Linggo, Marso 13, 2022

WALANG HADLANG SA PAG-IBIG

IKATLONG WIKA (Juan 19, 25-27): 
"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina!" 

Albrecht Altdorfer, Christ on the Cross with Mary and John (Public Domain)

Tinalakay sa pelikulang Maquia: When the Promised Flower Blooms ang pag-ibig ng isang ina para sa kanyang anak. Ang anime na pelikulang ito ay nakasentro sa isang batang babaeng nagngangalang Maquia na nagmula sa Iorph. Sa Iorph, nakatira roon ang mga nilalang na namumuhay sa loob ng napakahabang panahon. Dahil dito, hindi sila bumubuo ng mga ugnayan sa tao. Mauunang mamamatay ang mga tao kaysa sa kanila. Sa kabila ng kanyang lahi at pagiging bata, ipinasiya ni Maquia na maging ina ng isang batang lalaking ipinangalan niyang Ariel. Maraming hinarap na pagsubok at hamon si Maquia sa kanyang buhay noong tumayo siyang ina ni Ariel. Subalit, hindi pinagsisihan ni Maquia na mahalin si Ariel bilang kanyang anak sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba (si Ariel ay tao habang si Maquia ay taga-Iorph). 

"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina" (Juan 19, 25-27). Ang mga salitang ito ay binigkas ni Hesus nang Kanyang makita ang Kanyang inang si Mariang Birhen at ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Habang nakabayubay sa krus, nakita ni Hesus ang pagdurusa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tahimik na nakiisa si Maria sa pagdurusa ni Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ng Birhen ang kanyang pagmamahal para kay Hesus. Tunay na minahal ni Maria si Hesus bilang isang anak. Sa kabila ng pagiging Diyos ni Hesus at ang pagiging isang tao ni Maria, hindi ito naging hadlang para sa kanya upang ibigin ang Panginoon bilang anak. Ang Mesiyas na si Hesus ay inibig ni Maria bilang kanyang Anak nang buong katapatan.

Minahal rin ni Hesus si Maria bilang Kanyang Ina. Bagamat alam ni Hesus na Siya ang tunay na Diyos habang si Maria naman ay isang simpleng babae mula sa Nazaret, hindi ito naging hadlang para kay Hesus na mahalin si Maria bilang Kanyang Ina. Ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesus ay hindi naging hadlang para sa Kanya na ibigin ang Mahal na Birheng Maria bilang Kanyang Ina. Kung paanong si Hesus ay minahal ng Birheng Maria bilang kanyang Anak nang buong katapatan, inibig rin siya ni Hesus bilang Kanyang Ina nang buong katapatan.

Sa sandaling ito na puno ng kadiliman at hapis, pinatunayan nina Hesus at Maria na tunay ang kanilang pag-ibig para sa isa't isa. Sa mga sandaling ito, nanatili sa tabi ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria. Kung babasahin natin nang mabuti ang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus, mapapansin natin na isang lalaki lamang - ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan - ay nanatili sa Kanyang tabi sa mga sandaling iyon. Ang ibang mga nanatili sa tabi ni Kristo ay mga babae. Isa sa mga babaeng ito ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Sa pamamagitan ng pananatili sa tabi ni Hesus hanggang sa pagkamatay Niya sa krus, ipinakita ng Mahal na Birhen ang kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak. Iyan ang dahilan kung bakit siya nanatili sa tabi ni Kristo, kahit napakasakit itong makita. 

Habang nakabayubay sa krus, nakita ni Hesus si Maria sa paanan nito. Nang makita ng Panginoong Hesus mula sa krus ang Mahal na Birhen, nakita Niya kung paanong tahimik na nakiisa sa Kanyang pagdurusa ang Mahal na Birhen. Nakita ni Hesus kung paanong nanatili sa Kanyang tabi nang buong katapatan ang Mahal na Ina. Tiyak na sinariwa rin ni Hesus sa mga sandaling ito kung paanong si Maria ay inalagaan Niya matapos mamatay si San Jose. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala ni Hesus kay Apostol San Juan ang Mahal na Inang si Maria. Dahil ang Mahal na Ina ay tunay ngang inibig ni Hesus bilang Kanyang Ina, ipinagkaloob siya ni Hesus sa Kanyang Simbahan upang maging kanya ring Ina. Dahil sa pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa kanya, binigyan siya ng karangalan ni Kristo upang maging ina ng Simbahan. 

Itinuturo sa wikang ito ni Hesus kung bakit ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging Ina ng Simbahan. Walang naging hadlang para sa Mahal na Birhen na umibig bilang Ina. Hindi naging hadlang ang pagka-Diyos ni Hesus o ang mga pagkutya ng mga tao sa Kanya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Nanatili siyang tapat sa kanyang pag-ibig para sa kanyang Anak na si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Mahal na Ina ay hindi pumayag na may pipigil o hahadlang sa kanya upang ibigin si Hesus bilang kanyang Anak. Katulad ni Hesus, ipinasiya ni Maria na umibig nang tapat at totoo bilang Ina. Kaya naman, ibinigay ni Hesus si Maria sa Simbahan. 

Sabado, Marso 12, 2022

HANDA SIYANG PAKINGGAN ANG ATING PAGTIKA

IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 

Jan Snellinck, The Crucifixion with the Two Thieves (Public Domain)

Isa sa mga masikat na anime na ipinalabas noong dekada '90 ay ang Rurouni Kenshin na kilala rin sa Pilipinas bilang Samurai X. Ang nasabing serye ay nakatutok sa isang dating mamamaslang na nangangalang Himura Kenshin. Noong namumuhay pa siya bilang isang kinatatakutang mamamaslang, kilala siya bilang Hitokiri Battousai. Sa tuwing inuutusan siyang pumatay ng tao, nagagawa niya ito agad noong kilala pa siya bilang Hitokiri Battousai. Subalit, noong ipinasiya niyang talikuran ang pagiging mamamaslang at magbagong-buhay, ginamit ni Kenshin ang kanyang katana hindi upang pumatay ng tao kundi upang ipagtanggol ang mga inosenteng naaapi na hindi pumapatay. Hindi na niya ginamit ang kanyang katana upang pumatay ng tao dahil labis niyang pinahalagahan ang buhay ng bawat tao. Ang masikat na seryeng ito, na hango sa isang masikat na manga, ay mayroong live-action adaptation kung saan ang mga karakter ay ginagampanan ng mga aktor. 

Tinalakay sa Rurouni Kenshin ang tema ng pagbabagong-buhay. Ang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Diyos ay ang temang binibigyan ng pansin sa Ikalawang Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus. Ang Ikalawang Wika ng Panginoon mula sa krus ay bahagi ng isang usapan. Isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo ay Kanyang nakausap. Ang salaring ito ay nagpasiyang magtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Sa tradisyon, ang salaring nagpasiyang magtika bago siya mamatay ay kilala sa pangalang Dimas. Sabi rin sa tradisyon na pagnanakaw ang sala ng salaring ito. 

Sabi sa Banal na Kasulatan na si Hesus ay ipinako sa gitna ng dalawang kriminal "- isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa" (Juan 19, 18). Narinig ni Hesus ang mga salitang namutawi mula sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya. Subalit, isa lamang sa dalawang ito ay nakausap ni Hesus. Ipinasiya ni Hesus na kausapin at ipangako sa kriminal na ito na makakapasok ito sa Kanyang kaharian sa langit - ang kriminal na buong kababaang-loob na nagtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay. 

Narinig rin ni Hesus ang mga salitang binigkas ng salaring hindi nagtika na kilala sa tradisyon bilang si Hestas. Katunayan, nagsalita lamang si Hesus matapos magsalita ang dalawang salarin. Subalit, hindi Niya kinausap si Hestas. Wala Siyang sinabi kay Hestas sapagkat ipinasiya ng salaring ito na maging matigas ang puso. Ipinasiya ng salaring ito na isara ang kanyang puso sa pag-ibig at awa ng Diyos. Malinaw naman ito kung babasahin natin nang mabuti ang salaysay ng sandaling ito. Ipinasiya niyang makisabay sa pagkutya kay Hesus. Sabi niya kay Kristo: "Iligtas Mo ang Iyong sarili at pati na rin kami, kung Ikaw talaga ang ipinangakong Mesiyas" (Lucas 23, 39). Sa mga katagang ito ni Hestas, napakalinaw na wala siyang balak magtika. Katunayan, hindi lamang isinara ang kanyang puso. Ipininid pa nga niya ito. 

Kung ipinasiya ni Hestas na isara at ipinid ang pintuan ng kanyang puso sa pag-ibig at awa ng Diyos, ibinukas naman ni Dimas ang pintuang ito. Maliwanag naman ito sa hiling niya kay Hesus: "Hesus, alalahanin Mo ako kapag naghahari Ka na" (Lucas 23, 42). Sa mga salitang ito, ipinakita ni Dimas ang kanyang pagiging bukas sa biyaya ng Diyos. Dahil sa Panginoon, ang salaring si Dimas ay napukaw na ibukas ang kanyang puso at tanggapin ang biyaya ng pag-ibig at awa ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya niyang magtika sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo kasama si Kristo. 

Dalawang aral ang nais ituro ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito. Una, may pag-asa para sa bawat isa sa atin habang namumuhay pa tayo sa mundong ito. Habang namumuhay at naglalakbay pa tayo dito sa mundo, mayroon tayong pag-asa upang talikuran ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Habang may buhay, huwag natin aksayahin ang bawat pagkakataong ibinibigay Niya sa atin upang makipagkasundo sa Kanya. Pangalawa, ang ating taos-pusong pagtitika ay Kanyang pakikinggan. Pinakikinggan naman Niya ang lahat. Subalit, ang mga nagbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso ay mas pagtutuunan Niya ng pansin. Natutuwa nang labis-labis ang Diyos sa mga taos-pusong nagbabalik-loob sa Kanya. 

Habang namumuhay pa tayo dito sa lupa, patuloy tayong binibigyan ng Panginoon ng pagkakataong magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating sayangin ang biyayang ito na kaloob ng Diyos sa atin. Lagi Siyang handang makinig sa mga nagtitika sa Kanya nang taos-puso. Buksan natin ang ating mga puso sa Kanyang pag-ibig at awa. 

Biyernes, Marso 11, 2022

HINDI MANHID ANG DIYOS

UNANG WIKA (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 

Unidentified painter (Flemish School), The Raising of the Cross (Public Domain)

Minsang nasabi ni Hesus sa isa sa Kanyang mga pangaral sa mga tao na "kung ano ang bukambibig [ay] siyang laman ng dibdib" (Lucas 6, 45). Nasaksihan ito sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus. Katunayan, bago pa man Siya nakarating sa bundok ng Kalbaryo, narinig ni Hesus ang laman ng puso ng maraming tao. Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, narinig Niya ang walang tigil na paglibak ng Kanyang mga kaaway. Mula sa sandali ng pagadakip sa Kanya sa Halamanan ng Hetsemani, puro paglibak at pagkutya lamang ang narinig ng Panginoong Hesukristo. Sinulit nila ang bawat pagkakataon upang saktan si Hesus. Ang kanilang pananakit kay Hesus ay 'di lamang pisikal. Bagkus, pati ang damdamin ni Hesus ay sinaktan nila.

Kung tayo ang nasa posisyon ni Hesus, hindi tayo papayag na kutyain at saktan na lamang tayo ng ating mga kaaway. Makikipaglaban tayo. Makikipagsabayan tayo sa paglibak at pananakit. Kukutyain rin natin at sasaktan ang ating mga kaaway. Handa tayong gawin ang lahat upang maipagtanggol ang ating dangal na pilit niyuyurakan ng ating mga kaaway. Hindi tayo papayag na basta na lamang ganyanin ang ating dangal bilang tao. Gagawin natin ang lahat para lamang makapaghiganti. Tiyak na mapapadali ang ating paghiganti sa kanila kung mayroon tayong Death Note tulad ni Light Yagami dahil mamamatay sila kapag naisulat natin ang kanilang mga pangalan sa nasabing kuwaderno. Kung may kani-kaniyang Death Note ang bawat isa sa atin tulad ni Light Yagami, mapapabilis ang ating paghiganti laban sa ating mga kaaway. 

Subalit, bagamat Diyos si Hesus at kaya Niyang gawin kung ano ang Kanyang naisin, wala Siyang ginawa upang mapahamak at malipol ang Kanyang mga kaaway. Hindi binalak ni Hesus na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang saktan o kaya naman lipulin ang Kanyang mga kaaway. Mayroon namang kapangyarihan ang Panginoong Hesus na gawin iyan dahil Diyos naman Siya. Subalit, ipinasiya ni Hesus na gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang magpatawad. Ipinasiya Niyang ipanalangin ang Kanyang mga kaaway upang maranasan nila ang habag at kapatawaran ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway, si Hesus ay nagpasiyang magpakita ng awa sa mga kaaway. Iyan ang ganti ni Hesus. 

Huwag nating kakalimutan na si Hesus ay labis na nasaktan noong sinambit Niya ang mga salitang ito ng pananalangin sa Ama. Napakalinaw naman ng pisikal na sakit sa Kanyang Katawan. Subalit, hindi lamang Siya nasaktan dahil sa latigo, sa koronang tinik, sa bigat ng krus, at mga pako. Nasaktan rin Siya dahil sa mga salitang binigkas ng Kanyang mga kaaway. Ang mga salitang binigkas ng Kanyang mga kaaway sa mga sandaling iyon ay naghatid ng matinding sakit sa Kanyang puso. Subalit, ipinasiya pa rin ni Hesus na manalangin para sa Kanyang mga kaaway. 

Itinuro ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito na pati ang Diyos ay nasasaktan. Sa mga sandaling iyon, tiyak na nahirapan si Hesus sa pagpapatawad. Kaya, sa halip na tuluyang mapahamak ang Kanyang mga kaaway, ipinasiya Niyang manalangin para sa kanila. Patunay lamang ito na hindi manhid ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ay nakakaramdam rin ng sakit. Subalit, sa kabila ng matinding sakit dahil paulit-ulit na lamang nagkakasala laban sa Kanya ang tao, ipinasiya pa rin Niyang magpakita ng awa sa kanila. Tao na mismo ang magpapasiya kung hahayaan nilang baguhin sila ng Diyos na puspos ng awa at kapatawaran. 

Ang Diyos ay hindi manhid. Hindi porke't Diyos Siya, hindi na Siya nakakaramdam ng sakit. Alam Niya kung ano ang nararamdaman ng mga nasasaktan. Pinatunayan ito ng nakapako sa krus na si Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, niloob ng Diyos na dumanas Siya ng matinding sakit dahil sa Kanyang pag-ibig at habag para sa atin. 

Huwebes, Marso 10, 2022

さようなら (ROMAJI: SAYOUNARA)

8 Abril 2022 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
(Viernes de Dolores) 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42 

Lorenzo Lotto, Christi Abschied von Maria (Public Domain)

Sa wikang Hapones, may iba't ibang salitang ginagamit kapag magpapaalam sa mga kakilala ang isang taong aalis. Isa sa mga salitang ito ay ang salitang じゃあね (Romaji: jaa ne). Ang salitang ito ay ginagamit kapag nagpapaalam sa mga kaibigan at makakaasang muli kayong magkikita sa madaling panahon. Ang isa naman ay しつれいします (Romaji: Shitsureeshimasu). Ginagamit naman ang salitang ito kapag aalis ang isang estudyante mula sa opisina ng isang guro. Ang isang salita naman ay いってきます (Romaji: itte kimasu). Ang salitang ito ay kadalasang ginagamit kapag nagpapaalam ang mga anak sa mga magulang bago pumasok sa eskuwela o kaya kapag mayroon silang pupuntahan kasama ng kanilang mga kaibigan at kakilala. Ang pinakamasikat na salita, さようなら (Romaji: sayounara) ay bihira lamang gamitin dahil masyado itong madamdamin. Kapag ginamit ang salitang ito, ibig sabihin noon, hindi magkikita muli ang mga magkakapamilya, magkakaibigan, o magkakakilala sa loob ng mahabang panahon. Baka nga hindi na sila magkita muli. Kapag nagkita sila uli, tiyak na marami na ang nangyari. Kaya, tanging mga estudyante lamang ang mga gumagamit nito araw-araw kapag magpapaalam sa guro pagkatapos ng klase. 

Tinatawag na "Viernes de Dolores" ang Biyernes bago ang Linggo ng Palaspas. Sa araw na ito, ginugunita natin ang Hapis ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat may ibang petsang inilaan ang Simbahan para sa liturhikal na pagdiriwang ng Paggunita sa Pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria (15 Setyembre), pinahihintulutan pa rin ng Simbahan ang tradisyunal na pagdiriwang na ito sa kasalukuyan upang lalo pa nating maihanda ang ating mga sarili para sa paggunita sa mga Mahal na Araw. 

Magandang pagnilayan sa araw na ito ang pamamaalam ni Hesus sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa pamamaalam ni Hesus kay Maria. Isinalaysay ito sa isang librong isinulat ng isang misteryosong manunulat na tinawag na lamang bilang Pseudo-Buenaventura. Ang nasabing aklat ay inilaan sa pagninilay sa mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo. Isa sa mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo na pinagnilayan sa nasabing aklat ay ang Kanyang emosyonal na pamamaalam sa Mahal na Birheng Maria. 

Ang emosyonal na pamamaalam ni Hesus kay Maria bago Niya harapin ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus ay maaari nating ituring na isang uri ng さようなら. Bakit ito isang uri ng さようなら? Isang linggo naman Niya dadanasin at titiisin ang mapait na pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Kung tutuusin, isang araw lamang Niya dadanasin at titiisin ang mga ito. Bakit ito naging さようなら? Hindi naman magtatagal ito. Magkikita naman ulit sina Hesus at Maria, lalung-lalo na pagkatapos ng Kanyang pagtitiis ng hirap, pagdurusa, at kamatayan sa krus. Bakit naman ito naging isang さようなら?

Oo, isang araw lamang titiisin ng Panginoong Hesus ang mga hirap at pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus. Subalit, marami na'ng naganap mula sa sandali ng Kanyang pamamaalam sa Mahal na Ina hanggang sa sandali na muli silang magtatagpo. Ayon sa tradisyon, muling nagtagpo si Hesus at ang Mahal na Ina sa daang patungong Kalbaryo. 

Pagdurusa sa kamay ng mga kaaway ang paksang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta Jeremias tungkol sa masamang balak ng kanyang mga kaaway laban sa kanya. Hangad nilang si Propeta Jeremias ay magdusa sa ilalim ng kanilang mga kamay. Sa Ebanghelyo, binalak batuhin ng mga Hudyo si Hesus dahil sa Kanyang pagka-Diyos. Bagamat nabigo ang mga Hudyo sa kanilang balak na batuhin Siya, alam ni Hesus na darating ang panahon na papatayin Siya. Hindi Siya binato hanggang sa mamatay dahil hindi pa dumating ang panahon ng Kanyang pagkamatay sa krus.

Batid ni Hesus na nalalapit na ang sandali ng Kanyang pagkamatay sa krus bilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Dahil dito, si Hesus ay nagpaalam sa Mahal na Birheng Maria. Ang pamamaalam ni Hesus kay Maria ay naging puno ng emosyon dahil sa mangyayari sa muli nilang pagkikita. Kaya naman, ang pamamaalam na ito ni Hesus kay Maria ay maituturing na isang uri ng さようなら. 

Sabado, Marso 5, 2022

KARANASAN NG KANYANG AWA

3 Abril 2022 
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3, 8-14/Juan 8, 1-11 


Inilarawan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias ang Kanyang gagawin alang-alang sa Kanyang mga lingkod sa Unang Pagbasa. Gagawa ng isang bago at kahanga-hangang bagay ang Diyos alang-alang sa kanila. Sabi ng Diyos na magbubukas Siya ng isang landas sa gitna ng ilan at patutubigin ang disyerto (43, 20). Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang awa sa Kanyang mga hinirang. Iyan ang Panginoon. Ang Panginoon ay Diyos na may habag at awa. 

Sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang huling Linggo bago ang mga Mahal na Araw, muling pinagninilayan ng Simbahan ang misteryo ng habag ng Diyos. Kung tutuusin, lagi namang pinagninilayan ng Simbahan ang misteryong ito. Walang araw sa buong taon kung kailan hindi pinagninilayan ng Simbahan ang misteryo ng habag at awa ng Diyos. Subalit, mas lalo itong binibigyan ng pansin ng Simbahan bilang paghahanda para sa mga Mahal na Araw na ipagdiriwang at gugunitain sa Linggong kasunod nito. Ang mga Mahal na Araw ay inilaan sa paggunita sa pinakadakilang gawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang habag at awa. 

Binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang pagkahirang sa kanya ni Kristo bilang apostol at misyonero. Sa kabila ng kanyang nakaraan bilang taga-usig ng Simbahan, pinili at hinirang pa rin siya ni Kristo Hesus upang maging apostol at misyonero. Dahil dito, ang kanyang hangarin ay makilala si Kristo Hesus (3, 10). Nais ni Apostol San Pablo na si Hesus ay makilala ng lahat ng tao bilang Panginoon at Manunubos na puspos ng habag at awa. Naranasan niya ang habag at awa ni Hesus. Iyan rin ang nais ni Apostol San Pablo para sa tanan. 

Naranasan ng babaeng nahuling nakiapid ang habag at awa ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus na para sa lahat ng tao ang habag at awa ng Diyos. Gaano man kabigat o kalaki ang kasalanang nagawa ng isang tao, hindi mapapantayan o mahihigitan ng mga ito ang habag at awa ng Diyos. Habang namumuhay pa dito sa mundo ang bawat isa sa atin, may pag-asa tayong makinabang sa habag at awa ng Panginoon. Sa bawat sandali ng ating paglalakbay dito sa mundo, patuloy tayong binibigyan ng pagkakataon upang lumapit sa Diyos at buong kababaang-loob na humingi ng habag at kapatawaran mula sa Kanya. 

Hindi ipagkakait ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag at awa sa mga nagtitika nang taos-puso. Ang biyayang ito ay kusa Niyang ipagkakaloob sa kanila. Hangad ng Diyos na maranasan ng lahat ang Kanyang habag at awa na naghahatid ng kaligtasan at kapatawaran. Iyan ang ating Diyos. 

Biyernes, Marso 4, 2022

PANANALIG AT KATAPATANG KASINGTIBAY NG ISANG BATO

2 Abril 2022  
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir
Sabado sa Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Jeremias 11, 18-20/Salmo 7/Juan 7, 40-53 


Tiyak na batid natin kung ano ang ibig sabihin ng pangalang "Pedro." Katunayan, ito ang pangalan ng Unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro. Ang ibig sabihin ng pangalang "Pedro" ay "Bato." Sabi pa nga ni Hesus noong ibinigay Niya kay Apostol San Pedro ang mga susi sa kaharian ng langit bilang tanda ng kanyang kapangyarihan kaakibat ng kanyang pagiging Santo Papa na itatatag ang Simbahan "sa ibabaw ng batong ito" (Mateo 16, 18). Ang batong tinukoy ni Hesus ay walang iba kundi si Apostol San Pedro. Sa ibabaw ni Apostol San Pedro, itatatag ni Hesus ang Kanyang Simbahan. 

Inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain ang Ikalawang Pilipinong Santo na katukayo ng unang Santo Papa ng Simbahan - si San Pedro Calungsod. Pangalan lamang nila ang magkakatulad. Parehas silang nasa hanay ng mga banal. Parehas rin sila namatay bilang mga martir. Subalit, hindi naging Santo Papa ng Simbahan si San Pedro Calungsod kailanman. Katunayan, isang binata pa lamang siya sa sandali ng kanyang pagkamatay bilang isang martir ni Kristo at ng Simbahan. Subalit, katulad ng unang Santo Papa ng Simbahan na katukayo niya, pinili ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa kanyang misyon bilang saksi ng Panginoong Hesukristo. 

Sa kabila ng mga pag-uusig na kaakibat ng kanyang buhay bilang misyonero sa ibang bansa, pinili pa rin ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa Panginoong Hesus, ang pinag-usapan ng mga tao at ng mga Pariseo sa Ebanghelyo. Pinag-usapan nila si Hesus dahil maraming tao ang namangha sa Kanyang pangangaral. Sa taong ito na nagmula sa bayan ng Nazaret na Siya ring Bugtong na Anak ng Diyos na dumating sa lupa, ibinigay ni San Pedro Calungsod ang kanyang katapatan hanggang sa huli. Sa Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus lamang ibinigay ni San Pedro Calungsod ang kanyang katapatan hanggang sa kanyang huling hininga. 

Nagpakita si Propeta Jeremias ng pananalig at katapatang kasingtibay ng isang bato sa Unang Pagbasa. Ipinahiwatig ito sa kanyang panalangin sa Panginoong Diyos sa wakas ng Unang Pagbasa. Sabi niya sa huling linya ng kanyang panalangin sa Diyos matapos ihayag sa kanya ang mga pag-uusig na kanyang haharapin at dadanasin na ipinagkakatiwala niya sa Diyos ang lahat. Ang Panginoon na mismo ang bahala. Ang tungkulin ng isang Propeta ng Panginoon ay tinanggap ni Propeta Jeremias, bagamat batid niyang marami siyang haharapin at dadanasing hirap at pag-uusig, dahil ang kanyang pananalig at katapatan sa Panginoon ay kasingtibay ng isang bato. 

Ang tunay na Simbahang itinatag ni Kristo Hesus ay itinatag sa ibabaw ng isang bato na walang iba kundi si Apostol San Pedro. Katulad ng batong kinatayuan ng tunay na Simbahang tatag mismo ni Hesus na walang iba kundi si Apostol San Pedro, isang binatang Pilipino na nasa hanay ng mga banal sa langit ay nagpasiyang maging tapat kay Hesus at sa Kanyang Simbahan hanggang sa huli. Siya'y walang iba kundi si San Pedro Calungsod. 

Huwebes, Marso 3, 2022

ANG DIYOS NA NAGAGALAK

27 Marso 2022 
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
"Linggo ng Laetare" 
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-31 



Bagamat inilaan ng Simbahan ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala bilang panahon ng Kuwaresma para sa taimtim at taos-pusong pagbabalik-loob sa Diyos, ang mga Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito ay tungkol sa pagdiriwang at kagalakan. Ito ay dahil ang Linggong ito, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, ay tinatawag ring "Linggo ng Laetare." Sa Tagalog, ang ibig sabihin ng salitang "Laetare" ay "Kagalakan." Dahil diyan, maaaring gamitin ang kulay rosas sa liturhiya sa araw na ito. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ginunita ng mga Israelita sa labas ng lungsod ng Jerico kung paano sila iniligtas at pinalaya ng butihing Panginoong Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ipinagdiriwang nila ang Paskuwa. Buong galak nilang ipinagdiwang ang Paskuwa sapagkat hindi nila kinalimutan ang ginawa ng Panginoon para sa kanila. Sa pamamagitan ng pagtubos at pagpalaya sa mga Israelita noong gabi ng unang Paskuwa, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang awa para sa kanila. Ang awa ng Diyos ay naghatid ng galak sa Kanyang bayan. 

Hindi lamang ang galak na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao dahil sa Kanyang awa ang binibigyan ng pansin. Sa Linggong ito, binibigyan rin ng pansin at pinagninilayan kung paanong ang Diyos ay nagagalak. Ito ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa at sa talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Diyos ay nagagalak sa mga nagbabalik-loob sa Kanya. Kapag may mga nagtitika nang taos-puso at nang buong kababaang-loob, nagagalak ang Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pakiusap ni Apostol San Pablo ay makipagkasundo sa Diyos (5, 20). Ang mga nagbabalik-loob sa Diyos nang buong kababaang-loob ay naghahatid ng tuwa sa Kanya. 

Kung paanong ang ama sa Talinghaga ng Alibughang Anak na isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nagalak noong bumalik ang anak niyang ito, ang Diyos ay nagagalak sa mga nagbabalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay laging handang ipagkaloob sa mga taos-pusong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanyang pag-ibig at awa. Hindi Niya ipagdadamot ang Kanyang pag-ibig at awa sa mga magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Katunayan, katulad ng ama sa talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo, ang Diyos ay laging naghihintay at nakaabang sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan. Lagi Niyang hinihintay ang araw o sandali ng pagtika ng mga makasalanan. Ayaw Niya silang mapahamak. Nais Niya silang maligtas. 

Inilaan ang panahon ng Kuwaresma para sa taos-pusong pagtitika. Sa Linggong ito, ang dahilan kung bakit ay nahayag sa atin. Nagagalak ang Diyos sa mga nagpasiyang magtika. Ang Diyos ay nagagalak sa tuwing may mga nagbabalik-loob sa Kanya. Ang sandali o araw ng ating pagbabalik-loob ay lagi Niyang hinihintay. Ang Diyos ay laging handang ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig at awa sa mga nagtitika nang taos-puso bilang tanda ng Kanyang galak.