Biyernes, Disyembre 6, 2024

MAHALIN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

27 Disyembre 2024 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8


Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang ika-27 ng Disyembre, ang nasabing araw ay inilaan ng Inang Simbahan para sa Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita. Sa tuwing ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang Kapistahang ito, itinutuon ang ating mga pansin sa tunay, tapat, at dalisay na pag-ibig para sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa Libingang Walang Laman. Agad na tumakbo patungo sa libingan ng Panginoong Jesus Nazareno sina Apostol San Pedro na hinirang at itinalaga upang maging unang Santo Papa ng Simbahan at si Apostol San Juan na nagpakilala bilang alagad na minamahal ng Panginoon. Nasusulat rin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na si Apostol San Juan ay naniwala agad na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno nang makita ang mga kayong lino na ginamit bilang pambalot sa bangkay ng Mahal na Poon. Tunay at dalisay na pag-ibig para sa Panginoong Jesus Nazareno ang umudyok kay Apostol San Juan na maniwala agad sa Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. 

Ipinaliwanag naman ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa kung ano ang kaniyang misyon bilang apostol at misyonero. Ang kaniyang misyon at tungkulin ay ipakilala sa lahat kung sino ang dapat mahalin ng lahat nang buong katapatan hanggang sa huli. Si Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, ay ang dapat nating mahalin nang taos-puso hanggang sa huli. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan, Siya mismo ang dahilan kung bakit nagagalak ang mga masunuri't matapat sa Kaniya. 

Tayong lahat ay pinaaalalahanan sa araw na ito kung sino ang dapat nating ibigin nang may taos-pusong katapatan at pananalig hanggang sa huli - ang Panginoong Jesus Nazareno na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. 

ALANG-ALANG SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

26 Disyembre 2024 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Kapag ang ika-26 ng Disyembre ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, ang nasabing petsa ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Esteban, ang Unang Martir ng Simbahan. Tiyak na may mga magtataka kung bakit isang martir ang itinatampok at ipinagdiriwang sa araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang na isang araw para sa isang makulay at maligayang pagdiriwang. Kung tutuusin, maaari namang ipagdiwang ang Kapistahang ito sa ibang araw na malayo-layo naman mula sa araw ng Kapaskuhan. 

Itinatampok sa araw na kasunod ng pagdiriwang ng Kapaskuhan si San Esteban dahil sa kaniyang pasiyang manatiling tapat sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Hindi niya ikinatakot ang pagdaloy ng sarili niyang dugo alang-alang sa Poong Jesus Nazareno. Bagkus, kusang-loob na ipinasiya ni San Esteban na gawin ito bilang tanda ng kaniyang katapatan sa Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Ang pasiya ni San Esteban ay maging tapat na tagahatid ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na ipinasiya Niyang ipagkaloob sa bawat tao sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. 

Ang buhay at pagkamartir ni San Esteban ay itinampok sa Unang Pagbasa. Buong linaw na isinalungguhit sa maikling talambuhay ng Unang Martir ng Simbahan na si San Esteban na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ang kaniyang taos-pusong pasiyang maging tapat sa Panginoon hanggang sa huli. Ipinasiya ni San Esteban na isabuhay ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan at ang mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo bilang tanda ng kaniyang taos-pusong katapatan hanggang sa huli. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Kristo, mayroon tayong tungkuling maging mga tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Huwag nawa tayong matakot maging tapat sa Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Gaya ni San Esteban, tumindig tayo para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Huwebes, Disyembre 5, 2024

KUWENTO NG LIWANAG AT PAG-ASA

25 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Araw] 
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14) 


Ang kuwento ng gabi ng unang Pasko ay kuwento ng liwanag at pag-asa. Noong gabi ng unang Pasko, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, na maghatid ng liwanag at pag-asa sa lahat. Pinawi ng Kaniyang liwanag na sumasalamin sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ang kadiliman sa buong paligid. Bukal sa Kaniyang kalooban ang Kaniyang pasiyang isagawa ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Amang nasa langit. 

Inilarawan sa mga Pagbasa kung paanong ang Diyos ay nagdulot ng liwanag at pag-asa sa sangkatauhan. Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Panginoong Diyos sa bayang hinirang at itinalaga Niya upang maging Kaniya na darating Siya sa takdang panahon bilang Manunubos. Ang pagiging Tagapagligtas ng Panginoong Diyos ay binigyan ng pansin at isinalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Nakasentro rin sa pagdating ng Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat sa takdang panahon sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tampok na pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, ang pagiging tunay na Diyos ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay isinalungguhit. 

Hindi karaniwang sanggol na lalaki ang isinilang sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko. Bagkus, ang sanggol na lalaking isinilang sa nasabing sabsaban noong gabing yaon ay ang mismong Diyos na nangako sa Kaniyang bayan sa Lumang Tipan na darating Siya bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kailanman, hindi binalak ng Diyos na ibaon sa limot ang pangakong binitiwan dahil sa Kaniyang tunay, dalisay, at tapat na pag-ibig, kabutihan, habag, at awa.

Bukal sa kalooban ng Diyos ang Kaniyang pasiyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ang Kapaskuhan ay isang taunang pagdiriwang. Ang Diyos ay nagpasiyang maghatid ng liwanag at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng pagtubos sa lahat. Sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak, tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangakong binitiwan. Nang kusang-loob na ipasiya ng Diyos na isakatuparan ang pangakong ito, ipinalaganap Niya sa lahat ang tunay na liwanag at pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

BIYAYANG KALOOB NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

25 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway] 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 


Inilahad sa Ebanghelyo para sa Bukang-Liwayway ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, ang salaysay ng isinagawang pagdalaw ng mga pastol sa Kaniya. Matapos tanggapin mula sa mga anghel sa langit ang balita tungkol sa pagsilang ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem, ipinasiya ng mga pastol na tumungo sa lungsod ng Betlehem upang dalawin Siya na kusang-loob na nagpasiyang dumating sa mundong bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Batid naman nating lahat na hindi kinailangan ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kung ninais lamang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nanatili na lamang Siya sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Maaari na lamang magpakasarap at magpakaginhawa ang Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang kaharian sa langit kung saan ang mga anghel ay mag-aalay ng tapat at taos-pusong papuri at pagsamba sa Kaniya, katulad na lamang ng inilarawan sa ikalawang taludtod ng Salmong Tugunan.

Subalit, kahit na hindi naman kailangang pumarito sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon. Hindi napilitan si Jesus Nazareno na pumarito sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kusang-loob Niya itong ginawa. Ang dahilan kung bakit ipinasiya Niya itong gawin, kahit na hindi naman kailangan, ay walang iba kundi ang Kaniyang awa, habag, pag-ibig, at kabutihan.

Dahil sa Kaniyang awa, habag, pag-ibig, at kabutihan, ang Poong Jesus Nazareno ay kusang-loob na dumating bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko upang ipagkaloob sa sangkatauhan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ipinaliwanag sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa kung ano ang paraang ginamit ng Panginoong Jesus Nazareno upang isagawa ito. Ang misyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na bigay ng Amang nasa langit ay isinalungguhit nang buong linaw sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagligtas sa atin, naghatid Siya ng pag-asa sa ating lahat. 

Ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko ay kusang-loob na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi sapilitan ang Kaniyang pagdating. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin sapagkat nais Niyang magdulot ng pag-asa sa lahat. 

LIWANAG NA NAGMUMULA SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

25 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2,11-14/Lucas 2, 1-14 


Hindi nagmula sa buwan ang liwanag noong gabi ng unang Pasko. Kung nagmula sa buwan ang liwanag noong gabi ng unang Pasko, ang nasabing gabi ay magiging isang karaniwang gabi lamang. Subalit, ang gabi ng unang Pasko ay hindi isang karaniwang gabi. Ang liwanag ng nasabing gabi ay nagmula sa isang 'di inaaasahang ilaw. 

Isiniwalat kung saan ang hindi pangkaraniwang liwanag noong gabi ng unang Pasko ay nagmula sa mga Pagbasa para sa Hatinggabi ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, ang biyayang ipagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa takdang panahon ay inilarawan ni Propeta Isaias. Hindi pangkaraniwan ang kaloob na ito. Ang kaloob na ito ay isang sanggol na lalaki. Sa Salmong Tugunan, ipinakilala kung sino ang nasabing sanggol na lalaki. Ang nasabing sanggol na lalaki ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na hinintay ng bayang Israel sa loob ng mahabang panahon. Sa Ikalawang Pagbasa, ang dulot ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo. Kaligtasan at liwanag ang kaloob ng Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa sa tanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang lahat ng mga anghel sa langit ay nagsiawitan matapos ibalita sa mga pastol na isinilang ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. 

Ang liwanag noong gabi ng unang Pasko ay hindi pangkaraniwan. Hindi ito nagmula sa buwan. Bagkus, nagmula ito sa isang 'di pangkaraniwang ilaw. Ang ilaw na ito ay walang iba kundi ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem. Katunayan, Siya mismo ay ang tunay na liwanag. Sa pamamagitan Niya, dumating sa sansinukob ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang gabi ng unang Pasko ay naging hindi pangkaraniwan. Ang karaniwan ay ginawa Niyang hindi pangkaraniwan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit taun-taon natin itong ginugunita at ipinagdiriwang nang buong ligaya. Marami mang taon at siglo ang lumipas magmula noong nangyari ito (nakatatak na nga ito sa kasaysayan), patuloy pa rin natin itong gugunitain at ipagdiriwang nang buong ligaya taun-taon bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag dahil sa Kaniya. 

Sa pamamagitan ng pagsilang ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, dumating ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa sansinukob. Ang Kaniyang liwanag ay sumasalamin sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil dito, naging 'di pangkaraniwan ang gabi ng unang Pasko. 

KUMPLETO ANG PASKO DAHIL SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

25 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17.22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1,18-25)


"Maligayang Pasko!" ang bati natin sa bawat isa tuwing sasapit ang ika-25 araw ng buwan ng Disyembre, ang araw na inilaan ng para sa pagdaraos ng taunang maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Buong linaw na isinasalungguhit ng pagbating ito ang pagiging maligaya ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay isang araw ng kaligayahan. 

Subalit, ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay isang araw upang maging maligaya? Mga masasarap na pagkain sa hapag-kainan? Mga regalo? Ano ba ang mayroon sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at dapat maging masaya ang lahat sa pagsapit ng araw ng nasabing pagdiriwang? Ano ba ang dapat ikatuwa at ikasaya ng lahat, lalung-lalo na't hindi na mabilang ang mga krisis at problemang hinaharap ng komunidad, lipunan, at pati na rin ang buong mundo sa sobrang dami ng mga ito? 

Ipinapaalala sa ating lahat ng mga Pagbasa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang bukod-tanging dahilan kung bakit ang nasabing araw ay isang araw upang ang bawat tao sa daigdig na ito ay mapuspos ng tuwa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang bayan. Darating ang Panginoon upang maghatid ng kaligayahan at pag-asa sa Kaniyang bayan. Inilarawan naman ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito. Ang pag-ibig ng Diyos na walang maliw ay ang dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na tuparin ang pangakong Kaniyang binitiwan sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Buong linaw na ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa mga nagkatipon sa isang sinagoga sa Antioquia sa salaysay ng kaganapang itinampok sa Ikalawang Pagbasa kung paanong tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan. Tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ni San Mateo ang katapatan ng Diyos na kahit kailan ay hindi magmamaliw. Nang sumapit ang takdang panahon, isinilang ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Diyos ang Kaniyang walang maliw na katapatan. 

Noong gabi ng unang Pasko, sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng kapanganakan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, dumating sa mundo ang tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob Niyang mangyari ito. 

Hindi tungkol sa iba't ibang bagay gaya na lamang mga masasarap na pagkain, mga palamuti, mga regalo, mga salu-salo, at maging ang malamig na simoy ng hangin ang taunang maringal na pagdiriwang ng Kapaskuhan. Bagkus, ang pagdiriwang ng Pasko ay tungkol sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos na kusang-loob na nagpasiyang magdulot ng kaligayahan at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Kaya naman, may kasama man o wala, magarbo man o simple, masaya pa rin ang pagdiriwang ng Pasko.

Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos, may kaligayahan ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang Panginoong Diyos ay dumating sa lupa upang ang sangkatauhan ay iligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Sa pamamagitan nito, kinumpleto ng Diyos ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. 

Linggo, Disyembre 1, 2024

TAGAPAGPALAGANAP NG TUNAY NA PAG-ASA

24 Disyembre 2024 
Ikasiyam at Huling Araw ng Simbang Gabi 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 


Inilahad sa Ebanghelyo ang awit-papuri ng ama ni San Juan Bautista na si Zacarias na kilala ng nakararami sa tawag na Benedictus. Sa awiting ito, nagpatotoo si Zacarias tungkol sa walang maliw na katapatan ng Diyos. Hindi Siya nakakalimot sa Kaniyang pangako. Ang mga pangakong binitiwan ay Kaniyang tinutupad sa panahong itinakda Niya. Patunay lamang ito ng kabutihan, biyaya, pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa ng Panginoong Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang pangako ng Panginoong Diyos kay Haring David. Una itong inihayag ng Panginoong Diyos kay Propeta Natan. Ipinangako ng Panginoong Diyos kay Haring David na isa sa kaniyang mga anak ang papalit sa kaniya sa sandali ng kaniyang pagpanaw. Tinupad nga ng Panginoong Diyos ang pangakong ito. Isa sa kaniyang mga anak, si Solomon, ang pumalit sa kaniya bilang hari. Nang maging hari, hindi pinabayaan ng Panginoon si Solomon. Lagi Niyang tinulungan, pinatnubayan, at ginabayan si Haring Solomon. Iyon nga lamang, sa bandang huli, sinuway ni Solomon ang Panginoong Diyos at nagsimulang sumamba sa mga diyus-diyusan dahil sa pag-udyok ng kaniyang mga asawa at mga asawang-alipin. Sa halip na manatiling tapat, binaon na lamang sa limot ni Haring Solomon ang kabutihan ng Diyos. 

Ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay sumasalamin sa nilalaman ng kaniyang puso. Tunay nga niyang iniibig ang Panginoong Diyos. Dahil sa kaniyang taos-pusong pag-ibig para sa Panginoon, nais ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na ipalaganap ang tunay na pag-ibig at pag-asang nagmumula lamang sa Panginoon saan man siya magtungo. 

Katulad ni Propeta Natan sa Unang Pagbasa at ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, si San Juan Bautista ay hinirang at itinalaga ng Diyos upang ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang misyong ito na ibinigay sa kaniya ng Diyos ay binigyan ng pansin ng ama niyang si Zacarias sa isa sa mga taludtod ng kaniyang awit-papuri na inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kaniyang misyon, ang tunay na pag-asa sa Diyos lamang nagmumula ay kaniyang ipinalaganap sa lahat. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay hinirang at itinalaga upang ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Maging bukal nawa sa ating mga puso at loobin ang pagtanggap at pagtupad sa misyong ito na bigay sa atin ng Diyos.