Linggo, Nobyembre 3, 2024

PAG-ASANG DULOT NG KANIYANG PAGDATING

1 Disyembre 2024 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36


Ang bawat Liturhikal na Taon ay laging sinisimulan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpasok sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tiyak na kilala ng nakararami sa tawag na Adbiyento. Sa panahong ito ng Adbiyento, isinasalungguhit ang halaga ng mataimtim at puspusang paghihintay at paghahanda para sa pagdating ni Kristo. 

Sa panahong ito, ang Simbahan ay nakasentro sa dalawang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Kaniyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas at ang Kaniyang ikalawang pagdating bilang Hari at Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao na magaganap sa wakas ng panahon. Noong una Siyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan, dumating si Kristo bilang isang munting sanggol na lalaki na ipinanganak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Buong galak itong ginugunita ng Inang Simbahan tuwing sasapit ang ika-25 araw ng Disyembre taun-taon. Subalit, hindi lamang iyon ang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa panahong ito. Nakatuon rin ang Simbahan sa ikalawang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang maluwalhating Hari at Hukom na magaganap sa wakas ng panahon sa panahong ito. Hindi man natin alam ang eksaktong araw at oras kung kailan magaganap ito, tayong lahat, bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan, ay naniniwalang babalik muli sa wakas ng panahon ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom. 

Bagamat ang Kaniyang ikalawang pagdating ay hindi magiging katulad ng Kaniyang unang pagdating, ang isinagawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno noong una Siyang dumating ay muli Niyang isasagawa sa Kaniyang ikalawang pagdating. Magiging iba nga lamang ang paraan nito. Subalit, kung ano ang Kaniyang isinagawa noong una Siyang dumating, iyon pa rin ang Kaniyang gagawin sa Kaniyang muling pagdating sa mundong ito. Ito'y walang iba kundi ang maghatid ng kaligtasan, tuwa, galak, at pag-asa sa tanan. Noong una Siyang pumarito sa mundong ito, ginawa ito ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Sa muling pagparito ng Poong Jesus Nazareno sa lupa, muli Niya itong gagawin bilang dakilang Hari at Hukom sa pamamagitan ng pagligtas sa lahat ng magpapasiyang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. 

Nakatuon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito sa pag-asang hatid ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Panginoong Diyos na darating ang Mesiyas upang iligtas ang Kaniyang bayan. Ang mga salitang ito mula sa Panginoong Diyos na inilahad ng propetang si Jeremias ay mga salitang naghahatid ng pag-asa. Isa lamang ang dahilan kung bakit nagbitiw Siya ng ganitong uri ng pangako - nais ng Panginoong Diyos na magbigay ng pag-asa sa Kaniyang bayan. 

Ipinaalala ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na isa lamang ang nagdudulot ng tunay na pag-asa sa tanan. Ang Diyos lamang ang nagdudulot ng tunay na pag-asa sa lahat. Katunayan, Siya pa nga mismo ang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi ito matatagpuan o masusumpungan sa mundo. Bagkus, matatagpuan lamang natin sa Panginoong Diyos ang tunay na pag-asa.

Gaya ng pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias nang buong linaw sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagbitiw ng mga salitang nagbibigay ng pag-asa sa mga apostol sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagsasalita sa mga apostol tungkol sa Kaniyang ikalawang pagdating sa salaysay na itinampok sa Mabuting Balita, ang Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng pag-asa sa Kaniyang mga tagasunod. 

Hindi ikinahiya ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pag-asa sa Panginoong Diyos. Katunayan, buong pananalig pa nga niyang ipinagmalaki na sa Panginoong Diyos lamang nagmumula ang kaniyang pag-asa. Sa kabila ng iba't ibang mga hirap, pagsubok, tiisin, at sakit sa buhay dito sa mundo, puspos pa rin siya ng pag-asa, galak, at tuwa dahil sa Panginoong Diyos. 

Walang balak magdulot ng sindak, takot, at pangamba sa lahat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang Kaniyang dulot sa lahat ay kaligtasan at pag-asa. 

Sabado, Nobyembre 2, 2024

NAIS BA NATIN SIYA MAKAPILING?

29 Nobyembre 2024 
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Pahayag 20, 1-4. 11-21, 2/Salmo 83/Lucas 21, 29-33 


Ang Unang Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa tagumpay ng Diyos sa wakas ng panahon. Sa huling digmaan sa pagitan ng Diyos at ng demonyong si Satanas, ang Diyos ay mananaig sa huli. Matapos magtagumpay ang Diyos laban sa demonyo, ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli ay makakapiling Niya sa bagong langit at bagong lupa. Tunay na pagbabago ang dulot ng tagumpay ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa Kaniyang muling pagdating sa wakas ng panahon. Darating Siya bilang maluwalhating Hari at Hukom. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay babalik sa wakas ng panahon bilang dakilang Hari at Hukom. Ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Panginoong Jesus Nazareno hanggang sa huli ay Kaniyang ililigtas. Gagawin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga bagay na inilarawan sa Unang Pagbasa. 

Inilarawan ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang ugnayan ng mga salita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo sa mga bagay na nakita ni Apostol San Juan sa pangitaing kaniyang inilahad sa Unang Pagbasa. Nais ng Diyos na makapiling sa maluwalhati Niyang kaharian ang lahat magpakailanman. Iyon nga lamang, hindi Niya ito magawa sapagkat mayroon ring kalayaan ang bawat tao na magpasiya para sa kani-kanilang mga sarili. 

Walang ibang hangarin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kundi makapiling tayo magpakailanman. Kung ito rin ang ating naisin, dapat nating tahakin ang landas ng kabanalan bilang paghahanda para sa pamumuhay kasama Niya magpakailanman. 

Biyernes, Nobyembre 1, 2024

PAG-IBIG AT HABAG NG TUNAY NA WALANG HANGGAN AT DAKILANG HARI

27 Nobyembre 2024
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan [B] 
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37 


Tuwing Taon B sa Kalendaryo ng Simbahan, ang Ebanghelyo para sa huling Linggo sa Kalendaryo ng Simbahan na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (Kristong Hari) ay tungkol sa paliwanag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kaniyang pagkahari sa harapan ni Poncio Pilato. Bilang tugon sa mga tanong ni Pilato tungkol sa mga ipinaratang ng Sanedrin laban sa Kaniya, inilarawan ng Poong Jesus Nazareno kung anong uri Siyang hari at ang dahilan kung bakit Siya dumating sa mundong ito. 

Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta tungkol sa kaluwalhatian ng tunay at walang hanggang Hari na walang iba kundi ang Panginoon, gaya ng kaniyang nakita sa isang pangitain. Nakatuon rin sa paksang ito ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ito rin ang paksang pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa kaniyang pahayag sa Ikalawang Pagbasa. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay at nag-iisang walang hanggan at dakilang Hari. Pansamantala lamang ang pagkahari o pamumuno ng lahat ng mga hari at pinuno dito sa mundong ito. Walang hanggan ang maluwalhating pagkahari ng Poong Jesus Nazareno. 

Kaya naman, maaaring ituring na isang kabalintunaan ang kaganapang tampok sa salaysay sa Mabuting Balita para sa Linggong ito. Ang Hari ng mga hari, ang tunay na walang hanggan at dakilang Hari, na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay nililitis ng isang gobernador, ang gobernador ng Judea na walang iba kundi si Poncio Pilato. Hindi ba hari si Jesus Nazareno habang gobernador lamang si Pilato? Bukod pa roon, wala ring saysay ang mga paratang laban kay Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, tahimik si Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon. Bakit? Hindi ba dapat ginamit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos at Hari upang patunayan kay Pilato na Siya nga ang Hari ng mga Hari? Bakit hindi ito ginawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? 

Ang Poong Jesus Nazareno na mismo ang nagsabi kung bakit hindi Siya gumamit ng dahas upang maipagtanggol ang Kaniyang sarili at patunayan ang Kaniyang pagiging hari. Sabi ng Poong Jesus Nazareno nang buong linaw kay Pilato na hindi nagmula o matatagpuan sa sanlibutang ito ang Kaniyang kaharian (Juan 18, 36). Bukod pa roon, idinagdag ng Poong Jesus Nazareno na naparito Siya sa mundo upang magpatotoo sa katotohanan (Juan 18, 37). Ipinasiya ng Hari ng mga Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na iwan ang maningning at maluwalhati Niyang kaharian sa langit at pumarito sa lupa upang magpatotoo sa katotohanan sa tanan. 

Hindi naman kinailangang bumaba mula sa langit ang Poong Jesus Nazareno upang magpatotoo sa katotohanan sa sangkatauhan. Kung tutuusin, hindi naman Niya tayo kailangan. Sasambahin naman Siya ng lahat ng mga anghel sa Kaniyang kaharian sa langit. Maaari na lamang Niya pabayaan ang sangkatauhan na tuluyang mapahamak dulot ng kasinungalingan. 

Bagamat hindi kinailangang bumaba mula sa langit ang Panginoong Jesus Nazareno upang magpatotoo sa katotohanan sa sangkatauhan, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin. Ipinaliwanag sa Ikalawang Pagbasa kung bakit ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagpasiyang bumaba mula sa langit at pumarito sa mundong ito upang magpatotoo sa katotohanan sa lahat. Sabi sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay Kaniyang inibig (Pahayag 1, 5). Pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, ang Hari ng mga Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa daigdig upang magpatotoo sa katotohanan sa tanan. 

Isa lamang ang tunay na walang hanggan at dakilang Hari. Ang Haring ito ay tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Hindi Niya tayong pinabayaang mapahamak dahil sa panlilinlang at pananamantala sa atin ng mga puwersa ng kadiliman at kasalanan. Bagkus, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang pagpapatotoo sa katotohanan na isinasalamin ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ang Haring ito ay walang iba kundi si Kristong Hari, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Huwebes, Oktubre 31, 2024

ANG DAPAT IHANDOG SA KANIYA

22 Nobyembre 2024 
Paggunita kay Santa Cecilia, dalaga at martir 
Pahayag 10, 8-11/Salmo 118/Lucas 19, 45-48 


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa paglilinis sa Templo. Pinalayas ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga nagpapalit ng salapi at mga nagtitinda ng mga kalapati at mga tupa mula sa Templo. Ang Unang Pagbasa naman ay tungkol sa isa sa mga pangitain ni Apostol San Juan sa aklat ng Pahayag. Sa pangitaing inilahad sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, kinain ni Apostol San Juan ang kasulatang hawak ng anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, gaya ng iniutos sa kaniya ng anghel na iyon. Pagkatapos gawin iyon, si Apostol San Juan ay inutusan ng nasabing anghel na magpahayag tungkol sa mga tao, wika, hari, at bansa. 

Tiyak na mayroong ilang magtataka kung ano ang ugnayan o koneksyon ng pangitain ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa at ng kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Ano ang ugnayan ng pangitain ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa sa isinagawang paglilinis sa Templo na isinalaysay sa Ebanghelyo? 

Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "O kay tamis na namnamin ang utos Mong bigay sa 'min" (Salmo 118, 103a). Inilarawan niya sa pamamagitan nito ang halaga ng pakikinig at pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos. Pinapatunayan ng mga taos-pusong nakikinig at sumusunod sa mga utos at loobin ng Diyos ang kanilang taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba para sa Kaniya. Ang nararapat sa Panginoong Diyos ay kanilang inihahandog sa Kaniya. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito kung ano ang dapat lagi nating gawin. Ang bawat sandali ng ating buhay sa pakikinig at pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos nang buong katapatan. Sa pamamagitan nito, taos-puso nating inialay sa Diyos kung ano ang nararapat. Nararapat lamang Siyang mahalin, panaligan, at sambahin nang may taos-pusong katapatan.

Biyernes, Oktubre 18, 2024

BABALIK SA WAKAS NG PANAHON

17 Nobyembre 2024 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Daniel 12, 1-3/Salmo 15/Hebreo 10, 11-14.18/Marcos 13, 24-32 


Sa bahaging ito ng Taong Liturhikal, nakatuon ang pansin ng Inang Simbahan sa mga magaganap sa wakas ng panahon. Hindi mananatili magpakailanman ang mundong ito. Ang mundong ito ay pansamantala lamang. Darating ang panahong guguho nang tuluyan ang mundong ito. Gaano mang katibay ang mga gusali at pati na rin ang mga punong nakikita natin, guguho rin ang mga ito pagdating ng takdang panahon. May hangganan ang lahat ng bagay sa mundo - hindi lamang ang ating mga buhay. 

Ang Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa muli Niyang pagdating sa wakas ng panahon sa Ebanghelyo. Inihayag Niya nang buong linaw sa mga apostol na muli Siyang darating sa wakas ng panahon taglay ang Kaniyang buong kapangyarihan at karangalan bilang Diyos. Hindi Siya darating muli sa mundong ito upang gawing isang bakasyunan ang mundong ito. Bagkus, muli Siyang darating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon upang iligtas ang mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Gaya ng inilarawan ni Propeta Daniel sa pangitaing kaniyang inilahad sa Unang Pagbasa at ng ginawa mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, darating Siya muli sa wakas ng panahon upang iligtas ang mga tapat sa Kaniya hanggang sa huli. 

Isang taos-pusong dalangin ang itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Ang mga salitang ito mula sa panalanging binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay laging isinabuhay ng lahat ng mga nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Wala silang ibang hangarin kundi ang kalugdan ang Panginoong Diyos na iniibig at pinaglilingkuran nila nang taos-puso at nang buong katapatan hanggang sa huli. Pinapatunayan nila sa pamamagitan nito ang kanilang pag-ibig at pag-asa sa Kaniya na hindi nagpabaya sa kanila kailanman.

Kailan ang wakas ng panahon? Kailan babalik ang Poong Jesus Nazareno? Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na mismo ang nagsabi sa Ebanghelyo na walang sinuman ang nakakaalam kung kailan ang eksaktong araw at oras maliban sa Ama. Ang Ama lamang ang nakakaalam kung kailan ang wakas ng panahon. Dahil dito, dapat nating simulan ang taimtim at puspusang paghahanda ng sarili para sa araw na iyon. Dapat pahalagahan at gamitin ang panahong ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa muling pagdating ng Mahal na Poon. 

Babalik muli ang Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon upang iligtas ang lahat ng mga tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Upang mapabilang sa mga pagkakalooban Niya ng biyaya ng Kaniyang pagliligtas, dapat nating buksan ang ating mga sarili sa Mahal na Poon at mamuhay ayon sa Kaniyang kalooban. 

Huwebes, Oktubre 17, 2024

PAGHAHANDA PARA SA KANIYANG PAGDATING

15 Nobyembre 2024 
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
2 Juan 4-9/Salmo 118/Lucas 17, 26-37


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa muling pagdating ng Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Gaya ng nasasaad sa Kredo, si Jesus Nazareno na ating Panginoon at Tagapagligtas ay muling babalik sa wakas ng panahon bilang Hari at Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay. Isinentro Niya sa kaganapang ito ang Kaniyang pangaral sa mga apostol na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Layunin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na palakasin ang loobin ng Kaniyang mga tagasunod upang maipagpasiyahan nilang manatiling tapat sa Kaniya, gaano mang kahirap itong gawin, hanggang sa huli. 

Batid ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi magiging madali ang magiging buhay ng Kaniyang mga tagasunod. Kaya naman, ang mga salitang inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay Kaniyang binigkas sa mga apostol upang tulungan sila sa kanilang paghahanda para sa kinabuksan. Ayaw ng Panginoong Jesus Nazareno na mapahamak ang Kaniyang mga tagasunod dulot ng maling pasiyang suwayin, itakwil, at talikuran Siya. Iyan ang pag-ibig ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Juan ang kaniyang pangaral sa pagiging tapat sa Panginoong Diyos. Sa Salmong Tugunan, inihayag na matatamasa ng lahat ng mga mananatiling tapat sa Panginoong Diyos ang Kaniyang pagpapala. Isa lamang ang kailangan nating gawin upang tayong lahat ay kalugdan ng Panginoong Diyos - laging maging tapat at masunurin sa Kaniya. 

Darating muli ang Panginoong Jesus Nazareno. Ano kaya ang Kaniyang madadatnan sa muli Niyang pagbalik? 

Linggo, Oktubre 13, 2024

BUONG-BUONG PAGBIBIGAY NG SARILI

10 Nobyembre 2024 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
1 Hari 17, 10-16/Salmo 145/Hebreo 9, 24-28/Marcos 12, 38-44 (o kaya: 12, 41-44)


Pagbibigay ng lahat. Buong-buong pagbibigay. Ito ang nais isalungguhit at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Katunayan, nakasentro sa buong-buong pagbibigay ng lahat ang mga Pagbasa. Ang buong sarili ay kusang-loob na iniaalay at ibinibigay sa Diyos na Siyang pinagmulan ng lahat ng mga biyaya. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay pinahihintulutang maging Hari ng lahat. 

Sa Unang Pagbasa, kusang-loob na ipinasiya ng babaing balo na gumawa ng tinapay para kay Propeta Elias. Matapos ipangako ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Elias na hindi siya kukulangin sa mga kasangkapan para sa pagluluto ng tinapay, kusang-loob na ipinasiya ng babaing balo na si Propeta Elias ay paglutuan ng tinapay, gaya ng iniutos sa kaniya ni Propeta Elias. Sa pamamagitan nito, ipinagkatiwala ng babaing balo sa Diyos ang buo niyang sarili. Pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa kung paanong hindi ipinagkait ng Poong Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili alang-alang sa atin. Alang-alang sa atin, kusang-loob na ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ialay ang buo Niyang sarili sa Kaniyang Kabanal-Banalang Krus upang tayong lahat ay maligtas mula sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Sa Ebanghelyo, pinuri ng Poong Jesus Nazareno ang babaing balo na kusang-loob na nagpasiyang ibigay ang lahat ng kaniyang tinaglay, kahit na dalawang kusing lamang ang kaniyang inihulog. Kahit na iyon lamang ang kaniyang taglay, ipinasiya pa rin ng babaing balo na ibigay ito bilang tanda ng kaniyang pasiyang ipagkatiwala sa Diyos ang lahat. 

Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay mga salita ng isang nagpasiyang ipagkatiwala sa Panginoong Diyos ang buo niyang sarili. Ipinaliwanag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan kung bakit ipinasiya niyang ipagkatiwala sa Diyos ang buo niyang sarili. Sa pamamagitan nito, hinihikayat rin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na tularan siya. Nais ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na ipaalam sa lahat na maaasahan ang Diyos sa lahat ng oras. Dahil dito, dapat nating ipagkatiwala sa Panginoong Diyos ang buo nating sarili.

Isa lamang ang ating maaasahan sa lahat ng oras - ang Panginoong Diyos. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. Kaya naman, dapat nating ipagkatiwala sa Kaniya ang buo nating sarili.