Huwebes, Nobyembre 28, 2024

PAG-ASANG NAGDUDULOT NG GALAK

15 Disyembre 2024 
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18 


Ang Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o Adbiyento ay kilala rin bilang Linggo ng Kagalakan (Gaudete). Sa Linggong ito, nakasentro sa galak na dulot ng pagdating ng Mahal na Poon ang pagninilay ng Simbahan. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Linggong ito na ang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nagdudulot ng takot, sindak, at pangamba. Bagkus, ito ay nagdudulot ng galak. Darating ang bukal ng pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno upang magdulot ng galak. Sa Kaniya nagmumula ang pag-asang nagdudulot ng galak. 

Nakasentro sa galak na dulot ng pag-asang kaloob ng Panginoon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag na tutubusin ng Panginoong Diyos ang Kaniyang bayan. Ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos na Kaniya namang isasakatuparan sa panahong Kaniyang itinakda ay magdudulot ng galak sa Kaniyang bayan. Ito rin ang binigyan ng pansin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Galak ang dulot ng pag-asang nagmumula sa Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa pagbabalik ng Poong Jesus Nazareno. Darating muli ang Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, upang magdulot ng tunay na galak sa tanan. Sa Ebanghelyo, nagsalita si San Juan Bautista sa lahat ng kaniyang mga tagapakinig tungkol sa paghahanda para sa pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. May mga kailangan silang gawin upang maging handa sila para sa pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Galak ang dulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno ay nagdudulot ng tunay na galak sa tanan. Sa pamamagitan nito, pinalalakas at pinapanatag ng Poong Jesus Nazareno ang ating mga puso at loobin. Pinatutunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na lagi natin Siyang maaasahan at mapagkakatiwalaan. 

Hindi dumating ang Poong Jesus Nazareno upang maghasik ng lagim, takot, sindak, at pangamba. Wala Siyang balak magdulot ng kapahamakan at kawalan ng pag-asa. Bagkus, naparito ang Poong Jesus Nazareno upang ipagkaloob sa lahat ang tunay na galak na dulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Nagbibigay ng pag-asa sa lahat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagdudulot ng galak. Ipinasiya itong isagawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. 

Sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno lamang natin matatagpuan ang tunay na galak. Ang tunay na galak na kaloob Niya sa lahat ay bunga ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob sa atin. 

Linggo, Nobyembre 24, 2024

MAKINIG AT SUMUNOD SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

13 Disyembre 2024 
Paggunita kay Santa Lucia, dalaga at martir 
Isaias 48, 17-19/Salmo 1/Mateo 11, 16-19

SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | 19 November 2024 (Martes) - Quiapo Church Facebook and YouTube


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa dapat nating pakinggan at sundin. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa araw na ito na mayroon tayong dapat pakinggan at sundin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan, ang Poong Jesus Nazareno lamang ang dapat nating pakinggan at sundin nang taos-puso. Dahil Siya lamang ang tunay na maaasahan sa lahat ng oras, marapat lamang na pakinggan at sundin Siya. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Isaias ang pakiusap ng Panginoong Diyos. Isa lamang ang pakiusap ng Panginoong Diyos para sa bayang Kaniyang hirang - makinig at sumunod sa Kaniya. Nagbitiw rin ng pangako ang Panginoong Diyos para sa mga magpapasiyang makinig at sumunod sa Kaniya. Hindi Niya sila pababayaan. Lagi Niya silang tutulungan at papatnubayan. Nakatuon sa pangakong ito ng Panginoong Diyos ang mga salitang binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ipinasiya ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na maging taos-puso sa kaniyang pasiyang makinig at sumunod sa Diyos. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pagkadismaya sa katigasan ng ulo at puso ng mga tao. Bagamat si Jesus Nazareno ay ang Diyos na nagkatawang-tao dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, hindi pa rin Siya tinanggap ng nakararami dahil sa katigasan ng kanilang mga ulo at puso. Dahil dito, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay labis na nasaktan, nalungkot, at nadismaya. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpakita ng pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob sa lahat. Subalit, ang naging kapalit nito ay ang hindi pagtanggap sa Kaniya. 

Tayong lahat ay pinakikiusapan ng Inang Simbahan na makinig at sumunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Sa Kaniya lamang natin matatagpuan ang tunay na liwanag at pag-asa. Huwag nating patigasin ang ating mga puso at isipan. Bagkus, buksan natin ang ating mga puso at isipan sa pag-asang Kaniyang kaloob. 

Sabado, Nobyembre 23, 2024

ITURO ANG DAPAT ASAHAN

12 Disyembre 2024 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 39-47 (o kaya: Lucas 1, 26-38) 



Ang pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe ay nakasentro sa pagiging tagapagturo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria kung sino ang dapat asahan - ang Panginoong Diyos. Katunayan, isinalungguhit ng mga salitang binigkas ng Mahal na Inang si Mariang Birhen kay San Juan Diego na niloob ng Diyos na magpakita siya sa Guadalupe upang ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Hindi nagpakita kay San Juan Diego ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang ipakita sa lahat ang kaniyang kaningningan bilang Reynang Ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, nagpakita siya kay San Juan Diego upang ituro sa lahat kung sino ang dapat asahan. 

Niloob ng Diyos na magpakita ang Mahal na Birheng Maria kay San Juan Diego bilang tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa Kaniya lamang natin matatagpuan ang tunay na pag-asa. Hindi tayo dapat matakot lumapit sa Kaniya dahil Siya mismo ang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang nais ng Mahal na Poon. Maging panatag ang ating loob sa Kaniya. 

Mga salitang nagbibigay ng pag-asa sa tanan ang binigkas ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Ang mga salitang inilahad sa Salmong Tugunan ay nakatuon naman sa halaga ng pag-asa sa Panginoong Diyos. Katunayan, ang mga salita sa dalawang taludtod sa Salmong Tugunan ay tungkol sa tagumpay ni Judith. Si Judith ay nagwagi laban kay Holofernes na kaniyang pinugutan ng ulo dahil umasa siya sa Diyos. Hindi nawalan ng pag-asa sa Diyos si Judith. Ito ang nagbigay ng lakas ng loob kay Judith upang magtagumpay laban sa kaaway. Sa Ebanghelyo, itinampok ang pananalig at pag-asa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Diyos. Ang taos-pusong pananalig at pag-asa ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos ay ang bukod tanging dahilan kung bakit niya tinanggap ang misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang ina ni Kristo. 

Sa pamamagitan ng pagpapakita kay San Juan Diego, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Itinuro pa nga ng Mahal na Birheng Maria kung sino ang dapat asahan. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ng Poong Jesus Nazareno, dapat rin nating ituro sa tanan ang dapat asahan - ang Panginoon mismo. 

Biyernes, Nobyembre 22, 2024

BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

10 Disyembre 2024 
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila 
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22 


Ipinapaalala sa atin sa araw na ito kung bakit pinahahalagahan natin ang mga bahay-dalanginan o mga gusaling Simbahan gaya ng makasaysayang Katedral ng Maynila. Ang Simbahan ay binubuo ng mga mananampalataya. Tayo ang Simbahan. Subalit, sa kabila nito, pinahahalagahan pa rin natin ang mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan gaya na lamang ng makasaysayang Katedral ng Maynila dahil sa sinasagisag ng mga ito. 

Hindi mga gusali lamang ang lahat ng mga gusaling Simbahang itinayo bilang bahay-dalanginan. Ang mga gusaling ito ay sagrado. Sagrado ang mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan dahil sa presensya ng Diyos. Pinababanal ng presensya ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, ang mga gusaling itinayo bilang mga bahay-dalanginan. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang dalangin ni Haring Solomon. Ang pasiya ng Diyos na manahan sa Templo, bagamat ang Kaniyang trono ay nasa langit, ay buong linaw na binigyan ng pansin ni Haring Solomon sa kaniyang panalangin na inilahad sa Unang Pagbasa. Kahit na hindi kinailangan itong gawin ng Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin. Ito ang dahilan kung bakit buong lakas at linaw na inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pagmamahal at pagpapahalaga para sa Templo. Ang presensya ng Diyos ay ang dahilan kung bakit ang Templo ay banal. Ito rin ang puntong isinalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang Templo ay nilinis ng Poong Jesus Nazareno dahil nais Niyang isalungguhit na pinababanal ng Diyos ang Templo sa pamamagitan ng Kaniyang presensya. 

Ang mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan ay banal dahil sa presensya ng Panginoong Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil dito, ang ordinaryo ay nagiging banal. Mula sa pagiging mga karaniwang gusali, ang mga ito ay nagiging mga daluyan ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Mahal na Poon. Ginagawa rin ito ng Panginoong Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagtatalaga sa atin bilang Kaniyang mga Templo. Ipinasiya Niyang manahan sa atin upang ang bawat isa sa atin gawing banal at daluyan ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya.

Huwebes, Nobyembre 21, 2024

HIMALANG NAGDUDULOT NG PAG-ASA

9 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 


Ang Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa isang biyayang ipinagkaloob ng Diyos na nagpapalala sa lahat na sa Kaniya lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Bago siya isilang ng kaniyang inang si Santa Ana, iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanan. Walang bahid o dungis ng kasalanan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen dahil sa kahanga-hangang himalang isinagawa ng Diyos sa sandaling ipinaglihi siya sa sinapupunan ng kaniyang inang si Santa Ana. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang himalang ito na ginawa ng Diyos, pinatunayan Niyang Siya mismo ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang Kaniyang dakilang plano. Ang dakilang planong ito ng Panginoong Diyos ay magdudulot ng kaligtasan sa tanan. Sa pamamagitan nito, ang Panginoong Diyos ay nagdulot ng pag-asa sa sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Bagamat nalugmok ang sangkatauhan dahil sa pasiya nina Adan at Eba na suwayin ang utos ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niyang hindi talikuran at pabayaan ang sangkatauhan. Ipinasiya ng Panginoong Diyos na kumilos upang hindi tuluyang mapahamak ang sangkatauhang Kaniyang nilikha. 

Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang katuparan ng pangakong binitiwan ng Diyos sa Unang Pagbasa. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay ang babaeng inilarawan ng Diyos sa pangakong inihayag Niya sa Unang Pagbasa. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa sandaling ipinaglihi siya ni Santa Ana. Dahil dito, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay isinilang na walang kasalanan. Sa pamamagitan ng milagrong ito, pinagindapat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. 

Itinuon ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang Mahal na Inang si Mariang Birhen mula sa bahid ng kasalanan sa sandaling ipinaglihi siya sa sinapupunan ni Santa Ana. Dahil sa pag-ibig, habag, at awa, ipinasiya ng Diyos na gawin ang himalang ito. Ginawa ng Diyos ang kahanga-hangang himalang ito alang-alang sa atin. Ang kahanga-hangang himalang ito ay isa lamang bahagi ng Kaniyang plano upang tayong lahat ay iligtas mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Gaya ng inihayag nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, ang Diyos ay puspos ng habag at awa para sa atin. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay sumasalamin sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa. Katunayan, tayo nga mismo ang dahilan kung bakit ginagawa ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ito. 

Dahil sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, tayong lahat ay ipinasiya Niyang iligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay iniligtas ng Diyos mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang ng kaniyang inang si Santa Ana upang maging marapat maging ina ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang Diyos ay nagdulot ng pag-asa sa lahat sa pamamagitan nito. 

Biyernes, Nobyembre 8, 2024

PAG-ASANG DULOT NG TAGAPAGLIGTAS

8 Disyembre 2024
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6 


Ang Ebanghelyo tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o Adbiyento ay laging tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan. Ito ang misyong ibinigay sa kaniya ng Panginoong Diyos. Buong katapatang tinupad ni San Juan Bautista ang kaniyang misyon at tungkulin bilang tagapagpauna ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit na walang iba kundi ang kaniyang kamag-anak na si Jesus Nazareno. 

Marahil maitatanong ng marami kung ano naman ang napala ni San Juan Bautista sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ito na kaloob sa kaniya ng Diyos. Hindi lingid sa kaalaman ni San Juan Bautista na mayroong mga matitigas ang ulo na tutungo sa Ilog Jordan upang umusiyoso lamang at hindi isasapuso ang kaniyang mga pangaral tungkol sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas. Ang mga turo ni San Juan Bautista tungkol sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay papasok sa isang tainga at lalabas sa kabilang tainga. Hindi naman nila isasabuhay ang mga ito, ilang ulit mang mangaral sa tanan si San Juan Bautista tungkol sa mga nasabing paksa. 

Kung alam ni San Juan Bautista na hindi lahat ay makikinig sa kaniya, bakit pa rin niya ito ipinagpatuloy? Bakit hindi siya nagreklamo sa Panginoong Diyos at sinabing wala namang saysay ang misyong ito dahil hindi naman makikinig sa kaniya ang lahat ng taong pupunta sa kaniya sa Ilog Jordan? Isa lamang ang dahilan kung bakit hindi ito ginawa ni San Juan Bautista - ang humirang at nagtalaga sa Kaniya ay ang mismong bukal ng pag-asa. Sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. 

Nakatuon ang mga Pagbasa sa pagiging bukal ng pag-asa ng Panginoong Diyos. Mga salitang nagbibigay ng pag-asa sa Herusalem ang inilahad sa Unang Pagbasa. Hindi magtatagal ang pamumuhay ng mga taga-Herusalem sa kadiliman. Darating rin ang panahong mamumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa Panginoong Diyos. Buong linaw na nagpahayag tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmo Responsoryo. Sa pamamagitan nito, naging mensahero ng bukal ng pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa Ikalawang Pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa wakas ng panahon. Muling babalik ang Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon upang maghatid ng pag-asa sa lahat ng mga magpapasiyang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. 

Hindi takot, ligalig, at pangamba. Bagkus, ang dulot ng Panginoong Diyos ay pag-asa sa lahat. Siya ang bukal ng pag-asa. 

Huwebes, Nobyembre 7, 2024

UMASA SA MAHABAGING PANGINOON

6 Disyembre 2024 
Biyernes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon 
Isaias 29, 17-24/Salmo 26/Mateo 9, 27-33

Larawan: Jesus heals two blind men by Julius Schnorr, 19th century. Public Domain. 


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagpapagaling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa dalawang bulag na lalaki. Isinalamin ng paglapit at pagdulot ng dalawang bulag na lalaking ito sa Poong Jesus Nazareno ang kanilang pananalig at pag-asa sa Kaniya. Nanalig at umasa silang pagagalingin sila ni Jesus Nazareno. Ang hiling ng dalawang bulag na lalaking ito ay pinagbigyan ng Nazareno bilang tugon sa kanilang pananalig at pag-asa sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos. Ang mga salitang inilahad ni Propeta Isaias ay mga salitang nagdudulot ng pag-asa. Hindi takot at pangamba kundi pag-asa. Ito ang layunin ng pangako ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Nais ng Panginoong Diyos na umasa lamang sa Kaniya ang Kaniyang bayan dahil hindi Siya nakakalimot. 

Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan sa lahat ang kaniyang pag-asa sa Diyos. Sa Diyos lamang siya umaaasa sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa mundo. Ipinagkakatiwala niya sa Diyos ang lahat ng bagay. Laging panatag ang loob ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan dahil lagi siyang umaasa sa Panginoong Diyos. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na mayroon tayong maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay. Ang Diyos ay lagi nating maaasahan. Umasa tayo sa Kaniyang habag, pag-ibig, kagandahang-loob, at awa. Hindi Niya tayo bibiguin.