Linggo, Marso 9, 2014

PANALANGIN: SANDATA LABAN SA KASAMAAN AT TUKSO

Unang Linggo ng Kuwaresma (A)
Genesis 2, 7-9; 3, 1-7/Salmo 50/Roma 5, 12-19 (o kaya: 5, 12. 17-19)/Mateo 4, 1-11


Sa pagwawakas ng panalanging itinuro sa atin ng Panginoong Hesukristo, ang Ama Namin, hinihiling natin sa ating Amang nasa langit na ilayo tayo sa tukso at iadya sa lahat ng uri ng kasamaan. Napakahirap kalabanan ang tukso, lalung-lalo na kapag mukhang maganda at masarap. Sinasabi pa nga ngayon, "Masarap ang bawal.

Matutunghayan po natin ang salaysay ng kauna-unahang kasalanan sa Unang Pagbasa. Ang unang kasalanang ginawa ng tao ay ang kasalanang ginawa nina Eba't Adan. Hindi nila sinunod ang utos ng Panginoon na huwag kumain ang bungang nagmumula mula sa puno sa gitna ng halamanan ng Eden. Bakit? Tinukso sila ng ahas. Nakakatuksong tingnan ang bungang iyon dahil sa pagtukso ng ahas kina Eba't Adan. Mas lalo pang natukso sina Eba't Adan nang sabihin sa kanila ng ahas na kapag kinain nila ang bungang iyon, matutulad sila sa Diyos at nakakaalam ng mabuti't masama. 

Ipinapaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na dalawang bagay ang pumasok sa mundo sa pamamagitan ng dalawang tao. Ang unang pumasok sa mundo ay ang kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan. Ang sangkatauhan ay nalugmok noong nagkasala si Adan at nahulog siya sa bitag ng tukso. Ang pangalawang pumasok sa mundo ay ang biyaya at pawawalang-sala ng Diyos. Ito'y sa pamamagitan ni Hesukristo. Kung si Adan ay sumuway sa kalooban ng Diyos, si Hesus ay nanatiling masunurin sa Diyos. Dahil dito, pumasok ang kaligtasan at biyaya ng Diyos sa mundo.

Ang Ebanghelyo tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma ay palagi tungkol sa pagtutukso kay Hesus sa ilang. Kagaya nina Eba't Adan, Siya'y tinukso. Pero, hindi nahulog sa bitag ng kasamaan si Hesus. Hindi nagpatalo si Hesus sa tukso. Tinanggihan at nilabanan Niya ang bawat tukso sa Kanya ni Satanas. Hindi lang isang beses tinukso si Hesus, kundi tatlo. Pero, nilabanan pa rin ito ni Hesus. Nanatiling matatag at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama. Kahit ilang beses pa Siyang tuksuhin ng demonyo, kahit isang milyong beses pang tuksuhin ng demonyo ang Panginoon, hindi magpapatalo ang Panginoon. 

Paano ba natin matutularan si Kristo sa pagtanggi at paglaban sa tukso? Sa pamamagitan ng panalangin. Kasabay ng pag-aayuno ni Kristo ay ang pakikipag-usap Niya sa Ama sa pamamagitan ng panalangin. Bago sinimulan ni Kristo ang Kanyang pangangaral, kinausap Niya muna ang Amang nasa langit upang patnubayan at gabayan Siya sa Kanyang misyon sa lupa. Sa pamamagitan ng panalangin, nagkakaroon tayo ng lakas na nagmumula mula sa Diyos. Kinakausap natin ang Diyos at humihingi sa Kanya ng patnubay. 

Sinabihan pa nga ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa Halamanan ng Hetsemani na manalangin upang hindi mapanaig sa kanila ang tukso. Aaminin ko po, mahirap umiwas sa tukso. Walang makakalaban sa tukso nang mag-isa lamang. Kailangan natin ang pamamatnubay at tulong ng Diyos upang magkaroon ng lakas na labanan at iwasan ang tukso. Kahit gaanong mas makapangyarihan sa atin ang demonyo, may mas makapangyarihan kaysa sa demonyo. Iyan ang Diyos, ang makapangyarihan sa lahat. Walang makakatalo sa Diyos. Hinding-hindi mananaig ang demonyo laban sa Diyos. 

Ang panalangin ay pampatibay ng pananampalataya. Kadalasan, ang mga tao ngayon ay wala nang oras magdasal. Nakakalungkot po. Ang hindi pagdarasal ay isang senyales o tanda na humihina na ang pananampalataya ng isang tao. Delikado na ang kanyang sitwasyon, hindi lamang ang pisikal, kundi ang espiritwal na kalagayan niya. Ang bawat taong nananalangin ay nakakaalala sa Diyos. Hinding-hindi natin malilimot ang Diyos kung tayo ay nagdarasal. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos, nagiging matatag tayo at ang ating pananalig sa Diyos, kahit na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 

Totoong may demonyo. Kung hindi tayo naniniwala na may demonyo, tayo ay nagkakamali. Ang paniniwalang walang demonyo ay isang kasinungalingan. Hindi lang magiging delikado ang kundisyon natin, manganganib tayo kung hindi tayo naniniwala na mayroong demonyo na nagtutukso sa atin araw-araw. Ang ating mga kaluluwa ang nakataya dahil dito. Ang paniniwalang ito ay isang plano ng diyablo na lokohin tayo at mahulog sa kanyang bitag. Walang ibang hangad ang demonyo kundi ang wasakin ang mga nilikha ng Diyos. Siya ay manloloko. Siya ang ating kalaban. 

Mahirap kalabanin ang demonyo at ang kanyang mga katuksuhan nang mag-isa lamang. Pero, kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makakapanaig sa atin? Kaya, mahalaga ang panalangin sa Diyos. Ang panalangin ay ang ating sandata laban sa mga kasamaan at tukso sa araw-araw. Nagiging matibay rin ang pananalig natin sa Diyos. Tayo at ang ating pananalig sa Diyos ay nagiging matatag araw-araw, lalung-lalo na sa gitna ng mga pagsubok. Sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na pananalangin sa Diyos, tayo ay ginagabayan at pinapatnubayan Niya sa araw-araw nating pamumuhay. 

Lunes, Marso 3, 2014

KUWARESMA: PANAHON NG PAGBABAGO, PANAHON NG PAGBABALIK-LOOB SA DIYOS

Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 



(Photo credits: rappler.com)

Sa araw na ito, sinisimulan po natin ang Banal na Panahon ng Kuwaresma. Ang Kuwaresma ang apatnapung araw na paghahanda para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskwal - ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Misteryo Paskwal ang sentro ng ating pananampalatayang Katoliko. Sumasampalataya tayo na si Hesukristo ay naparito sa lupa bilang tao, katulad natin. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay upang tayo ay maligtas. Sa pamamagitan ng paghahain Niya ng Kanyang sarili sa Krus, tayo ay Kanyang inililigtas mula sa ating mga kasalanan. 

Ang salitang 'Kuwaresma' ay galing sa salitang Espanyol na 'cuarenta.' Bakit kuwarenta? Ano nga ba ang meron sa numerong kuwarenta at ito'y napakaespesyal para sa Simbahan? Ang apatnapu o kuwarenta ay madalas gamitin sa Bibliya. Sa Lumang Tipan, apatnapung araw nanatili si Noe sa daong dahil pinabaha ng Diyos ang mundo. Si Moises ay nanatili sa bundok kasama ang Diyos nang apatnapung araw at gabi. Sa Bagong Tipan naman, apatnapung araw at gabing nag-ayuno si Kristo sa ilang bago Siya tinukso ng demonyo. Apatnapung araw din sinama ni Kristo ang Kanyang mga alagad pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. 

Napakaganda ng panahon ng Kuwaresma. Ibinibigay sa atin ng Santa Iglesya ang apatnapung araw ng Kuwaresma upang magnilay sa ating buhay. Kumusta nga ba ang buhay natin? Saan ba patungo ang buhay natin? Kung tayo ay naliligaw, huwag mawalan ng pag-asa. Maaari tayong mag-u-turn. Pinahihintulutan tayo ng Diyos na umikot kapag tayo ay naligaw. 

Maaari nating ilarawan natin ang panahon sa pamamagitan ng isang analohiya. Ilarawan natin sa ating isipan ang isang mananakbo sa isang karera. Mabilis siyang tumakbo, pero sa kalagitnaan ng karera, para bang napansin ng mananakbong ito na parang papalayo siya mula sa finish line. Doon nga niya natuklasan na naligaw na siya. Nawala siya sa ruta. Marami siguro ang nauna na sa kanya. Dalawang bagay lamang ang maaaring gawin ng mananakbong ito - sumuko at matalo, o umikot at sikaping bumalik sa ruta upang tapusin ang karera. Kung isa man sa atin ang karerang iyon, ano ang ating desisyon? Sumuko o laban pa? 

Ang Diyos ay nagpapahintulot na mag-u-turn tayo. Hindi pa huli ang lahat. Binibigyan tayo ng pagkakataon na magbagong-buhay. Paano? Ano ang paraang ito? Ang Sakramento ng Kumpisal. Hinihintay tayo ng Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal. Maganda po ang sinabi ni Santo Papa Francisco tungkol sa Kumpisal. Ang sabi niya ay hindi torture chamber ang Kumpisal. Wala dapat tayong katakutan para mangumpisal. Ang Diyos, sa pamamagitan ng pari, ang nagpapatawad sa ating mga kasalanan. 

Dalawa ang paalala sa atin ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang unang paalala ay magsisi at sumampalataya sa Mabuting Balita. Tinatawagan tayo ng Diyos na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Habang may panahon pa tayo, magbalik-loob tayo sa Diyos at humingi sa Kanya ng awa at kapatawaran para sa mga kasalanang ginawa natin. 

Ang pangalawang panawagan ay tayo ay nagmula sa lupa at sa lupa tayo babalik. May dalawang awit na pumasok sa isipan ko. Ang mga awiting ito ay Sino Ako? at Lupa. Napakaganda ng mga mensahe na makukuha natin mula sa dalawang awiting ito. Ang una, hiniram natin mula sa Diyos ang buhay natin. Ang Diyos ang may-ari ng buhay natin. Hinihiram lang natin ito. Ang pangalawa naman ay ang mga katawan natin ay nagmula sa lupa, at magbabalik tayo sa lupa. Mga tagapangasiwa lamang tayo ng ating katawan at buhay. Ang pag-aari ng ating katawan at buhay ay ang Diyos at Siya ang may-ari ng lahat ng bagay. Dapat huwag tayong maging abusado sa ating katawan at buhay. Pangasiwaan natin ang ating katawan at buhay nang mabuti. 

Sa Misa sa araw na ito, ang mga pari ay naglalagay ng krus na abo sa ating mga noo. May kahulugan ang abo. Ang abo ay sumisimbolo sa pagpapakumbaba. Tayo ay nagpapakumbaba sa harapan ng Diyos. Inaamin natin sa Diyos na tayo ay mga makasalanan at humihingi tayo ng kapatawaran para sa mga kasalanang nagawa natin. Hindi natin mabilang ang mga kasalanan natin. Marami tayong mga kasalanan. Dahil dito, nagpapakumbaba tayo sa Diyos at humihingi ng Kanyang awa at pagpapatawad. 

Sabi nga ni Santo Papa Francisco na ang Diyos ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang nagsasawang humingi ng tawad. Huwag tayong magsawa. Kung ang Diyos nga, hindi Siya nasasawa sa pagpapatawad, dapat hindi rin tayo magsawa sa paghingi ng kapatawaran mula sa Diyos. Maawain ang ating Panginoong Diyos. Hinihintay Niya tayo sa Sakramento ng Kumpisal. Tinatawag tayo ng Panginoon na magsisi at magbagong-buhay. Huwag na tayong magdalawang-isip tungkol sa Sakramento ng Kumpisal; dumiretsyo tayo sa confessional box. Magkumpisal tayo. Walang balak ang Diyos na itakwil tayo. Hinding-hindi itatakwil ng Diyos ang bawat makasalanang lumalapit sa Kanya upang humingi ng kapatawaran. 



Linggo, Marso 2, 2014

HINDING-HINDI NAKAKALIMOT ANG DIYOS

Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 49, 11-15/Salmo 61/1 Corinto 4, 1-5/Mateo 6, 24-34 


Ang awiting Hindi Kita Malilimutan ay hango mula sa Unang Pagbasa natin ngayon. Ang awitin ito ay isang mensahe ng Diyos para sa atin. Hinding-hindi tayo malilimutan o pababayaan. Tayong lahat ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Nilikha tayong lahat ng Panginoon. Paano hindi mapapahalagahan ng tagapaglikha ang isang bagay na kanyang nilikha? Paano bang pababayaan ng isang ina ang anak na siyam na buwan na dinala niya sa kanyang sinapupunan? 

Ganyang tayo kamahal ng Panginoon. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Siya ay kasama natin. Siya ang ating taga-akay. Inaakay Niya tayo kapag tayo ay naglalakbay sa buhay. Ang Panginoong Diyos ang ating Emmanuel. Siya ay palagi nating kasama. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Sa ating paglalakbay sa lupa, sinasamahan at ginagabayan tayo ng Panginoon. Bago pa man tayo isinilang, napakahalaga tayo sa Kanyang paningin. Tayo'y Kanyang inaruga dahil tayo'y napakahalaga sa Kanya. 

Marami po ang nawawalan ng pananalig sa Diyos. Sa bawat panahon ng pagsubok, para bang hindi natin mararamdaman ang yakap ng Diyos. Napapatanong natin sa ating sarili, 'Nasaan ang Diyos? Hindi ba hindi Niya tayo pababayaan? Bakit nagdurusa kami rito?' Tapos, may ilang nagsasabi, dahil sa sobrang galit, 'Walang Diyos!' Hindi nila maramdaman na kasama nila ang Diyos. Nasaan nga ba ang Panginoon sa panahon ng pagsubok? Nasaan ang Panginoon sa panahon na talagang kailangan Siya ng mga tao? 

Ito siguro ang dahilan kung bakit marami ang nawawalan ng pananalig sa Diyos. Pinagdududahan nila ang Panginoon. Bakit sa panahon na talagang kinakailangan ng mga tao ang tulong ng Panginoong Diyos, para bang hindi Siya maramdaman? Walang makapitan ang mga tao sa panahon ng pagsubok. Hindi na sila nananalig sa Panginoon. Bakit nga ba nawalan ng pananalig ang mga tao sa Diyos?

Sa ating Ebanghelyo, itinuturo sa atin ni Hesus na huwag mag-alala. Huwag tayong mangamba. Alam ng Diyos ang ating pangangailangan sa buhay. Alam ng Diyos ang ating sitwasyon sa buhay. Bago pa man tayo humiling sa Kanya, alam na ng Diyos kung ano ang ating hihingin sa Kanya at pangangailangan Niya. Ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang ating mga pangangailangan. 

Hindi na tayo dapat mag-alala pa. Hindi na tayo dapat mag-alinlangan tungkol sa Diyos. Mapagkakatiwalaan ang Diyos. Maasahan natin ang Diyos. Hinding-hindi Niya tayo bibiguin. Ang Diyos ay laging tapat at maaasahan. Ipagkakaloob Niya ang ating mga kahilingan kung ito'y ikabubuti sa atin. Ganyan tayong kamahal ng Diyos. Minamahal tayo ng Diyos katulad ng pagmamahal ng ama't ina sa kanilang mga anak. Ipagkakaloob Niya ang ating mga pangangailangan.

Kailangan nating manalig sa Panginoong Diyos. Hindi Siya dapat pagdudaan. Hindi Siya dapat subukan. Dapat tayong manalig sa Diyos. Huwag tayong mangamba. Hinding-hindi tayo kalilimutan ng Diyos. Paano ba tayong malilimutan ng Diyos? Mapagmahal ang Diyos, paano ba Niya tayo lilimutin? Huwag nating iisipin na kalilimutan tayo ng Diyos. Huwag nating tanungin 'Natutulog ba ang Diyos?' Hinding-hindi natutulog ang Diyos. Huwag rin nating sabihin na 'Walang Diyos!' Mayroong Diyos na nagmamahal, kumakalinga at gumagabay sa atin. 

Kahit hindi natin nakikita ang Diyos, Siya'y kasama natin. Ang Diyos ang ating Emmanuel. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Kahit hindi natin nakikita ang Diyos ngayon, Siya'y kasama natin hanggang sa katapusan ng panahon. Huwag tayong mangamba. Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Kanya. Kahit kailan, hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Hindi Niya tayo kalilimutan. Kung nakakalimot tayo, ang Diyos ay hindi nakakalimot. Napakatalino ng Diyos upang makalimutan tayo. Kung marami sa atin ay nakakalimot, hindi nakakalimot ang Diyos. Manalig tayo sa Kanya. Dapat manalig tayo sa Diyos na hindi nagpapabaya sa atin. 

Bilang pagtatapos, atin pong pagnilayan ang awit ng Diyos para sa atin. 

Hindi Kita Malilimutan 

Hindi kita malilimutan
Hindi kita pababayaan 
Nakaukit magpakailanman 
Sa Aking palad ang 'yong pangalan. 

Malilimutan ba ng ina 
Ang anak na galing sa kanya?
Sanggol sa kanyang sinapupunan, 
Paano niya matatalikdan? 
Ngunit kahit ng malimutan 
Ng ina ang anak niyang tangan 

Hindi kita malilimutan 
Kailanma'y di pababayaan. 
Hindi kita malilimutan 
Kailanma'y di pababayaan.



Linggo, Pebrero 23, 2014

ANG TUNAY NA PAG-IBIG – HINDI “ROMANTIC LOVE”

Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Levitico 19, 1-2. 17-18/Salmo 102/1 Corinto 3, 16-23/Mateo 5, 38-48

Ano ang unang pumapasok kapag napapakinggan natin ang salitang ‘pag-ibig’?  Madalas, ang unang pumapasok para sa marami, lalung-lalo na po ang mga Pilipino ay ang salitang ‘kilig.’  Halimbawa rito ay ang mga tagapagpasubaybay ng mga love story na pinapalabas sa telebisyon, maging sa ABS-CBN Channel 2 man o sa GMA-7.  Hindi ba, madalas, kinikilig ang mga tagapagsubaybay ng mga programang love story.  Kaya, maraming nagsasabing, ‘kilig much,’ ‘kilig to da bones,’ atbp.  Usung-uso po ngayon ang ‘romantic love.’

Si Hesus ay nagturo tungkol sa pag-ibig sa Ebanghelyo ngayon.  Pero, para sa mga mahilig sa mga nakakakilig na love story, hindi po ‘romantic love’ ang tinuturo ni Hesus.  Ang pag-ibig na tinuturo ni Hesus sa Mabuting Balita ay ‘agape’ o ang pag-ibig na walang kapalit, walang kundisyon, buong-buo.  Ito ang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat.  Minamahal tayo ng Panginoon ng buong-buo, walang kapalit.  Perpekto ang pag-ibig ng Diyos.

Ipinapakita rin ni Kristo na ang pagpapatawad ay isang gawa ng pag-ibig.  Dagdag ng Panginoon na dapat tayong umibig sa ating mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa atin.  Mahirap pong gawin iyon.  Bilang tao, may limitado ang ating pag-ibig at pasensya.  Madalas, nauubusan tayo ng pasensya sa isang tao dahil sa mga nagawang kasalanan laban sa’yo.

Ang pagpapatawad ay napakahirap gawin.  Bakit?  Sa tuwing nakikita natin ang taong nagkasala sa atin,  naalala natin ang kasalanan ng taong iyon sa atin.  Ang puso natin ay nasugatan dahil sa bigat ng kasalanang ginawa sa atin ng taong iyon.  Mas lalo pang masakit at masusugatan ang ating puso kung mabigat ang kasalanang ginawa sa atin ng isang matalik na kaibigan o mahal sa buhay.  Para bang hindi na natin alam kung sino ang ating mga kakampi.  Halos lahat ng tao sa buong mundo ay kalaban natin. 

Iilan lamang sa mga paraan ng pagkakasalang ginagawa laban sa atin ay ang pagkakanulo at pagkaila sa atin, ipahiya tayo sa harapan ng maraming tao, sirain ang ating mga pangalan at sirain ang reputasyon natin.  Halimbawa, kapag tayo ay binugbog sa harapan ng maraming tao na walang kalaban-laban, napapahiya tayo sa harapan ng maraming tao nakakakita sa pangyayari, lalung-lalo na po kung binugbog tayo sa isang pampublikong lugar. 

Ano ba ang nais nating gawin sa mga taong may mabigat na kasalanan laban sa atin?  Nais natin gumanti, hindi ba?  Gusto tayong makaganti sa kanila upang maramdaman at matikma nila ang sakit na pinadanas nila sa atin.  Katulad ng sinabi, “Mata sa mata at ngipin sa ngipin.” (An eye for an eye and a tooth for a tooth.)  Sa gayon, binayaran na nila ang kasalanan nila sa atin at makakahinga tayo ng maluwag.  Iyan ang kadalasang nais gawin ng lahat ng tao.  Balikan ang mga nagkasala sa atin upang makaganti.  Sabi nga rin, “Anuman ang inutang, iyon din ang kabayaran; kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran.” 

Pero, pagpapatawad ang tinuturo ni Hesus.  Tinuturo ni Hesus na walang kwenta ang paghihiganti.  Walang kabuluhan kapag tayo’y naghiganti.  Kaya, tinuturuan Niya tayo kung paanong umibig sa mga kaaway natin.  Ang paghihiganti, sa halip na magbibigay ng ginhawa, ay lalo pang magdadagdag ng galit at poot sa ating mga puso.  Hindi tayo hihilumin ng paghihiganti.  Mas lalo tayong mapapahamak kapag naghiganti tayo.  Ang paghihiganti ay hindi magkakaloob ng tunay na kapayapaan.  Mas maginhawa ang ating pakiramdam kapag tayo ay nagpatawad.  Hindi tayo nagkasala laban sa ating kapwa sa pamamagitan ng paghihiganti. 

Para sa ilan, masarap at maginhawa ang buhay kapag nakahiganti sila sa mga kaaway nila.  Makakahinga na sila ng maluwag kapag binayaran na ng kanilang mga kaaway ang mga inutang sa kanila.  Ang katotohanan, ang paghihiganti ay hindi nakakahilom.  Bagkus, ito ay nagpapabigat sa ating kalooban at ang galit ng isang tao ay nadadagdag dahil sa poot.  Hindi ito nakakabubuti para sa ating lahat.  Walang panalo sa paghihiganti.

Kung ang Diyos ay kayang magpatawad sa ating lahat, kahit sa pinakamabigat na kasalanan, tayo pa kaya?  Hindi po madaling tularan ang pag-ibig at awa ng Diyos.  Sapagkat ang Diyos lamang ang umiibig nang wagas, walang pagkukulang, walang kapalit,  walang katulad.  Mahirap mang umibig katulad ng Diyos, sikapin natin na tumulad sa pagmamahal ng Diyos sa atin. 

Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay ang tunay na diwa ng Sampung Utos ng Diyos.  Kaya ibinigay ng Diyos ng Sampung Utos ay upang turuan tayong magmahal.  Nawa’y sikapin nating umibig sa ating kapwa at sa ating mga kaaway.  Hindi po romantikong pag-ibig ang tinutukoy ng Panginoon.  Ang pag-ibig na itinuturo sa atin ng Panginoon ay ang Kanyang pag-ibig sa atin.  Gusto ninyo ng isang halimbawa.  Masdan ninyo ang crucifixo.  Masdan natin si Kristong nakapako sa krus.  Hindi kinailangan ni Kristo ang mamatay sa krus, pero pinili Niyang gawin iyon dahil tayo’y Kanyang mahal at patuloy na mamahalin.  

Sabado, Pebrero 22, 2014

SAN PEDRO APOSTOL: ANG UNANG SANTO PAPA NG SIMBAHAN

Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19 


Ang ating Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagkakilala ni Apostol San Pedro na si Kristo ang ipinangakong Mesiyas.  Sa pamamagitan ng sagot na ito sa tanong na ito ni Kristo, hinirang si Pedro ni Kristo bilang kauna-unahang Santo Papa ng Santa Iglesya.  Hindi galing sa tao ang sagot na ito, kundi ipinagkaloob ng Diyos kay Pedro ang sagot na ito.  Ang dating pangalan ni San Pedro bago niya sinagot ang katanungang ito ni Kristo ay Simon.  Pero, binago ng Panginoon ang pangalan ni Simon.  Ang pangalang ibinigay sa kanya ng Panginoon ay Pedro.  

Bakit Pedro?  Ang ibig sabihin ng pangalang Pedro ay bato.  Sa batong ito itinayo ni Hesus ang Kanyang Simbahan.  Itinatag ng Panginoong Hesukristo ang Santa Iglesya.  Si Apostol San Pedro naman ang batong ikinatatayuan ng Simbahan na itinatag ni Kristo.  Dito makikita natin ang pagiging bato ni Apostol San Pedro.  Ang Simbahang itinayo ni Kristo ay nananatili pa rin magpahanggang ngayon.  Tiniis ng Simbahan ang bawat pag-uusig at masasamang salita tungkol sa kanila.  Hinding-hindi nawasak ang Simbahan dahil sa batong ito.

May misyon na ipinagkakatiwala ang Panginoong Hesus kay San Pedro Apostol.  Ipinagkatiwala ni Hesus kay Pedro ang mga susi ng kalangitan.  Ang ibig sabihin ng mga susi na ito ay pamamahala.  Siya ang mamamahala at mamumuno sa pagpapatuloy ng misyon ni Hesus pagdating ng araw ng pagbabalik ni Hesus sa langit.  Alam ni Hesus na hindi Siya magtatagal sa mundong ito.  Balang araw ay babalik Siya sa langit.  Kaya, ipinagkatiwala ang pamamahalang ito kay Pedro upang ipagpatuloy ang mga aral ng Panginoong Hesus.  

Bilang tagapamahala ng Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa, nakaranas rin si Apostol San Pedro ng mga kahinaan at ng pagkakamali.  Ang Panginoon ang Siya lamang walang kasalanan o pagkakamali.   Napakahirap na tungkulin ang maging bikaryo ni Kristo dito sa lupa.  Noong nagsalita si Kristo tungkol sa Kanyang kamatayan sa Jerusalem, tumutol at naging hadlang si San Pedro at pinagsabihan Siya ng Panginoon.  

Noong bisperas ng kamatayan ng Panginoon, sinabi ni San Pedro na handa siyang ipagtanggol ang Panginoon upang hindi matuloy ang pagdakip sa Kanya.  Ngunit sinabi ng Panginoon na Siya’y ipagkakaila ni San Pedro Apostol bago tumilaok ang manok.  Gayon nga ang nangyari.  Nang makilala si Pedro ng ilang tauhan, tinanong niya kung siya nga ay tagasunod ng Panginoon, ipinagkaila niya ito.  Tatlong beses pa ginawa iyon ni Pedro.  At noong tumilaok ang manok, naalala niya ang mga sinabi ng Panginoon tungkol sa magaganap.

Pero, sa kabila ng mga kahinaan ni San Pedro, pinili pa rin siya ni Kristo.  Kahit napakarami Siyang mga kasalanan at pagkakamali, inamin niya ang pagkakamali.  Si Pedro ay nagpakababa at humingi ng kapatawaran mula kay Kristo.  Hindi siya nawalan ng pag-asa noong siya’y pagkakamali.  Nagturo ang Panginoon tungkol sa kabutihang-loob at awa ng Diyos.  Noong siya’y humingi ng kapatawaran mula sa Panginoon, pinatawad siya ng Panginoon.

Higit na dalawang libong taon na ang ating Simbahan.  Ang kasalukuyang Santo Papa natin ngayon na si Papa Francisco ang ika-266 na kasunod ni San Pedro bilang kahalili ni Kristo sa mundong ito.  Inaakay niya tayo papunta kay Kristo, ang tunay na pastol.  Ang Santo Papa ay ang tagapangasiwa, ang pastol natin sa mundong ito.  Pero, ang tunay na pastol ay si Kristo Hesus.    

Napakaraming ang umusig sa Simbahan noong mga nakaraang panahon, pero nananatili pa rin ang Simbahang itinatag ni Kristo.  Tiniis ng Inang Simbahan ang bawat pagsubok at magpahanggang ngayon ay nananatiling matatag pa rin ang Simbahan.  Ipinangako sa atin ng Panginoon na tayo’y Kanyang sasamahan hanggang sa katapusan ng sanlibutan.  Hinding-hindi tayo papabayaan ng Panginoon.  Siya ang tunay na pastol.  Tayo ang kanyang mga tupa.  Ano naman ang papel ng Santo Papa?  Siya ang tagapangasiwa ng tunay na pastol. 

Paano naging bikaryo o kahalili ni Hesus sa lupa ang Santo Papa?  Noong muling nabuhay si Hesus, inutusan Niya si Pedro, ang unang Santo Papa, na pakainin at alagaan ang Kanyang mga tupa (Juan 21, 15-19).  Sa pamamagitan ng mga utos ni Hesus, ipinagkakatiwala Niya kay Pedro ang pangangalaga sa mga tupa ni Hesus.  Ipinagkakatiwala Niya kay Pedro ang mga responsibilidad ng Santo Papa.  Akayin ang mga tupa ng Panginoon sa mundo. 

Naalala ko po noong nakaraang taon, inanunsyo ni Papa Emerito Benito XVI na siya’y bibitiw sa kanyang pwesto bilang Santo Papa.  Ang balitang ito’y nakakagulat para sa marami, sapagkat matagal na magmula noong bumitiw sa kanyang pwesto bilang kahalili ni Kristo sa mundo ang isang Santo Papa.  Pero, buong pagpapakumbaba inamin ni Papa Emerito Benito XVI na hindi na niya kayang gampanan nang mabuti ang pagiging Santo Papa.  Nagpakababa siya.  Inamin niyang hindi na niya kaya ang mga pananagutan bilang Santo Papa dahil sa kanyang katandaan at mahina na siguro ang kanyang katawan.  Ang Santo Papa Emerito Benito XVI ay kaisa natin sa paglalakbay natin sa lupa patungo kay Kristo, ang tunay na pastol.  Siya ay kasama natin at ni Papa Francisco sa paglalakbay tungo kay Hesukristo, ang tunay na pastol.  


Linggo, Pebrero 16, 2014

ANG TUNAY NA KALAYAANG DULOT NG KAUTUSAN

Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Sirak 15, 16-21 (gr.  15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 
(o kaya:  5, 20-22a.  27-28.  33-34a.  37)

Ang Unang Pagbasa natin ngayon ay tungkol sa kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos.  Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng kalayaan?  Upang tayo’y gamitin ito para sa kabutihan.  Ang utos ng Diyos ay gamitin ang kalayaang ito para sa kabutihan.  Ito’y para sa ating lahat.  Kapag sinusundan natin ang mga utos ng Diyos, ginagamit natin ang kalayaang ito sa wastong pamamaraan.  Huwag tayo’y abusuhin ito.  Hindi dapat abusuhin ang biyayang ito. 

Ang Ikalawang Pagbasa naman ay tungkol sa karunungan at kalayaan na galing sa mundong ito. Binababalaan tayo ni Apostol San Pablo na maaaring akayin ng mga ito patungo sa kapahamakan.  May pekeng kalayaan na ipinapakita ng mundo.  Huwag tayo magpapaloko sa kanila.  Ito’y isang babala mula kay Apostol San Pablo.  Huwag tayong mahulog sa bitay ng kasinungalingan tungkol sa kalayaan mula sa mundong ito. 

Sa ating Ebanghelyo, ipinapahayag ni Hesus na ang Kanyang misyon dito sa lupa.  Hindi Niya ipapawalang-halaga ang Kautusan.  Bagkus, naparito Siya upang matupad at bigyan ng halaga ang Kautusan.   Paano Niya tinutupad ang Kautusan?  Sa pamamagitan ng pag-ibig.  Ibinabalik ni Kristo ang tunay na diwa ng Kautusan.  Ano ang tunay na diwa ng Kautusan?  Pag-ibig.

Napakahalaga ang pagsunod sa batas.  Ang dahilan ng pagsunod sa pisikal na batas ay para sa ating kabutihan natin at ng ating kapwa.  Halimbawa, bakit pinapatigil natin ang ating sasakyan kapag kulay pula ang stop light?  Upang mabigyang daan ang iba pang mga sasakyan at kung sakaling may mga taong tumatawid sa kalsada, makakatawid sila, lalung-lalo na po kapag matanda.  Nagsasakripisyo tayo ng oras upang makatulong sa ating kapwa.  Walang hari o reyna ng daan.  Kaya, dapat, huwag tayong magreklamo. 

Ang pisikal na pagsunod sa batas ay hindi sapat para sa Panginoon.  Maaaring maging malaya ang isang tao nang pisikal, pero, ang kanyang puso ay bihag ng kasamaan.  Kahit ang pisikal na tao ay malaya, pwede rin siyang maging bihag ng kasalanan.  Ginamit ng Panginoon ang ika-5, ika-6 at ika-8 na utos upang mailarawan kung paano ito maging posible.  Ang pakikiapid, ang pagpatay, at ang pagsaksi ng walang katotohanan laban sa kapwa o ang pagsisinungaling. 

Unahin muna natin ang pagpatay.  Kahit hindi natin pinapatay ang ating kapwa, ang pamumuhay bilang alipin ng galit at poot ay tumutulong sa pagpatay sa kapwa.  Ito ay nagpaparumi sa ating mga puso.  Ang pamumuhay bilang bihag ng galit at poot ay nagbibigay ng pagnanasa upang patayin ang ating kapwa.  Sa paraang iyon, tayo ay nagkakasala, kahit hindi natin pinatay nang pisikal.

Ang pangalawa naman ay tungkol sa pakikiapid.  Paano nakikiapid ang isang tao?  Pagkakaroon ng kabit o kerida, hindi ba?  Iyon ang pinakamasikat na pamamaraan ng pakikiapid.  Pero, hindi lang iyon ang nag-iisang paraan ng pakikiapid.  Ano pa ang mga iba pang pakiapid?  Binabanggit na ito ng Panginoong Hesus.  Ang pagtingin sa isang babaing maganda nang may pagnanasa.  Ang pagiging malisyoso.  At kung inaakala ng mga tao na pag-ibig ang pagtatalik sa hindi mo pa namang asawa o kaya sa labas ng kasal, nagkakamali sila.  Hindi na iyon pag-ibig.  Pangangalunya o pakikiapid na iyon.

Kakatuwa lang, coincidentally, noong nakaraang Biyernes, Valentine’s Day o Araw ng mga Puso.  Ito siguro ang araw ng kakiligan.  Pumasok po tuloy sa aking isipan ang kanta ni Imelda Pampin.  Ang kantang ito ay “Isang Linggong Pag-Ibig.”  Nagkakilala noong Lunes, nagtapat ng pag-ibig noong Miyerkules at nagmamahalan noong Biyernes.  Maayos ang pagmamahalan nila mula Lunes hanggang Biyernes.  Pero, nagbago ang lahat noong Sabado.  Bakit?  Nagkatampuhan ang mag-nobyo.  At pagsapit ng Linggo, iniwan na.  Nagkahiwalay.  Ganyan ba ang pag-ibig na dapat ipakita sa ating minamahal sa buhay?  Isang linggo lang ang tagal?

Para kay Hesus, ang pag-ibig ay dapat ipakita natin araw-araw.  Hindi lamang isang linggo.  Dapat, sa bawat araw ng ating buhay, minamahal natin ang kapwa.  Hindi po romantic love ang tinutukoy dito ni Hesus.  Ang pag-ibig na galing sa Diyos ay dapat nating ipakita at ipadama sa ating kapwa.  Ang Diyos lamang ang umiibig nang wagas.  Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig sa atin.  Ang Diyos lamang ang may tunay at perpektong pag-ibig.

Mahirap pong umiwas na tumingin sa mga babae na maganda  Pero, yun nga lang, ang dulot ng pagtingin sa kanila nang matagal ay pakikiapid.   Hindi ba, napapatulo ang laway ng isang lalaki kapag nakakita siya ng isang maganda at sexy pa?  Kapag tumingin siya nang matagal, mga isang minuto na siguro, iyan na.  Sintomas na iyon ng pakikiapid.  Kahit hindi pwede, parang nais magtalik ang lalaki sa isang babaeng maganda.  Pag-ibig ba iyon?  Malaya ba ang taong iyon?  Hindi!  Nabubuhay siya bilang alipin ng pakikiapid.

Pangatlo, ang utos laban sa pagsaksi ng masama laban sa kapwa na mas kilala bilang pagsisinungaling.  Marami pong mga kasinungalingan sa mundo bawat oras.  Pero, may isa pang paraan ng pagsisinungaling.  Alam po ba ninyo yung mga oath taking sa mga opisyal ng pamahalaan?  Gamitin natin ito bilang isang halimbawa.  Bakit magsusumpa ang isang opisyal ng gobyerno kung sa tingin niya ay hindi niya kaya ang pananagutan ng pagiging isang opisyal sa pamahalaan?  Hindi ba, pagsisinungaling na iyon.  Sa pamamagitan nito, niloloko niya ang kanyang mga kababayan.  Hindi niya ipinapakita ang kanyang pag-ibig sa bayan.

Ibig sabihin ng pangatlo, magpakatotoo ka.  Kung hindi ka pa handa, aminin mo, hindi ka pa handa at hindi mo pa kaya ang pananagutang ito.  Kung handa ka na, sabihin mo yung totoo.  Siguraduhin mo na nagpapakatotoo ka.  Iyan ang isa pang hamon mula sa Panginoon.  Magpakatotoo sa sarili at sa kapwa. 

Kapag pinaglingkuran natin ang Diyos, tayo’y makakaranas ng tunay na kalayaan upang mabuhay.  Paano natin mapaglilingkuran ang Diyos?  Iilan lamang sa maraming paraan ay ang pagtanggal, pag-iwas at pagtakwil sa mga masasamang gawain, katulad ng pagpatay, pakiapid at pagsisinungaling.  Kapag sinikap nating umiwas sa kasalanan, tayo ay nabubuhay sa kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos.  Ito’y paraan ng paglingkod sa Diyos.  Binibigyan tayo ng kalayaan ng Diyos upang gumawa ng mabuti.  Huwag nating abusuhin ang kalayaang ito.  Isa itong biyaya mula sa Diyos.  Huwag tayong maging abusado o abusada sa biyayang ito mula sa Diyos.  

Linggo, Pebrero 9, 2014

ANG ATING MISYON: PAGIGING ASIN AT LIWANAG SA SANLIBUTAN

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 58, 7-10/Salmo 111/1 Corinto 2, 1-5/Mateo 5, 13-16


Ang Unang Pagbasa po ay tungkol sa mga korporal na gawa ng awa.  Pito po ang mga korporal na gawa ng awa.  Ilan lamang po sa mga gawaing ito ay ang pagpapakain at pagpapainom sa mga nagugutom at nauuhaw, pagpapatuloy sa mga walang matutuluyan at pagpaparamit sa mga walang damit.  Sa pamamagitan ng paggawa ng mga korporal na gawa, ipinapakita natin ang ating tulong sa ating kapwa-tao na nangangailangan. 

Ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa-tao ay ang pagiging liwanag sa sanlibutan.  Hindi lamang ito para sa mga Israelita kundi para sa ating lahat.  Paano tayo magiging liwanag ng mundo?  Sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.  Dagdag pa ng Panginoon sa ika-25 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo na ang mga ginagawa natin sa ating kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga ginagawa natin para sa Kanya. 

Sa Ikalawang Pagbasa naman, makikita natin kung paanong si Apostol San Pablo ay nangaral sa mga taga-Corinto.  Hindi siya nagturo ayon sa karunungan ng tao, kundi ginabayan siya ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan ng Diyos.  Noong pumunta siya sa Corinto upang mangaral tungkol kay Kristo, hindi siya naging masikat.  Hindi siya kilala.  Para bang low-profile ang pagdating ni San Pablo Apostol sa Corinto.

Bilang isang dayuhan sa Corinto, siyempre natakot si Apostol San Pablo.  Hindi porke’t na isa siyang santo, wala na siyang kahinaan.  Kapag lumilipat tayo sa ibang lugar, hindi ba kinakabahan o natatakot tayo?  Hindi kasi tayo kilala sa lugar na iyon, di tulad ng lugar na kung saan tinitirhan natin, marami tayong kakilala.  Si San Pablo Apostol rin ay natakot din.  Ngunit sa tulong ng Diyos, nangaral siya tungkol kay Hesukristo.  Siya’y ginabayan ng Diyos sa kanyang misyon. 

May misyon na ipinagkakatiwala sa atin si Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon.  Ito po ay pagiging mga asin at liwanag ng sanlibutan.  Napakahirap na pananagutan ito.  Isa itong biyaya mula sa Panginoon.  Pero, mahirap para sa atin ang gampanan ang misyong ito.  Paano nating magagampanan ang malaking pananagutang ito ipinagkakatiwala sa atin ni Kristo?  Masyadong mahirap ito.  Napakalaki ang pananagutang ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon.

Ang kabuluhan ng misyong ito ay upang magbigay ng papuri sa Diyos ang lahat ng tao.  Kahit gaanong kalaki at kabigat ang misyong ito, ito’y hindi para sa atin.  Ito’y para sa Diyos.  Hindi lamang po para sa mga Israelita o Hudyo sa Unang Pagbasa ang pagiging liwanag ng mundo.  Hindi lamang po para sa mga alagad ang misyong ito.  Para sa ating lahat ang misyong ito. 

Papaano ba tayong maging mga asin at liwanag ng mundo?  Sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.  Kung ano ang ginawa nating mabuti para sa ating kapwa-tao, ginagawa natin ito kay Hesus at para kay Hesus.  Maraming paraan upang gumawa ng mabuti sa kapwa-tao.  Katulad lamang ng mga korporal at espirituwal na gawa ng awa.  Pagpapakain sa mga nagugutom, pagpapatuloy sa mga walang tirahan, pananalangin para sa kapwa, at marami pang iba. 

Pero, isang babala lamang.  Huwag gawing pampasikat ang pagpapagawa ng mabuti sa kapwa.  Ang misyong ito ay hindi upang magkaroon ng mga tagahanga.  Kung gusto niyong sumikat, gumawa na lang kayo ng pelikula o pumasok sa palakasan (sports).  Hindi pampasikat ang misyon ito.  Hindi dapat pakitang-tao ang ating mga ginagawa nating paglingkod sa Diyos.  Hindi dapat tayo ang bida.  Dahil kung tayo ang naging bida, hindi natin ginagampanan ng tama ang ating misyon bilang tagapaglingkod ng Diyos.

Napakaraming paraan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.  Kabilang na rito ang pagkakawang-gawa at pananalangin sa Diyos para sa kapwa-tao na nabubuhay at ang mga namayapa na.  Ang tanging layunin ng ating misyon bilang asin at liwanag ng sanlibutan ay upang maparangalan ang Diyos.  Hindi tayo ang bida; ang Diyos ang bida.  Siya ang humirang at nagsugo sa ating lahat bilang misyonero, pari, obispo, madre, at maging mga layko.   Pero, gumawa tayo ng kabutihan nang may pagpapakumbaba.  Magpakababa tayo at ipahayag natin ang Mabuting Balita ng Panginoon sa pamamagitan ng ating salita at mabubuting gawa.  Iyan ang pagiging asin at liwanag ng sanlibutan.