Biyernes, Disyembre 13, 2024

TAOS-PUSONG PAPURI MULA SA MGA TUNAY NA UMAAASA SA KANIYA

10 Enero 2025 
Biyernes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
1 Juan 5, 5-13/Salmo 147/Lucas 5, 12-16 

SCREENSHOT: "LIVE: Dalaw-Nazareno | Rito ng Pagtanggap" (November 22, 2024) (Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto Network Facebook Page


"Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin" (Salmo 147, 12a). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Hindi mabibilang ng sinuman sa daigdig na ito ang lahat ng mga dahilan kung bakit ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ay dapat nating handugan ng taos-pusong papuri at pasasalamat. 

Sa Ebanghelyo, nagpagaling ng isang ketongin ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang himalang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagdulot ng galak at pag-asa sa ketongin. Kusang-loob na ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na magdulot ng tunay na galak at pag-asa sa ketonging ito sa pamamagitan ng himalang ito. Isang maikling buod ng kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay inilahad ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa. Dinulutan tayo ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. 

Ang mga tunay na deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagpupuri sa Kaniya nang taos-puso. Ipinapahayag nilang tunay nga silang umaaasa sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa sa pamamagitan nito. 

SUMUSUNOD KAY JESUS NAZARENO ANG MGA TUNAY NA UMAAASA SA KANIYA

9 Enero 2025 
Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17

SCREENSHOT: QUIAPO CHURCH Official Logo Launching of NAZARENO 2025 | 22 October 2024 (Facebook and YouTube


"'Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog' (1 Samuel 15, 22) sa mga Umaasa kay Jesus." Ito ang tema para sa maringal na pagdiriwang ng Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa taong 2025. Buong linaw na isinasalungguhit sa tema para sa nasabing Kapistahan sa nasabing taon kung gaano kahalaga para sa bawat isa sa atin ang taos-pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Pinatutunayan nito ang ating taos-pusong debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tunay ngang nananalig at umaaasa sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga sumusunod sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, hiniling ng mga Israelita kay Moises na dumalangin sa Diyos na may kapangyarihang iligtas sila mula sa mga makamandag na ahas na padala Niya bilang parusa sa kanilang pagrereklamo na sumasaigsag sa kanilang pasiyang huwag umasa sa Kaniya. Malakas na inihayag ng mga Israelita sa simula ng Unang Pagbasa na ang Diyos ay hindi maaasahan. Nagbago ang pananaw ng mga Israelita matapos padalhan sila ng Diyos ng mga makamandag na ahas. Saka lamang nila naaalalang kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na iligtas sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Dahil dito, buong kababaang-loob nilang hiniling kay Moises na makiusap sa Diyos para sa ikaliligtas nila. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan ay isang paalala para sa ating lahat. Hindi natin dapat limutin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Kahit na hindi Niya kinailangang gawin ang lahat ng iyon, kusang-loob pa ring ipinasiya ng Panginoong Diyos na gawin ang lahat ng iyon alang-alang sa atin. Ang lahat ng mga taos-pusong umaaasa sa Nuestro Padre Jesus Nazareno ay sumusunod sa Kaniyang mga utos at loobin dahil hindi nila nililimot ang Kaniyang mga gawa. 

Isinentro ni Apostol San Pablo sa kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno hanggang sa huli ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Alang-alang sa atin, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay kusang-loob na sumunod sa kalooban ng Ama nang may kababaang-loob hanggang sa huli. Kahit na sarili Niyang buhay ang naging kapalit nito, buong kababaang-loob pa ring isinagawa ng Poong Jesus Nazareno ang misyong ibinigay sa Kaniya ng Amang nasa langit upang ipakita sa atin na lagi natin Siyang maaasahan. 

Nakatuon sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang mga salita sa Ebanghelyo. Dahil sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila, dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagligtas sa ating lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, idinulot ng Diyos sa bawat isa sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging sumusunod sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag nilang tunay nga silang nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Huwebes, Disyembre 12, 2024

DULOT NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

8 Enero 2025 
Miyerkules kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 4, 11-18/Salmo 71/Marcos 6, 45-52

"Huwag kayong matakot, si Hesus ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!" (Marcos 6, 50). Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol habang naglalakad sa ibabaw ng tubig sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan na dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit upang idulot sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang ito na nagmumula lamang sa Poong Jesus Nazareno ay nagdudulot ng lakas at kapanatagan ng loob sa lahat. 

Sa Unang Pagbasa, itinutuon ni Apostol San Juan ang ating mga pansin sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang ihatid sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Ang Diyos ay hindi napilitan. Kusang-loob Niya ipinasiyang gawin. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay mayroong misyon at tungkulin na ihatid at ipalaganap sa kapwa ang biyayang ito na kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. 

Kapag ipinasiya nating tuparin nang mabuti ang ating misyon at tungkulin bilang mga tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang kaloob sa atin ng Panginoon, isinasabuhay natin ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ang pagtupad natin sa misyong ito nang bukal sa ating mga puso ang magpapatunay na iniibig rin natin Siya nang tapat. Dahil buong katapatan rin nating iniibig ang Diyos, ang Kaniyang kalooban ay ating tinutupad at sinusunod. 

Dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit upang iligtas tayong lahat mula sa kasalanan. Inihatid Niya sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya na nagdudulot ng lakas ng loob. Bilang Kaniyang mga tapat na deboto at tagasunod, kailangan nating ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Panginoon sa tanan. 

TUNAY NA PAG-IBIG MULA SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

7 Enero 2025 
Martes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 4, 7-10/Salmo 71/Marcos 6, 34-44 

SCREENSHOT: #PABIHIS sa Mahal na Poong Jesus Nazareno | 19 November 2024 (Martes) (Facebook and YouTube


"Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos ... sapagkat ang Diyos ay pag-ibig" (1 Juan 4, 7-8). Sa mga salitang ito ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Lagi tayong pinaalalahanan ng Inang Simbahan na ang Diyos ay pag-ibig dahil ito ang bukod tanging dahilan kung bakit lagi tayong nagkakabuklod-buklod bilang mga bumubuo sa Simbahan. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niya tayong tubusin sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. 

Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakain sa limanlibo. Ang himalang ito ng Poong Jesus Nazareno ay hindi lamang pagpapamalas ng Kaniyang kapangyarihan bilang Diyos. Bagkus, ito rin ay pagpapahayag ng Kaniyang pag-ibig para sa lahat. Sa pamamagitan ng himalang ito, ipinapaalala ng Poong Jesus Nazareno na lagi Siyang handang tumugon sa pangangailangan ng bawat tao. Hindi Niya tayo dededmahin. 

Inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na paglilingkuran ng lahat ng mga bansa ang Panginoong Diyos. Sa mga taludtod ng nasabing awit-papuri, ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ipinasiyang gawin ng Panginoong Diyos ay buong linaw na pinatotohanan ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ang mga bagay na ito ay Kaniyang isinagawa upang ihayag ang Kaniyang pag-ibig. 

Nais ng Diyos na malaman ng lahat na tunay Siyang mapagmahal. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang idulot sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito ang Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Lunes, Disyembre 9, 2024

KATAPATAN SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

6 Enero 2025 
Lunes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 3, 22-4, 6/Salmo 2/Mateo 4, 12-17. 23-25 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch 7PM #OnlineMass • 08 December 2024 • 2nd Sunday of #Advent #Peace (Facebook and YouTube)  

Ang pagiging tapat sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Inang Simbahan sa atin. Palagi tayong inaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Kaniyang mga tapat na tagasunod sa bawat sandali ng ating buhay dito sa daigdig na ito na pansamantala lamang. Sa pamamagitan nito, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit ay inaaalok Niya sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nagsalita tungkol sa katapatan sa Diyos. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ni Kristo, dapat tayong maging tapat sa Diyos. Dahil tayong lahat ay Kaniyang iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, walang dahilan upang hindi tayo maging tapat sa Kaniya. Hindi na tayo mga alipin o mga bihag. Mayroon na tayong kalayaan at pag-asa ang bawat isa sa atin. Ang katapatan sa Diyos ay buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Buong linaw at lakas na inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dapat pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay upang makapaglingkod ang lahat sa Diyos nang may dalisay at taos-pusong katapatan. 

Dalisay at taos-pusong katapatan ang hinahanap ng Poong Jesus Nazareno sa bawat isa sa atin. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay yaong mga hindi magsasawang maging tapat sa Kaniyang taos-pusong paglilingkod at pamamanata sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. 

SUNDIN ANG TALA NG PAG-ASA

5 Enero 2025  
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2,1-12 


Inilahad sa Ebanghelyo ang salaysay ng kaganapang pinagninilayan at ipinagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito. Dinalaw ng mga Pantas na nagmula pa sa Silangan ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Naglakbay nang napakalayo ang mga Pantas upang dalawin at sambahin ang bagong silang na Sanggol na Siyang tunay na Hari na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sinundan nila ang tala mula sa langit na umakay sa kanila patungo sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. 

Ang layo ng nilakbay ng mga Pantas ay hindi biro. Napakalayo ng kanilang nilakbay patungo sa lugar kung saan ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay kanilang natagpuan. Katunayan, buong ipinahiwatig ni San Mateo sa salaysay ng kaganapang ito na inilahad sa Ebanghelyo na hindi sila mga Israelita. Mga dayuhan sila. Dumaan sa palasyo ni Haring Herodes ang mga Pantas na ito sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Kung sino pa yaong sakim sa kapangyarihan, siya pa yaong unang pinagtanungan ng mga dayong ito. Para kay Haring Herodes, walang ibang hari kundi siya. 

Bagamat mga dayuhan sila, ipinasiya pa rin ng mga Pantas na ito na maglakbay nang napakalayo upang dalawin at sambahin ang Banal na Sanggol na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Pinahintulutan nilang akayin sila ng Kaniyang Tala. Naging bukas sa pag-akay ng Diyos ang mga Pantas na ito. Kahit gaano pa sila katalino, sinundan pa rin ng mga nasabing Pantas ang Tala ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno nang may taos-pusong kababaang-loob at tuwa.

Niloob rin ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na dalawin Siya ng mga Pantas mula sa Silangan. Sa pamamagitan nito, natupad ang pahayag na inilahad sa Unang Pagbasa. Ito rin ang inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Pati na rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, inihayag niya nang buong linaw na ihahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno na Siya lamang ang tunay na Hari. Ang lahat ay maglilingkod at sasamba sa Kaniya nang buong kababaang-loob. 

Hindi napilitan ang mga Pantas na sundin ang tala ng pag-asa. Kusang-loob nilang ipinasiyang gawin ito. Maging bukal sa ating kalooban ang ating pagsunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

PAANYAYA NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Enero 2025 
Ika-4 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 3, 7-10/Salmo 97/Juan 1, 35-42 


"Halikayo at tingnan ninyo" (Juan 1, 39). Ito ang paanyaya ng Poong Jesus Nazareno sa dalawang tagasunod ni San Juan Bautista na nagsimulang sumunod sa Kaniya. Matapos Siyang ipakilala muli ni San Juan Bautista bilang Kordero ng Diyos sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inanyayahan ng Poong Jesus Nazareno ang dalawang dating alagad ni San Juan Bautista sa bahay na Kaniyang tinitirhan. Simula noon, ang Poong Jesus Nazareno ay kanilang sinundan. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakatuon sa paanyayang ito ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Patuloy pa ring umaalingawngaw ang paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang para sa dalawang dating tagasunod ni San Juan Bautista ang paanyayang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, para rin ito sa atin. Tayong lahat ay laging inaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging bukas sa biyaya ng bagong buhay dulot Niya sa lahat. 

Sa Unang Pagbasa, ipinaalala ni Apostol San Juan ang lahat na hindi dapat bumalik sa dating pamumuhay ang lahat ng mga binago ng Poong Jesus Nazareno. Ipinaalala ni Apostol San Juan na ito ang dahilan kung bakit dumating bilang Kordero ng Diyos at ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa lupa upang baguhin tayo. Ang bagong buhay na Kaniyang kaloob sa atin ay bunga ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Kapag binuksan natin nang taos-puso ang buo nating sarili sa bagong buhay na dulot ng Poong Jesus Nazareno, hindi na tayo dapat bumalik pa sa kasalanan at kadiliman. 

Buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang pagiging Tagapagligtas ng Poong Jesus Nazareno. Kaligtasan ang dulot ng Mesiyas sa lahat. Ang mga salitang ito ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan tungkol sa pagliligtas ng Diyos ay tinupad ng Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang pagdating. 

Lagi tayong inaanyayahan ng Poong Jesus Nazareno na sumunod sa Kaniya nang sa gayon ay baguhin Niya tayo. Ang bagong buhay na Kaniyang kaloob sa atin ay isang buhay na puno ng tunay na liwanag at pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.