas ng panahon, ang sagot ko, hindi ko alam. Malapit na nga ba ang katapusan ng panahon? Hindi ko po alam. Sabi nga ni Kristo, walang nakakaalam dito. Kahit ang mga anghel at banal sa langit, kahit pa si Kristo mismo, hindi alam. Sino ang may alam kung kailan nga ba ang katapusan? Ang Amang nasa langit lamang. Ang Diyos Ama lamang mismo ang nakakaalam tungkol dito. Ang mga nagtiis at nanatiling tapat pa rin sa Diyos ay gagantimpalaan Niya sa buhay na walang hanggan. Tunay nga silang mapalad. Gagantimpalaan sila ng Diyos para sa pagtitiyaga nila sa buhay nila sa lupa. Hindi nila alam kung kailan mamamatay sila o kung kailan magwawakas ang panahon. Ang alam lamang nila, tatanggap sila ng gantimpala mula sa Diyos para sa pagtitiis para sa buhay na walang hanggan. Nawa, kabilang tayo sa mga makakamit ng buhay na walang hanggan dahil sa pagtitiis natin sa mga pagsubok dito sa lupa at pananatiling tapat sa Diyos at sa ating pananampalataya sa Kanya.
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon 2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20-27-38
Tayong mga Katoliko ay naniniwala sa muling pagkabuhay. Ang muling pagkabuhay ay binabanggit sa Kredo. Pinaniniwalaan natin na tayong lahat ay muling bubuhayin ng Panginoong Diyos. Ang Diyos natin ang muling bubuhay sa ating lahat sa muling pagkabuhay. Katulad ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, tayo ay sumasampalataya na tayo'y muling bubuhayin tulad Niya. Kapag tayo ay muling binuhay, hindi na mamamatay o mabubulok ang ating mga katawan. Ang ating mga katawan ay babaguhin ng Panginoon at ito'y magiging maluwalhati, tulad ng Kanyang katawan. Isang grupo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay ay ang mga Saduseo. Hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay. Naniniwala sila na kapag namatay ka na, iyon na iyon. Huwag kang mag-aaksaya ng panahon. Dapat magpakasaya ka sa buhay mo. Tapos na ang lahat kapag namatay ka na. Nakahimlay ka lang sa lupa. Walang langit, walang muling pagkabuhay. Ayon din sa mga Saduseo, kapag namatay ang isang tao, pumupunta sila sa tirahan ng mga patay. Ito ay tinatawag na Sheol. Sa lugar na ito, wala silang ugnayan sa Diyos at sa kapwa-tao na namatay kasama nila. Hindi sila makakatanggap ng anumang gantimpala mula sa Diyos. Magpakailanman silang magkahiwalay sa Diyos. Hindi sila makakapag-ugnay sa Diyos at kapwa. Nilapitan nila ngayon si Hesus sa Ebanghelyo upang tanungin tungkol dito. Gumawa sila ng kwento tungkol sa isang sitwasyon. May pitong lalaking magkapatid na nagpakasal sa iisang asawa. Nagpakasal ang una sa babaeng ito, hindi sila nagkaroon ng anak, at namatay ang lalaki. Ganun rin ang nangyari sa pangalawa at umabot pa sa pampito. Pagkatapos noon, pati ang babae ay namatay. Ang tanong nila sa Panginoon ay kung alin sa magkakapatid ang magiging asawa ng babaeng ito sa muling pagkabuhay. Sino sa pitong magkapatid na ito ang asawa ng babae sa kabilang buhay. Ang tawag sa pagpapakasal sa kapatid ng asawa mong sumakabilang buhay ay levirate marriage. Ito po ay isang tradisyon na ginagawa ng mga Hudyo. Inutusan ito ni Moises sa ika-25 kabanata ng aklat ng Deuteronomio. Ayon sa batas ng mga Hudyo, kapag pumanaw ang isang lalaki na walang iniwang anak sa kanyang asawa, pwedeng magpakasal ang babaeng ito sa kapatid ng kanyang asawa. Hindi siya maaaring magpakasal sa isang lalaking estranghero. Bakit naman nagtatanong ang mga Saduseo tungkol sa muling pagkabuhay? Kung hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay, bakit nila ito tinatanong sa Panginoon? Bakit nagtatanong sila sa Panginoon tungkol sa isang bagay na hindi naman nila pinaniniwalaan? Iisa lamang ang dahilan noon siguro - patunayan na hindi totoo ang muling pagkabuhay. Gusto nilang patunayan na tama ang kanilang tinuturo. Para bang may halong yabang sa sadya nila.
Tinutulan ni Kristo ang paniniwalang ito ng mga Saduseo. Ang sagot Niya sa tanong ng mga Saduseo ay kahit gaano mang kalakas ang kapangyarihan ng kamatayan, mas malakas pa rin ang kapangyarihan ng Diyos. Hindi mananaig ang kamatayan laban sa Diyos. Mas makapangyarihan ang Diyos kaysa sa kamatayan. Nagmula sa Diyos ang buhay ng lahat ng mga nilikha Niya at Siya ay Diyos ng buhay. Ang Diyos ang nagbibigay-buhay sa Kanyang mga nilikha. Siya lamang ang may karapatan sa buhay, kaya ang buhay ay dapat ginagalang. Pinatunayan ng Panginoon na mali ang tinuro ng mga Saduseo tungkol dito. Hindi naging matagumpay ang sadya ng mga Saduseo. Hindi na nilalapitan si Hesus upang magtanong. Lagi Siyang nananalo. Ang muling pagkabuhay naman ay iba sa ating buhay dito sa lupa. Ito'y hindi katulad ng buhay natin dito sa lupa na puno ng mga bisyo at kasalanan at mamamatay ulit. Reincarnation siguro ang tawag doon. Hindi sinasabi ng Panginoon na tayo ay magkakaroon ng reincarnation. Ibig sabihin noon, paulit-ulit tayong mamumuhay sa lupa. Ang tinuturo ng reincarnation ay kapag tayo'y namatay, mamumuhay tayo uli dito sa lupa. Pero, ibang uri nga lang. Halimbawa, kung ang isang tao'y namuhay bilang isang lalaki sa buhay na ito, sa susunod na buhay niya, siya'y magiging babae. O kaya ang isang tao ay magiging isang hayop o halaman. Hindi iyon tinuturo ng Panginoong Hesukristo. Ang muling pagkabuhay na itinuturo ni Hesus ay isang pamumuhay ayon sa Diyos. Hindi na tayo babalik sa dating kinagawian sa pagkabuhay na muli. Bagkus, tayo'y mamumuhay at mamamalagi ayon sa kalooban ng Diyos. Walang makakatalo sa kapangyarihan at buhay ng Diyos. Kahit ang sinumang hindi gumagalang sa buhay, kahit ang kapangyarihan ng kamatayan, hinding-hindi nila kayang magtagumpay laban sa Panginoong Diyos. Hindi matatalo ninuman ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ang laging mananaig sa huli.
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Ang pagmamahal ni Hesus sa templo ng Diyos ay masasaksihan natin sa Ebanghelyo ngayon. Nagalit Siya at pinalayas Niya ang mga nagbebenta at nagbibili sa templo. Sa halip na nagdarasal, nakikipag-usap at nakikipag-ugnay sa Diyos, sila'y nagbibili at nagbebenta. Mistulang palengke ang templo. Bakit pa naman humantong ang galit ni Kristo sa paggawa ng eksena at pagwala sa templo? Hindi nagpapasikat si Kristo. Talagang galit na galit Siya. Ang galit Niya at ang pagpapalayas sa mga nagbibili at nagbebenta sa templo ay isang pagpapadama ng pagmamahal Niya sa tahanan ng Kanyang Ama. Lubos Siyang nasaktan sa ginawang pambabastos sa templo. Hindi lang pisikal na gusali lamang ang templo ng Diyos. Ang ating mga katawan ay templo rin ng Diyos. Nananahan sa atin ang Espiritu Santo. Isang biyaya mula sa Diyos ang ating mga katawan. Siya ang may-ari ng ating katawan. Tayo'y mga katiwala o tagapangasiwa lamang. Paano nating pinagangasiwa ang ating katawan? May mga mabuting tagapangasiwa at may mga masama rin. Ang tanong - saan tayo kabilang? Paano tayo'y naging tagapangasiwa ng ating mga katawan? Ginagamit ba natin ang ating katawan sa mabuti o sa masama? May dalawang klaseng katiwala ng Templo ng Espiritu Santo. Ang una ay ang mga mabubuting katiwala. Umiiwas sila sa paggawa ng masama at gumagawa sila ng mabuti. Hindi sila abusado. Inaalagaan nila ang kanilang katawan sapagkat alam nila hindi pag-aari nila ang katawang ito, ang Diyos ang may-ari nito. Ang pangalawang uri ng katiwala ay ang mga masamang katiwala. Inaabuso nila ang kanilang katawan. Ginagamit nila ito sa masama. Wala silang pakialam o pangangalaga sa kanilang templo. Hindi nila nalalaman kung saan nanggaling ang kanilang mga katawan. Inaakala nila na dahil sila'y malaya at pinangasiwa ng Diyos ang katawan nila, pwede silang maging pasaway at sumuway sa kaloobann ng Panginoong Diyos. Kapag nakita ng Panginoong Hesus ang labas at loob ng ating katawan, matutuwa ba Siya sa nakita Niya? Titinginan ng Panginoon ang nasa labas at loob ng ating katawan, lalung-lalo na ang mga puso natin. Anong makikita ni Kristo sa atin? Kabutihan ba o kasamaan? Matutuwa ba Siya sa makikita Niya o hindi? Lahat ng iyon ay depende sa ating pangangasiwa sa ating mga katawan. Nawa matuwa ang Panginoong Hesukristo sa ating pangangasiwa sa ating mga katawan. Ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon ang ating mga katawan. Pagbutihin natin ang ating pangangasiwa. Huwag natin gamitin sa anumang masama ang ating mga katawan, kahit masyadong mahirap gawin. Gamitin natin ang ating katawan sa pagiging mabuti at huwag abusuhin ito. Kung hindi natin pinagbuti ang ating pangangasiwa, baka tumindi ang galit ni Hesus at kailangang linisin ang templo ng Diyos. Alagaan natin ang ating mga katawan, tulad ng pag-alaga ni Hesus sa templo ng Diyos.