Sabado, Oktubre 12, 2024

SIMBAHANG BANAL

9 Nobyembre 2024 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


"Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!" (Juan 2, 16). Inilarawan sa mga salitang ito na buong lakas na binigkas ng Poong Jesus Nazareno habang ang Templo ay Kaniyang nilinis sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo kung bakit sagrado ang Templo. Ang Templo ay itinayo upang maging tahanan ng Diyos sa daigdig. Kahit na hindi naman kailangan itong gawin ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niyang italaga ang Templo bilang Kaniyang tahanan dito sa daigdig na ito dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa Kaniyang bayan. Dahil sa presensya ng Panginoong Diyos, banal ang Templo. Ang problema, hindi pinahalagahan ng mga tao ang presensya ng Panginoong Diyos na nagpapabanal sa Templo sapagkat nais Niyang iparamdam sa lahat ng mga bumubuo sa bayang Kaniyang hirang ang Kaniyang pagiging malapit sa kanila. Kaya naman, nagalit ang Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. 

Sa mga salitang ito ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakasentro ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang ika-9 ng Nobyembre ay inilaan para sa isang natatanging pagdiriwang. Ito ay walang iba kundi ang taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma. Layunin ng taunang pagdiriwang na ito ay ipaalala sa atin kung bakit napakahalaga ang lahat ng mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan. 

Ang mga gusaling Simbahan ay nagsisilbing mga daluyan ng biyaya ng Diyos. Kung tutuusin, ang Templo ng Diyos ay inilarawan bilang batis o daluyan sa pangitain ni Propeta Ezekiel na inilahad sa Unang Pagbasa. Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang dinudulot ng mga biyaya ng Diyos. Dahil sa mga biyaya ng Diyos, ang lahat ay puspos ng galak at tuwa. Ipinaalala ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na tampok sa Ikalawang Pagbasa na tayong mga Kristiyano ang bumubuo sa Simbahan. Tayong lahat ay itinalaga ng Diyos upang maging Kaniyang Templo. Kaya naman, banal ang katawan ng bawat isa sa atin. 

Pinababanal ng presensya ng Panginoon ang Simbahan. Kaya naman, ang Simbahan ay dapat nating pahalagahan. Ito ang aral na laging ipinapaalala sa atin ng lahat ng mga gusaling itinayo bilang mga bahay-dalanginan. 

Biyernes, Oktubre 11, 2024

GUMAWA NG PARAAN

8 Nobyembre 2024
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Filipos 3,17-4, 1/Salmo 121/Lucas 16, 1-8 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch 11AM #OnlineMass • 11 October 2024 • FRIDAY of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tila nakakalito. Tila pinupuri ng Poong Jesus Nazareno ang pagiging tiwali at mandaraya ng katiwalang itinampok sa talinghagang Kaniyang isinalaysay sa Ebanghelyo. Kung ano pa yaong hindi makatarungan at hindi matuwid, ito pa yaong pinupuri ng Poong Jesus Nazareno. Lumalabas na maaari ring pumasok ang mga tiwali at mandaraya sa maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit dahil sa talinghagang ito ng Poong Jesus Nazareno. 

Tunay ngang nakakagulat ang talinghagang isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang bukal ng lahat ng kabutihan ay tila kumukunsinti sa katiwalian at pandaraya. Kung sino pa yaong bukal ng kabutihan, Siya pa mismo ang pumupuri at nagtatampok sa mga tiwali. Parang hindi ito ang Mahal na Poong Jesus Nazarenong kilala natin at kinasanayan natin. Bakit Niya pinupuri at itinatampok ang isang taong garapal na mandaraya? Hindi ba dapat kinokondena Niya ito? 

Oo, sa unang tingin, tila pinupuri ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tiwali at mandarayang katiwala sa talinghangang Siya mismo ang nagsalaysay sa Mabuting Balita. Subalit, hindi iyon ang puntong nais isalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo. Bagkus, isinasalungguhit ng Panginoon kung gaano kahalaga gumawa ng paraan at isakatuparan ito. 

Sabi ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D'yos" (Salmo 121, 1). Isa lamang ang dahilan kung bakit - ito ay pinahintulutan at niloob ng Diyos. Ang Diyos ay gumawa ng paraan upang ang bawat isa sa atin ay may pagkakataong makapasok sa Kaniyang tahanan. Katunayan, ang mga gusaling Simbahang itinayo sa mundong ito ay nagsisilbing patikim at pasilip sa walang hanggan at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Bakit? Gumawa ng paraan ang Diyos upang mangyari ito. Ipinakilala sa Unang Pagbasa kung paano ito ginawa ng Diyos. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinagkaloob Niya sa atin bilang Manunubos. Dahil dito, mayroon tayong pagkakataong makapiling ang Mahal na Poon sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. 

Hindi tayo makakapasok sa langit sa pamamagitan ng katiwalian at pandaraya. Ang bawat isa sa atin ay makakapasok sa langit kung lagi tayong gagawa ng paraan upang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay gumawa ng paraan upang tayong lahat ay tulungang makapasok sa langit kung saan makakapiling natin Siya magpakailanman. Huwag natin itong balewalain at sayangin dahil nais Niya tayong makasama sa langit magpakailanman. 

Huwebes, Oktubre 10, 2024

ANG PAG-IIBIGAN NG DIYOS AT NG TAO

3 Nobyembre 2024 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Deuteronomio 6, 2-6/Salmo 17/Hebreo 7, 23-28/Marcos 12, 28b-34 


Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa pag-iibigan ng Diyos at ng sangkatauhan. Kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na makipag-relasyon sa tao. Hindi naman kailangan ng Panginoong Diyos na makipagrelasyon sa sangkatauhan, kung tutuusin. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos na makipag-relasyon sa sangkatauhan. Inaanyayahan pa nga ng Diyos mismo ang bawat tao na makipag-relasyon sa Kaniya. 

Sa pinakamahalagang utos nakatuon ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Inihayag ni Moises sa mga Israelita nang buong lakas at linaw kung ano ang pinakamahalagang utos na dapat sundin. Katunayan, ang pinakamahalagang utos ay maaring ituring na isang maikling buod ng Sampung Utos ng Diyos. Dapat ibigin nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong lakas ang Diyos (Deuteronomio 6, 6). Sa Ebanghelyo, ang utos na ito ay buong lakas at linaw na binigkas ng Poong Jesus Nazareno bilang tugon sa tanong ng isa sa mga eskriba tungkol sa nasabing paksa. 

Ipinasiya ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo na isentro sa titulo at tungkulin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Dakilang Saserdote na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng lahat ang kaniyang pangaral na itinampok sa Ikalawang Pagbasa. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin bilang Dakilang Saserdote para sa ikaliligtas ng lahat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang iba kundi ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ang Diyos ay nagpasiyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Bilang tugon sa paanyaya ng Panginoong Diyos na makipag-relasyon sa Kaniya, ang mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay buong lakas, linaw, at katapatang nagpahayag ng kaniyang taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang taos-pusong naising makipag-relasyon sa Panginoong Diyos na unang umibig sa lahat.

Hindi para sa mga piling tao ang paanyaya ng Diyos na makipag-relasyon sa Kaniya. Para sa lahat ang paanyayang ito. Nais ng Diyos na makipag-relasyon sa atin. Ito ang dahilan kung bakit inaanyayahan Niya tayong makipag-relasyon sa Kaniya. Tayo ang magpapasiya kung makikipag-relasyon tayo sa Kaniya. 

Linggo, Oktubre 6, 2024

PANGARAP PARA SA KABILANG BUHAY

2 Nobyembre 2024 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Juan 14, 1-6


Mula sa pagkabata, ang bawat tao ay mayroong mga pinapangarap sa buhay. Hindi lamang para sa sarili ang mga pinapangarap sa buhay ng marami. Mayroon ring mga pangarap para sa pamilya, kaibigan, at iba pang mga mahal sa buhay ang ilan. Pati na rin ang mga lingkod-bayang tunay ngang umiibig at nagmamalasakit sa mga bayang kanilang pinaglilingkuran, mayroon rin silang mga pangarap at hangarin. 

Kung tayong mga tao ay mayroong mga pangarap sa buhay dito sa lupa, ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na dapat magkaroon rin tayo ng pangarap para sa buhay sa kabila. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan na may kabilang buhay na dapat paghandaan. Dalawa lang naman ang pagpipilian - langit o impyerno. 

Inilaan ng Simbahan ang araw na ito para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano. Ang araw na ito ay inilaan ng Inang Simbahan para sa taimtim na pananalangin para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Hindi mananatili sa Purgatoryo magpakailanman ang mga kaluluwang naroroon. Pansamantala lamang ang kanilang pananatili roon. Naroroon sila sa Purgatoryo upang lalo pa silang linisin bilang paghahanda para sa kanilang pagpasok sa walang hanggan at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Kailangan nila ang ating mga panalangin para sa kanila upang lalo pang mapabilis ang proseso ng kanilang pagpasok sa langit. 

Sa Unang Pagbasa, nanalangin si Judas Macabeo para sa mga yumao dahil naniwala rin siya na muli silang bubuhayin ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, buong pananalig at tiwalang inihayag ni Apostol San Pablo na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang Daan, Katotohanan, at Buhay. 

Ang Diyos ay ipinakilala bilang Diyos na tunay ngang mapagmahal at maawain sa tanan at kaligtasan ng lahat ng mga tapat at banal sa Salmong Tugunan (Salmo 103, 8a; Salmo 36, 39a). Isa lamang ang pinapangarap ng mga kaluluwang dinadalisay sa Purgatoryo - makapiling ang Panginoong Diyos na puspos ng awa, habag, at pag-ibig magpakailanman. Lagi tayong manalangin sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Daan, Katotohanan, at Buhay, para sa kanila. Manalangin tayo na nawa'y ipakita sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang awa, habag, at pag-ibig nang sa gayo'y lalong mapabilis ang proseso ng kanilang pagpasok sa langit kung saan ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling ay kanilang matamasa. 

Gaya ng mga banal sa langit at ng mga kaluluwa sa Purgatoryo, maging pangarap rin natin ang pagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Ilaan rin natin ang bawat sandali ng pansamantala nating buhay sa lupa sa puspusang paghahanda ng ating mga sarili para sa kabilang buhay - sa buhay na kapiling ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa langit. 

Sabado, Oktubre 5, 2024

O BAYAN NG DIYOS

1 Nobyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 


"Panginoon, ang bayan Mo ay dumudulog sa Iyo" (Salmo 23, 6). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal. Ang mga banal sa langit na pinararangalan natin sa araw na ito ay bumubuo sa tinatawag na Simbahang Nagtagumpay. Ito ang tawag sa kanila sapagkat napagtagumpayan nila ang lahat ng mga tukso at pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. Gaano mang karami at katindi ang mga tukso at pagsubok sa buhay sa lupa, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. Kaya naman, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang natamasa. Namumuhay sila kapiling ng Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan ang kaniyang mga nakita sa isang pangitain tungkol sa langit. Nagkaroon siya ng pangitain tungkol sa buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Ang lahat ng mga nagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay nagpupuri at sumasamba sa Kaniya nang walang humpay. 

Inilarawan sa pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang mga katangian ng mga tunay na mapapalad sa paningin ng Diyos. Ang mga katangiang inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay kinalulugdan ng Diyos. Kung ninanais nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kinakailangan nating isabuhay ang mga katangiang inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Matutuwa ang Diyos sa atin kapag nakikita Niyang isinasabuhay natin ang mga birtud na ito. 

Ano naman ang ugnayan ng Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ebanghelyo? Isa lamang ang nais isalungguhit ng mga ito - tayong lahat ay mayroong pagkakataong maging bahagi ng bayan ng Diyos. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging bahagi ng Kaniyang bayan. Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan na inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ito ang pasiya ng Panginoon. Pag-ibig. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Panginoon para sa ating lahat, niloob Niyang anyayahan tayong lahat na maging bahagi ng Kaniyang bayan. 

Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, mayroon tayong pagkakataong maging bahagi ng Kaniyang bayan. Tinanggap ng lahat ng mga banal sa langit ang paanyayang ito ng Panginoong Diyos. Kaya naman, ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit ay kanilang natamasa. Ano ang ating pasiya? 

Biyernes, Oktubre 4, 2024

NAIS NIYA TAYONG MAGPAKATOTOO

27 Oktubre 2024 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Jeremias 31, 7-9/Salmo125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52 


"Ano ang ibig mong gawin Ko sa iyo?" (Marcos 10, 50). Ito ang tanong ng Poong Jesus Nazareno kay Bartimeo sa Ebanghelyo. Bagamat hindi Niya kinailangang tanungin ito dahil nababatid naman Niya kung ano ang nais ni Bartimeo, tinanong Niya ito upang bigyan si Bartimeo ng pagkakataong maging totoo sa sarili. Nais Niyang marinig mula sa mga lumalapit sa Kaniya kung ano ang tunay na laman ng kanilang mga puso. Sa pamamagitan nito, lalo pang lalalim ang kanilang pananalig sa Kaniya. 

Bilang tugon sa tanong sa kaniya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, si Bartimeo ay hindi nagpaligoy-ligoy. Sa halip na magpaligoy-ligoy, nagpakatotoo si Bartimeo. Ang katotohanan tungkol sa kaniyang tunay na hangarin ay hindi niya ikinubli at itinago. Nang bigyan siya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong ipahayag ang tunay niyang hangarin, buong pananalig niyang ginamit ang pagkakataong ito. Hindi sinayang ni Bartimeo ang pagkakataong magpakatotoo sa Mahal na Poon. 

Ipinahiwatig ng sagot ni Bartimeo sa tanong sa kaniya ng Poong Jesus Nazareno ang kaniyang pananalig at tiwala sa mga salita sa Unang Pagbasa. Nanalig si Bartimeo na tutuparin ng Panginoong Diyos ang pangakong ito sa takdang panahon. Kaya naman, nang mabalitaan niyang dumaraan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lugar na kung saan siya namamalimos, hindi niya sinayang ang pagkakataong idulog sa Poong Jesus Nazareno ang kaniyang hiling. Hindi ikinahiya ni Bartimeo ang tunay na laman ng kaniyang puso at loobin. Ang kaniyang pananalig ay nanaig. 

Sa Ikalawang Pagbasa, si Jesus Nazareno ay ipinakilala bilang dakilang saserdote na hinirang at itinalaga ng Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ipinasiya itong gawin ng Diyos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Kaya naman, gaya ng sabi ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, napupuspos tayo ng tuwa dahil sa dakilang gawang ito na tunay ngang kahanga-hanga. Gaya ni Bartimeo na natuwa nang labis matapos siyang pagalingin ni Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng galak at tuwa dahil sa Kaniya, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Tayong lahat ay binibigyan ng Poong Jesus Nazareno na buksan natin ang ating mga sarili at magpakatotoo sa Kaniya. Kahit nalalaman naman Niya kung ano ang laman ng ating mga puso, nais pa rin Niya ito marinig mula sa atin. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan Niyang magpakatotoo sa Kaniya. 

Huwebes, Oktubre 3, 2024

KABUTIHAN, KATUWIRAN, AT KABANALAN

25 Oktubre 2024 
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Efeso 4, 1-6/Salmo 23/Lucas 12, 54-59 






"Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid?" (Lucas 12, 57). Isa ito sa mga tanong ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga tao sa Banal na Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng nasabing tanong, ang katotohanan tungkol sa mga nakararami ay Kaniyang isinalungguhit. Ang pagiging matuwid, mabuti, at banal ay hindi binibigyan ng halaga ng nakararami. 

Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa ilan sa mga aspeto ng pananampalatayang Kristiyano. Gaya ng kaniyang mga kasamahan noon at ng iba pang mga banal na tao na sumunod sa kanila sa paglipas ng panahon, ang pananampalatayang Kristiyano ay ipinasiyang pahalagahan ni Apostol San Pablo hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa mundong ito. Kahit na ang naging kapalit nito ay ang kaniyang sariling buhay, taos-puso pa ring ipinasiya ni Apostol San Pablo na pahalagahan, ipalaganap, at manindigan para sa Simbahan. 

Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang katangian ng bayan ng Panginoong Diyos. Ang bayan ng Diyos ay dumudulog sa Kaniya dahil taos-puso ang kanilang pananalig at pagsamba sa Kaniya bilang Diyos at Panginoon. Ang pagpapahalaga nila sa Diyos ay lagi nilang pinatutunayan sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagsunod sa Kaniya na Siyang unang umibig sa kanila.

Nais ng Poong Jesus Nazareno na pahalagahan natin ang kabutihan, katuwiran, at kabanalan dahil ito ay kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Kapag ginawa natin ito, pinatutunayan nating tapat at dalisay ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno.