Biyernes, Pebrero 14, 2025

ISABUHAY ANG PANANALIG AT PAG-ASA SA DIYOS

16 Pebrero 2025 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 17, 5-8/Salmo 1/1 Corinto 15, 12. 16-20/Lucas 6, 17. 20-26 


Ang pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa mga mapapalad at mga aba sa paningin ng Diyos ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Isa lamang ang aral na isinalungguhit ng Panginoong Jesus Nazareno sa Kaniyang mga pahayag tungkol sa mga tunay na mapapalad at mga aba sa paningin ng Diyos. Hindi nawawalan ng pag-asa ang mga tunay na mapapalad sa paningin ng Diyos dahil ang Diyos mismo ay ang kanilang pag-asa. Sa Panginoong Diyos lamang sila nananalig at umaaasa. Isinasabuhay ng mga tunay na mapapalad sa paningin ng Diyos ang bawat katangiang inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa kanila na inilahad sa Ebanghelyo bilang patunay na nananalig at umaaasa nga sila sa Diyos. 

Nakatuon sa halaga ng pagsasabuhay ng pananalig at pag-asa sa Panginoong Diyos ang pagninilay ng Simbahang sa Linggong ito. Ipinapaalala ng Simbahan sa bawat isa sa atin na hindi sapat na sabihing nananalig at umaaasa sa Diyos. Ang pananalig at pag-asa sa Diyos ay dapat isabuhay. Dapat maging bukas tayo sa pag-asang dulot ng Diyos na nagdudulot naman ng pagbabago sa atin. Binabago tayo ng Panginoon, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Jeremias ang pahayag ng Panginoong Diyos tungkol sa mga nananalig at umaaasa sa Kaniya. Inihayag ng Panginoong Diyos nang buong linaw na mapapalad ang mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang lubusan. Ito rin ang inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Kaya naman, maaaring sabihing hindi isang bagong aral ang itinuro ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Bagkus, pinatunayan Niya sa pamamagitan ng Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo na Siya mismo ang Diyos na nagpahayag na pagpapalain Niya ang mga lubusang mananalig at aasa sa Kaniya nang taos-puso. 

Isinentro ni Apostol San Pablo sa dakilang tagumpay ng Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ang Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, ay ang natatanging dahilan kung bakit mayroong saysay ang ating pananampalataya sa Kaniya. Sa pamamagitan ng Kaniyang maluwalhating tagumpay, pinagkalooban tayo ng Panginoong Jesus Nazareno ng isang panibagong buhay bilang Kaniyang hirang na sambayanang lubusang nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Kung tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Nuestro Padre Jesus Nazareno nang buong puso at kaluluwa, dapat natin itong isabuhay. Ang taos-pusong pananalig at pag-asa sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, ay hindi lamang ipinapahayag sa pamamagitan ng mga salita. Bagkus, dapat rin itong ipakita sa ating mga gawa. 

Huwebes, Pebrero 13, 2025

HINDI PAASA KUNDI NAGBIBIGAY NG TUNAY NA PAG-ASA

14 Pebrero 2025 
Paggunita kina San Cirilo, monghe, at San Metodio, obispo 
Genesis 3, 1-8/Salmo 31/Marcos 7, 31-37




"Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan" (Salmo 31, 1a). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Buong linaw na isinasalungguhit ng mga salitang ito ang dulot ng tunay na pag-asang kaloob ng Diyos sa atin. Kaligtasan ang dulot ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula. Tayo ang magpapasiya kung ang ating mga sarili ay ating bubuksan sa biyayang ito. Pinapatunayan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng kusang-loob na pagligtas sa atin na tunay nga Siyang maaasahan sa bawat sandali. Hindi tayo bibuguin ng Panginoong Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, itinampok ang salaysay ng pagkalugmok ng tao sa kasalanan. Sa halip na sundin ang utos ng Panginoong Diyos bilang patunay ng pananalig at pag-asa sa Kaniya, ipinasiya nina Adan at Eba na magpatalo sa tukso ng ahas. Sinuway ng una nating mga magulang na sina Adan at Eba ang utos ng Panginoong Diyos na huwag kainin ang pinagbabawal na bunga, ang bunga mula sa Puno ng Karunungan tungkol sa Kabutihan at Kasamaan. Hindi nila nilabanan ang tukso. Hinayaan nilang lokohin at linlangin sila ng demonyo. Dahil nagpaloko sina Adan at Eba sa demonyo, pumasok sa mundo ang kasalanan. 

Ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapagaling sa isang lalaking bingi at utal. Ginamit ng Poong Jesus Nazareno ang salitang "Effata" na ang ibig sabihin ay "Mabuksan" sa pagpapagaling sa lalaking ito na hindi nakakarinig at nakakapagsalita. Dahil sa Poong Jesus Nazareno, ang dating bingi at pipi ay nakakarinig at nakakapagsalita. 

Hindi lamang para sa lalaking bingi at pipi na Kaniyang pinagaling sa Ebanghelyo ang salitang ito na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang salitang "Effata" na nangangahulugang "Mabuksan" ay patuloy pa ring binibigkas sa bawat isa sa atin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, nakikiusap sa bawat isa sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na buksan ang ating mga puso at sarili sa Kaniya. Kahit na hindi naman Niya kailangang gawin ito, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang gawin ito dahil ayaw Niya tayo mapahamak dulot ng huwag na pag-asa, panloloko, at panlilinlang. Ipinapaalala Niya sa ating lahat sa pamamagitan nito na tunay nga natin Siyang maaasahan. Hindi Niya lolokohin o paaasahin. 

Buksan natin ang ating mga puso at sarili kay Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, na kusang-loob na lumalapit sa atin. Hindi Siya paaasa. Wala Siyang balak lokohin, linlangin, at biguin tayo. Tunay nga natin Siyang maaasahan dahil ang dulot Niya sa atin ay ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Sabado, Pebrero 8, 2025

PAGSUNOD SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

11 Pebrero 2025 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 


"Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo" (Juan 2, 5). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Mahal na Birheng Maria sa mga katulong sa Kasalan sa Cana tungkol sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa mga sandaling yaon, naubusan sila ng alak para sa kasalang ito. Malaki at seryoso ang problemang ito dahil sa dami ng mga taong dumalo sa nasabing piging. Itinuro niya sa kanila sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas niya sa kanila sa salaysay ng kaganapang ito na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo kung sino lamang ang makakatulong sa kanila sa problemang kanilang hinaharap sa mga sandaling yaon - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan para sa pagbibigay ng parangal at pagpugay sa Mahal na Birheng Maria sa ilalim ng kaniyang titulo bilang Birhen ng Lourdes. Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakatuon sa pagiging tagapagturo ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaniyang Anak na lubos niyang minamahal ay itinuturo niya sa bawat isa sa atin. Ang nais ng Mahal na Birheng Maria para sa atin ay maging mga tapat na tagasunod ng kaniyang Anak na iniibig niyang lubusang si Jesus Nazareno ang bawat isa sa atin. Ang pagsunod kay Jesus Nazareno nang buong katapatan hanggang sa huli ay patunay na nananalig at umaaasa tayo sa Kaniya nang lubusan.

Katulad ng nasasaad sa salaysay ng Kasalan sa Cana na itinampok sa Ebanghelyo, hindi binigo ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga katulong sa nasabing kasalan. Pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng himalang ito na nangyari sa tulong ng pakiusap sa Kaniya ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na maaasahan nga Siyang tunay. Hinding-hindi bibiguin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, nagbitiw ng pangako ang Panginoong Diyos sa bayang Kaniyang hirang. Tinupad ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na naging Anak rin ng Mahal na Birheng Maria na si Jesus Nazareno. Ito ay isa lamang patunay na hindi nambibigo ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Hindi kabiguan ang dulot ng Diyos kundi tunay na pag-asa. Katunayan, sa Kaniya lamang masusumpungan ang tunay na pag-asa. 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Birhen ng Lourdes, kung sino ang dapat nating sundin. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay dapat nating sundin nang buong katapatan. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsunod sa Poong Jesus Nazareno, ipinapahayag natin sa Kaniya na sa Kaniya tayo nananalig at umaaasa nang buong puso at kaluluwa. 

Biyernes, Pebrero 7, 2025

SA KANIYA TAYO DAPAT MANALIG AT UMASA

9 Pebrero 2025 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 6, 1-2a. 3-8/Salmo 137/1 Corinto 15, 1-11 (o kaya: 15, 3-8.11)/Lucas 5, 1-11


Tiyak na maraming ulit na'ng narinig ng marami sa atin ang kasabihang "Ang buhay ay parang sugal." Isa lamang ang kahulugan ng kasabihang ito. Walang katiyakan sa buhay dito sa lupa. Kaya naman, dapat marunong tayo dumiskarte. Hindi natin alam kung ano ang mga hamon at pagsubok na ibabato sa atin. Dahil dito, kinakailangang lagi tayong handang dumiskarte. Yari ang mga hindi marunong dumiskarte. Ang mga hindi marunong dumiskarte ay lalamunin nang buhay. 

Kung pagbabasehan natin ang kasabihang "Ang buhay ay parang sugal," mapapailing na lamang tayo sa ginawa ng mga unang alagad ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sa pananaw ng mundo, itinatapon at sinasayang lamang ng mga unang alagad ng Panginoong Jesus Nazareno ang kanilang buhay sa wakas ng tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Hindi praktikal ang kanilang ginawa sa wakas ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Bakit naman nila tatalikuran at iiwanan ang kanilang hanap-buhay upang sundin ang Nazarenong ito na hindi naman kilala? Hindi ba nila alam na mahalaga ang pera sa lipunan? Paano na sila at ang kanilang pamilya? 

Bukod pa roon, sa paningin ng mundo, hindi sapat ang himalang ginawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa kanila na tuluyang talikuran at iniwanan ang kanilang hanap-buhay. Hindi sila dapat nagpadala sa mangha. Bagkus, ang dapat ginawa ng mga alagad ay magpasalamat sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na kusang-loob na tumulong sa kanila sa pamamalakaya. Sa tulong ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nakahuli sila ng maraming isda. Hindi nila kinailangang iwan ang pamamalakaya na kanilang hanap-buhay. Wala silang kikitaing pera kapag iniwan nila ito. 

Anong pumasok sa isipan ng mga mamamalakayang ito at napagpasiyahan nilang tuluyang talikuran at iwan ang kanilang hanap-buhay upang sundin ang Poong Jesus Nazareno? Nagpadala lamang ba sila sa mangha dahil sa kahanga-hangang himalang isinagawa ng Poong Jesus Nazareno? Bakit ito ang kanilang pasiya? 

Hindi nagpadala sa mangha dulot ng himalang isinagawa ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang mga apostol. Bagkus, naakit sila sa habag at awang ipinakita sa kanila ng Poong Jesus Nazareno. Dahil sa habag at awa ng Poong Jesus Nazareno na tunay ngang dakila't kahanga-hanga, kusang-loob Niyang ipinasiyang tulungan ang mga mamamalakayang ito sa pamamagitan ng himalang ito. Sa pamamagitan rin ng himalang ito, itinuro sa kanila ng Poong Jesus Nazareno na naparito Siya sa mundo upang magdulot ng tunay na pag-asa. Itinuro rin Niya sa kanila kung sino nga ba ang dapat nilang asahan - Siya, ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, kusang-loob na inialay ni Propeta Isaias ang buo niyang sarili sa Panginoong Diyos bilang propetang Kaniyang hirang at itinalaga. Inihayag ni Propeta Isaias sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang ito na tunay nga siyang nananalig at umaaasa sa Panginoong Diyos. Dahil sa Mahal na Poon siyang nananalig at umaaasa nang buong puso, kusang-loob niyang tinanggap ang misyong bigay sa kaniya. Ito rin ang pasiya ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Ang bawat katagang binigkas niya nang buong puso sa bawat taludtod ng kaniyang awit ng pagpupuri sa Diyos na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ay nagpapahayag ng kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos na nagpakita ng habag at awa sa kaniya. Maging si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, nagpasiyang manalig at umasa sa Diyos. Sa kabila ng kaniyang nakaraan bilang isang masugid na taga-usig ng Simbahan, ipinasiya pa rin ng Diyos na magpakita ng habag at awa sa kaniya sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na nagpakita sa kaniya habang naglalakbay siya patungong Damasco. 

Lagi tayong pinaalalahanan ng Panginoong Jesus Nazareno na dapat tayong manalig at umasa sa Kaniya nang taos-puso. Hindi Siya magsasawang gawin ito. Bilang mga mananampalatayang taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya, sa Kaniya natin ipagkatiwala ang lahat. Ipakilala rin natin si Jesus Nazareno sa lahat upang makilala ng lahat ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi Siya. 

Huwebes, Pebrero 6, 2025

HUWAG MATAKOT MANALIG AT UMASA SA DIYOS

7 Pebrero 2025 
Biyernes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Hebreo 13, 1-8/Salmo 26/Marcos 6, 14-29 

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagpapakasakit at pagkamatay ng tagapaghanda ng daraanan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na walang iba kundi si San Juan Bautista sa kamay ni Herodes Antipas. Buong linaw na isinalungguhit ang kagitingan at katapatan ni San Juan Bautista hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa lupa sa kabuuan ng salaysay ng nasabing kaganapan sa Ebanghelyo. Kahit na sarili niyang buhay ang kapalit ng kaniyang taos-pusong paglilingkod sa Diyos, sa Diyos pa rin niyang ipinasiyang ialay ang kaniyang pananalig at katapatan. Ipinasiya pa rin niyang manindigan para sa Diyos nang buong kagitingan hanggang sa huli. 

Maaari namang bawiin ni San Juan Bautista ang lahat ng kaniyang mga sinabi laban kina Herodes Antipas at Herodias. Alam ni San Juan Bautista na sina Herodes Antipas at Herodias ay mga makapangyarihang tao dahil sa kanilang mga posisyon. Batid rin niyang manganganib ang kaniyang buhay kapag nasaktan ang mga damdamin nina Herodes Antipas at Herodias dahil sa mga maaanghang na salitang binibigkas niya. 

Sa halip na bawiin ang lahat ng mga maaanghang at masasakit na salitang kaniyang binigkas tungkol sa imoral na pagsasama nina Herodes Antipas at Herodias, ipinasiya pa rin ni San Juan Bautista na manindigan para sa katotohanan. Hindi natakot si San Juan Bautista na ialay ang kaniyang buhay para sa katotohanan. Inihayag ng pasiyang ito ni San Juan Bautista na umaaasa siya sa Diyos. Mas pinili ni San Juan Bautista na manindigan para sa katotohanan dahil ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos na kaniyang pinananaligan at inaaasahan. 

Pinaalalahanan tayo ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa na dapat tayong umasa sa Diyos. Ang pag-asa sa Diyos ay mapapatunayan natin sa pamamagitan ng mga kilos at salita. Dapat nating isabuhay ang ating pananalig at pag-asa sa Diyos. Inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na wala siyang takot mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Diyos dahil sa Kaniya siya nananalig at umaaasa nang taos-puso. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, hindi tayo dapat matakot mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Hindi dapat maging hadlang ang lahat ng mga tukso at pagsubok sa buhay sa mundong ito sa pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos ay magpapatunay na tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Sabado, Pebrero 1, 2025

MAAASAHANG ILAW

2 Pebrero 2025 
Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 


Sabi sa Antipona sa Prusisyon patungong Simbahan sa Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang ng Simbahan sa espesyal na araw na ito: "Si Hesukristo ang Ilaw na sa lahat ay tatanglaw. Nagbibigay karangalan sa unang bayang hinirang ng Poon nating Maykapal." Nakasentro sa mga salitang ito na hango mula sa Awit-Papuri ni Simeon na inilahad sa salaysay ng Pagdadala sa Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo sa Ebanghelyo ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Inang Simbahan sa araw na ito. Ang tunay na liwanag ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.  

Inilaan ng Simbahan ang ikalawang araw ng Pebrero para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo. Ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay dinala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose sa Templo upang ihandog Siya sa Diyos. Bagamat si Jesus Nazareno ay tunay na Diyos, buong kababaang-loob pa rin Niyang sinunod ang kalooban ng Ama. Niloob ng Amang nasa langit na dalhin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen at ni San Jose ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa Templo 40 araw makalipas ang Kaniyang Pagsilang alinsunod sa Kautusan. 

Ang buong salaysay ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Buong linaw na isinalungguhit sa kabuuan ng salaysay ng nasabing kaganapan na itinatampok at inilahad sa Ebanghelyo ang tunay na dahilan kung bakit Siya dumating sa mundo. Dumating Siya upang ipalaganap ang Kaniyang liwanag. Katunayan, ang Nazareno mismo ay ang tunay na ilaw. Papawiin mismo ni Jesus Nazareno ang kadilimang bunga ng mga puwersa ng kasalanan. Sa pamamagitan nito, si Jesus Nazareno ay magdudulot ng tunay na pag-asa. 

Buong linaw na isinalungguhit ng mga Pagbasa para sa Kapistahang buong ringal na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito na dumating ang tunay na liwanag na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno upang maghatid ng tunay na pag-asa sa lahat. Sa Unang Pagbasa, inilahad ang pangako ng Panginoong Diyos. Darating Siya sa itinakdang panahon alang-alang sa Kaniyang bayan. Isinalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang katotohanang walang ibang hari kundi ang Panginoon. Nakasentro naman sa misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa para sa Kapistahang ito. Ang tunay na liwanag na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ay dumating upang iligtas ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, naghatid Siya ng tunay na pag-asa sa lahat. 

Mayroong ilaw na maaasahan. Ang maaasahang ilaw ay walang iba kundi ang tunay na liwanag na si Jesus Nazareno. Bilang tunay na liwanag, tayong lahat ay Kaniyang iniligtas. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay dinulutan Niya ng tunay na pag-asa. 

Biyernes, Enero 31, 2025

ANG DAPAT NATING IPAKILALA

1 Pebrero 2025
Ika-37 Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Nazareno 
Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Hebreo 11, 1-2. 8-19/Lucas 1/Marcos 4, 35-41


"Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?" Ito ang mga salitang binigkas ng mga apostol matapos nilang masaksihan kung paanong pigilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang unos. Ang mga apostol ay namangha nang makita nila kung paanong pinatahimik ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang matinding bagyo. Hindi nila akalaing pati ang kalikasan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Nazareno. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa tanong na ito ng mga apostol hingil sa pagkakilanlan ng Panginoong Jesus Nazareno na inilahad sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo. Ang Nazarenong ito ay hindi isang hamak na salamangkero. Katunayan, hindi kayang gawin ng sinumang salamangkero ang Kaniyang ginawa sa Ebanghelyo. Bagkus, ang Nazarenong ito ay ang Bugtong na Anak ng Diyos. Dahil diyan, pati ang kalikasan ay Kaniyang napasunod. Sumunod ang kalikasan sa Kaniya sapagkat Siya mismo ang lumikha sa kalikasan. 

Nakasentro sa pananalig sa Diyos ang tampok na pangaral sa Unang Pagbasa. Ang ama ng pananampalatayang si Abraham ay itinampok sa pangaral sa Unang Pagbasa bilang huwaran ng taos-pusong pananalig sa Diyos. Sa kabila ng mga mahihirap na sitwasyon sa buhay, ipinasiya pa rin ni Abraham na manalig at umasa sa Diyos. Kahit hindi madaling unawain ang mga sitwasyong kaniyang hinarap sa buhay, nanalig at umasa pa rin si Abraham sa Diyos. 

Tampok sa Salmong Tugunan ang mga salita mula sa Magnificat, ang Awit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Buong isinalungguhit sa mga salitang ito na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ang pagiging maaasahan ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay dapat panaligan at asahan sa lahat ng oras. Hindi Siya nambibigo.

Kay Jesus Nazareno tayo manalig. Sa Kaniya lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Tunay nga Siyang maaasahan. Ipagmalaki natin ito sa lahat.